News and Events

HVC Week 2022 sumentro sa kahalagahan ng crop diversification
Ginanap ang isang ribbon cutting bilang hudyat ng pagsisimula at pagbubukas ng selebrasyon ng High-Value Crops Week at Kadiwa Market sa tanggapan ng Kagawaran ng Pagsasaka sa JP Rizal St., Brgy. Camilmil, Calapan City, ika-11 ng Abril.(Kaliwa-Kanan) Lito Landicho, Center Chief, Regional Integrated Agricultural Researc Center; Shirley Tomas, Agriculturist II, Agribusiness and Marketing Assistance Division; Rene Madriaga, HVCDP Regional Focal Person; Engr. Ma. Christine Inting, OIC-Regional Technical Director for Research and Regulations; Artemio Casareno, Agricultural Coordinating Officer-Oriental Mindoro; Christine Pine, Oriental Mindoro Provincial Agriculturist; Venerando M. Sanchez, Agro-Technology Resource Center, Provincial Agriculture Office

HVC Week 2022 sumentro sa kahalagahan ng crop diversification

Sa temang Farm Diversification with High-Value Crops: Key to Recovery and Sustainable Growth, sinentro ng High-Value Crops Development Program (HVCDP) ngayong taon ang kahalagahan at benepisyo ng pinagsabay na pagpoprodyus ng iba’t ibang pananim sa selebrasyon ng High-Value Crops Week.

Sa Kagawaran ng Pagsasaka sa Rehiyon ng MIMAROPA binuksan sa publiko ang selebrasyon nitong ika-11 ng Abril at nagtapos ito nitong ika-13 ng Abril.  Nagkaroon ito ng iba’t ibang aktibidad upang mapakita ang kagandahan ng pagsasagawa ng crop diversification. Sa unang araw nagkaroon  ng isang ribbon cutting bilang hudyat pagsisimula ng selebrasyon at pagbubukas ng Kadiwa Market sa pakikipagtulungan ng Agribusiness and Marketing Assistance Division.

Tampok sa Kadiwa Market ang iba’t ibang sariwang gulay, prutas, at iba pang produkto na nagmula sa Oriental Mindoro. Mayroon din iba’t ibang produkto na galing sa probinsiya ng  rehiyon katulad ng peanut butter mula sa Romblon, kasoy ng Palawan, native na bawang at pulang sibuyas ng Occidental Mindoro.

Dinaluhan ang pagbubukas  nito ng mga kawani ng kagawaran sa pangunguna ni OIC-Regional Technical Director Ma. Christine Inting at bagong HVCDP Regional Focal Person Renie Madriaga. Panauhing tagapagsalita naman si Provincial Agriculturist Christine Pine na nagbigay ng mensahe ng pagtanggap. Dumalo din ang mga kawani mula sa City Agriculture Office ng Lungsod ng Calapan sa pangunguna ni City Agriculture Officer Lorelaine Sevilla.

Samantala, sa ikalawang araw ng selebrasyon, nagkaroon ng sabay-sabay na pagtatanim ng 50 punla ng saging na saba sa Mary Help Christian School Campus. Kilala ang paaralan bilang isang agricultural school na accredited ng Technical Education and Skills Development Authority.

Ginanap na banana tree planting ceremony sa loob ng Mary Help Christian School, ika-12 ng Abril.

“Binigyan pansin po natin ngayon ang iba’t ibang high-value crops, kasama na itong banana na isang alternative staple food…Ang ginagawa po natin ngayon ay crop diversification. Ang tawag natin dito ay banana under coconut trees…Ang gusto po natin mangyari dito hindi lang po tayo aasa sa sa kikitain sa coconut, meron pong kasabay na banana. Kasi imaginin ninyo ang coconut limang (5) taon bago bumunga pero ito (saging) may bunga na after a year. Ibig sabihin hindi lang tayo aasa sa permanent crop lang,” pagpapaliwanag ng bagong HVCDP Regional Focal Person.

Kanya ding siniguro sa MHCS, bilang farm cooperator, na patuloy silang gagabayan at ipagkakaloob sa kanila ang mga pangangailangan sa pag-aalaga ng kanilang mga pananim.

Nagpasalamat naman si Sr. Aileen Cayanan, Technical Directress ng nasabing paaralan sa patuloy na pagsuporta ng kagawaran sa kanilang adhikain.

“Kami po ay kusang nagpapasalamat dahil ang Department of Agriculture ay hindi kami kinakalimutan sa aming misyon. Ito ay malaking tulong lalo na at higit ang mga kabataan ay sinusuportahan namin. Ito ay suporta na magpapatuloy hindi lamang ngayong taon na ‘to kundi sa mga susunod pang henerasyon,” pahayag ni Sr. Cayanan.

Bukod rito, tampok din ang mga virtual webinar ukol sa pagtatanim ng dragon fruit tree at diversification in coconut areas sa pakikipagtulungan ng Agricultural Training Institute.

Image

Republic of the Philippines

All content is in the public domain unless otherwise stated.

About GOVPH

Learn more about the Philippine government, its structure, how government works and the people behind it.