Naipamahagi ng Department of Agriculture-MIMAROPA ang mga makinaryang pambukid sa mga asosasyon ng mga magsasaka sa probinsya ng Marinduque na may kabuuang halaga na Php 2,205,168 kamakailan sa Agricultural Program Coordinating Office (APCO) sa bayan ng Boac..
Kabilang sa ipinamigay ay ang anim (6) na Portable Irrigation System Open Source (PISOS) na nagkakahalaga ng Php 408,768.00 mula sa High Value Crops Development Program.
Samantala, anim (6) na hand tractor na halagang Php 899,400.00 at anim (6) na thresher na halagang Php 897,000.00 ay mula naman sa Rice Program.
Ayon kay G. Antonino Manuba, Pangulo ng Samahan ng mga Magsasaka ng Mataas na Bayan ng Mogpog, malaking tulong sa kanilang samahan ang natanggap na thresher dahil tuwing tag-ulan at hindi agad na-thresher ang kanilang ani ay nagiging kulay dilaw ang bigas nito.
“Ngayong mayroon na kaming kagamitan ay mapapabilis na pagsasaka at pagtatanim ng palay at hindi na magiging low quality ang bigas. Kami ay lubos na nagpapasalamat sa DA dahil ito ay hindi lamang para sa aming samahan at pamilya, ito rin ay pasa sa komunidad,” sabi ni Manuba
Taos-pusong pasasalamat rin ang nais ipabatid ni G. Reynaldo Mandia, Chairman ng Samahan ng Magsasaka ng Danao sa bayan rin ng Mogpog. Sila ay nakatanggap ng hand tractor at thresher mula sa kagawaran.
“Maraming salamat po sa ibinigay ninyo sa aming samahan. dahil ito lubos na makakatulong sa bawat isa sanamin. Gagawin nalang po namin ang lahat upang mapaunlad pa ang samahan at bawat isa sa amin upang makabili at masundan pa ang isang unit ng traktora at thresher. Mabuhay ang DA,” wika ni Mandia.
Samantala, nagpapasalamat rin si G. Arnold Larobis, pangulo ng Antipolo Corn and Vegetables Growers Association, mula sa Gasan, Marinduque dahil napasama sila sa nabigyan ng PISOS.
“Ako po kasama ang 33 na miyembro ay nagpapasalamat dahil mas lalo pong uunlad at yayabong ang aming pananim dahil mayroon na po kaming gagamitin sa patubig at kahit po tag-init ay makakapagtanim po kami,” sabi ni G. Larobis.
Ang kanilang asosasyon rin ay nakatanggap ng 3 rolyo (300m kada rolyo) ng High Density Polyethylene (HDPE) pipe na kagamitan rin sa PISOS nang nakaraang buwan.
Maliban sa Samahan ng Magsasaka ng Danao, nakatanggap rin ng hand tractor ang Laon Farmers Association (FA), Makulapnit FA, Golden Grains FA, Bountiful Harvest FA at ang Ihatub FA.
Samantala, nakatanggap rin ng thresher ang Laon FA, Samahang Magsasaka ng Danao, Labo FA, Makulapnit FA at ang Kilo Kilo FA.
Nakatanggap rin ng PISOS ang Sagana FA, Haynon FA, BIntakay FA, Tropang Bolo FA at ang Puting Buhangin FA.
Ang pamamahagi ng mga makinarya ay pinangunahan ni APCO Dra. Lucila J. Vasquez kasama sina Provincial Agriculturist Armando Pedrigal at Provincial Administrator Michael Velasco bilang mga panauhin.