Sa kasalukuyan, nakapamahagi na ang Agri-Business and Marketing Assistance Division (AMAD) at Bureau of Plant Industry – National Plant Quarantine Services Division (BPI-NPQSD) ng 1,161 na food passes sa mga suplayer at mga trucker ng pagkain at produktong agrikultura sa buong MiMaRoPa magmula nang ipatupad ang Memorandum Circular No. 6.
Kaagapay ng Kagawaran ng Pagsasaka (DA) ang mga ahensya ng Philippine National Police (PNP), Department of Interior and Local Government (DILG) at Local Government Units (LGUs) sa pagpapatupad ng food resiliency protocols o pagpapapasok ng mga sasakyang may dalang pagkain, mga produktong agrikultura at iba pang mga pangunahing pangangailangang pansaka at pangkalusugan upang mapadali ang paghahatid ng mga produkto sa pamamagitan ng akreditasyon ng food pass, isang pribilehiyong ipinagkakaloob ng mga kinauukulang tanggapan ng DA.
Ipinahayag ni Kalihim ng Pagsasaka William Dar na marapat lamang na mabilis at diretso ang daloy ng lahat ng pagkain at produktong agrikultura sa panahon ng Enhanced Community Quarantine bilang estratehiya ng pamahalaan sa pagtugon sa COVID-19.
“Sa ganitong paraan (akreditasyon ng food lane pass), maiibsan ang pagkasira ng mga produkto ng mga magsasaka at at the same time, makikinabang ang mga mamamayan sa bayan-bayan na naghihintay ng mga supply.” wika ni Bureau of Plant Industry – National Plant Quarantine Services Division Area Manager Lorna Cepillo.
Ibinahagi ni Area Manager Cepillo ang kwento ni Melvin Lolong, isang magsasakang nagmula pa sa Pinamalayan, na nakapaghatid ng kanyang mga produktong 34.5 toneladang kamatis, 2 toneladang talong, at 2 tondeladang kalabasa sa mga bayan-bayan mula Roxas hanggang Puerto Galera gamit ang kanilang pribadong sasakyan.
“Bumilis din ang daloy ng mga produkto sa labas at loob ng MiMaRoPa,” banggit ni Agricultural Program Coordinating Officer Coleta Quindong ukol sa pagtatawid ng mga pagkain at produktong agrikultura sa mga barko patungong Batangas, Divisoria at iba pang mga karatig-bayan, maging sa pagtanggap ng Calapan hangggang sa ibang bayan ng lalawigan, “Kaakibat din ng pagbibibigay ng akreditasyon ng food lane pass, nahuhuli rin ang mga iligal na mga byaherong gumagamit ng expired na rehistrasyon ng kanilang sasakyan,” dagdag niya.
Maaaring makakuha ng food pass ang mga single proprietors, mga kooperatiba, asosasyon at mga kumpanya matapos makapagpasa ng mga patunay na rehistrado sa Department of Trade and Industry (DTI), Cooperative Development Authority (CDA), Department of Labor and Employment (DOLE) o Security Exchange Commission (SEC), business o mayor’ permits sa pag-supply at paghahatid ng mga kalakal na agrikultural at pampalaisdaan. Para sa poultry at by-products nito, marapat na mayroong handler’s license at akreditasyon mula sa Bureau of Animal Industry (BAI) at National Meat Inspection Service (NMIS).
“Madali lang namang magpasa ng requirements para sa pass. Magandang hindi na kami pinapatigil sa mga checkpoints. Kapag trapik tapos nakikita yung food lane pass, pinapadiretso na kami. Pinapahiwalay na kami ng linya – mas mabilis yung byahe”, wika ni Virgilio Ramirez, tsuper ng cargo truck na may dalang 150 mT calamansi at 20 cavans ng bigas galing Bansud papuntang Divisoria.
Nagpahayag din si Mercedes Compomares, miyembro ng Aguileon Cargo Express Corporation at may-ari ng isang 10-wheeler na delivery truck na may dalang 53 sakong pandesal mix at 43 kahon ng gamot galing Maynila patungong Roxas, Oriental Mindoro “Dahil sa food lane pass, dire-diretso lang kami lalo na’t may hinahabol na oras. Hindi na rin kasi ito trabaho lang kundi pagtulong na mismo sa mga nangangailangan at yun yung importante ngayong panahon.”
Nananawagan si Kalihim Dar na patuloy tulungan ang lahat ng nasa food value chain para sa tuluy-tuloy na pagdaloy ng pagkain at para hindi tumaas ang presyo ng mga ito sa metropolis at kanayunan. Kasalukuyan ding nagpapahiram ang Kagawaran ng Pagsasaka (DA) ng mga delivery trucks upang maihatid ang mga produkto ng mga magsasaka nang sa gayon ay maiwasan ang pagkasira ng mga ito at maihatid sa mga kinauukulang merkado at suplayer.