MAGSAYSAY, OCCIDENTAL MINDORO, ika-19 ng Abril - Nagsagawa ang Department of Agriculture – Special Area for Agricultural Development (DA-SAAD) Program ng social preparation para sa mga magsasaka ng Uyugan mga Ama sa Bato Ili Farmers Association (UASBFA) at ng Sitio Dulis, Abong, Salafay, Hubkob Farmers Association (S. DASH FA) na binubuo ng 50 miyembro.
Pinangunahan ni Gng. Hazel Gardoce, Agriculturist II mula sa DA-Institutional Development Unit (IDU) ang gawain na naglalayong maipaliwanag sa mga benepisyaryo ang kanilang tungkulin sa pangangalaga at pagpapalago ng mga proyektong ipagkakaloob sa kanila ng programa.
Tinalakay sa gawain ang kahalagahan ng pagkakaroon at pagsunod sa mga batas o by laws ng mga samahan upang mapanatili ang kaayusan sa grupo.
Inanyayahan ni Gng. Josephine de Sales, Project Evaluation Officer IV mula sa SAAD Regional Office ang mga katutubong magsasaka na palagiang makipag-ugnayan sa Municipal Agriculture Office (MAO) at sa SAAD Area Coordinator na nakatalaga sa kanila upang mas matulungan sila sa kanilang pagtatanim.
“Laging nariyan [ang SAAD Area Coordinator] at ang mga technician para tulungan kayo. Huwag kayong mahihiya na magsabi sa kanila para malaman naming kung ano pa ang pwede naming maitulong sa inyo,” ani Gng. de Sales.
Nakatanggap ang dalawang samahan ng upland rice production package mula sa SAAD upang mapataas ang kanilang produksyon ng palay-kaingin.
Sources: Jercel N. Catubig, SAAD Area Coordinator – San Jose, Relan S. Sabac, SAAD Area Coordinator – Calintaan