Patuloy na patatagin ang mga samahan sa pamamagitan ng tuloy-tuloy na paglinang sa kanilang kakayahang mamahala – ito ang layunin ng Special Area for Agricultural Development (SAAD) MIMAROPA sa muling pagsasagawa ng Capability-Building Training on Organizational Management sa mga samahang tinutulungan nito sa rehiyon.
Nagsimula ang serye ng pagsasanay noong Agosto at kasalukuyang isinagawa sa mga probinsyang sakop ng programa sa mga lalawigan ng Romblon at Palawan. Nakipag-ugnayan ang SAAD MIMAROPA sa Romblon State University (RSU) para sa mga tagapagsanay sa mga samahang nasa Romblon habang katuwang naman ng tanggapan ang Palawan State University (PSU) sa pagsasagawa ng pagsasanay sa lalawigan ng Palawan. Nagpadala ang mga naturang institusyon ng mga propesor mula sa kani-kanilang College of Business and Accountancy na silang nagturo sa mga samahan hinggil sa mga mahahalagang aspeto ng pamamahala ng organisasyon at estratehikong pagpaplano. Binigyang diin rin nila ang kahalagahan ng mga kaugalian at kultura ng samahan sa pagsasakatuparan ng layunin ng asosasyon.
“Sa isang organisasyon [ay] kinakailangan [na] mayroon tayong tinatawag na values. Kasi ito ang nagiging pundasyon ninyo bilang isang asosasyon para maging epektibo ‘yong asosasyon ninyo,” paalala ni Prof. Alexander A. Mangoba, isa sa mga tagapagsanay mula sa RSU.
Muli ring ipinaalala sa naturang pagsasanay ang mga responsibilidad at papel hindi lamang ng mga opisyales kungdi ng lahat ng kasapi ng samahan ganoon rin ang pagbuo ng mission, vision, at goal ng asosasyon, na magsisilbing batayan sa paglalatag ng mga plano at gawain ng asosasyon.
Mula sa 44 na samahang kasalakuyang sineserbisyuhan ng SAAD Program Phase 2 sa MIMAROPA, nasa 32 na ang sumailalim sa nabanggit na pagsasanay habang 12 iba pa ang nakatakdang mabigyan rin nito sa Nobyembre. Kabilang sa kanila ang limang (5) samahan sa bayan ng Looc, Occidental Mindoro, kung saan magiging katuwang naman ng SAAD MIMAROPA ang Occidental Mindoro State College.
Bagama’t ikalawang beses nang sumailalim sa Capability-Building Training on Organizational Management, labis pa rin ang pasasalamat ng mga magsasaka sa mga karagdagang kaalaman na kanila anilang magagamit sa pagpapatakbo ng kanilang mga samahan. “Marami pong salamat sa knowledge na pinagkakaloob ninyo sa amin gaya ng kung paano ma-manage ng maayos ang mga resources na meron kami. Marami pong salamat sa inyong lahat dahil nararating po ninyo ‘yong area namin na isla, mensahe ni Gng. Elaine Maceda, pangulo ng Villa Fria Farmers Association sa Brgy. Villa Fria, Agutaya, Palawan.
Samantala, katuwang rin ng SAAD MIMAROPA sa pagdaraos ng training ang mga lokal na pamahalaan sa pamamagitan ng mga Municipal Agriculture Office (MAO) ng bawat munisipyo.
Isa lamang ang pagsasanay sa pamamahala ng organisasyon sa mga ibinibigay na training ng SAAD Program sa mga benepisyaryo nito. Isinusulong ng programa ang tuloy-tuloy na pagpapalakas ng mga magsasaka at kanilang samahan sa pamamagitan ng patuloy na paglinang sa kanilang kakayahan at kaalaman mula sa pamahahala, produksyon, hanggang sa pagbebenta ng kanilang mga produkto.