News and Events

Brgy. Kagawad, kumikita sa pinayukong papaya at sa 4Ps ng DA
Si G. Rontal habang hawak ang bagong aning papaya mula sa pinayukong puno nito.

Brgy. Kagawad, kumikita sa pinayukong papaya at sa 4Ps ng DA

Pagsisikap at masidhing kagustuhang matuto dala ng makabagong teknolohiya o internet at ng Plant, Plant, Plant Program (4Ps) ng Department of Agriculture (DA) ang naging daan upang patuloy na kumita ang isang biyudo sa probinsya ng Marinduque.

Siya si Ginoong Reynante Rontal, may apat na anak, isang barangay kagawad ng Brgy. Santol sa Boac at kasalukuyang vice chairman sa Samahang Magsasaka ng Santol sa kanilang lugar.

Nagsimula siyang magkaroon ng kaalaman sa pagtatanim nang maging casual siya sa Office of the Provincial Agriculturist (OPAG) noong taong 1995. Bukod sa pagkakaroon ng tiyuhing agriculturist, siya rin ay nakikinig sa mga seminar na isinasagawa ng OPAG upang madagdagan ang kanyang kaalaman sa pagsasaka.

Pinatira siya ng kanyang tiyuhin sa kanyang 1.7ha. na lupain at dito niya sinimulang linisin at taniman ang 1.3ha. na dating masukal at pastulan lang ng mga hayop.

Naging kakaiba si G. Rontal sa ibang magsasaka sa istratehiya nito sa pagtatanim ng papayang nakayuko. Nang madiskubre niya ang YouTube ay doon niya natutunan ang kagandahan ng pagpapayuko nito. Ayon sa kanya ay naging mas matamis ang kanyang papaya. Hindi na rin siya mahihirapang mag-ani at maiiwas pa ito sa pagkasira o pagkabuwal dulot ng bagyo.

“Naging mas matamis ang aking ani dahil sa pagpapayuko at sa inilalagay kong foliar fertilizer at AMO organic fertilizer mula sa DA,” sabi niya.

Larawan ng mga nakatayo at pinayukong papaya ni G. Rontal.

Sa ngayon ay hindi lahat ng kanyang papaya ay nakayuko. Patuloy niya paring pinag-aaralan ang pagkakaiba ng nakayuko at nakatayong papaya.

Bago pa siya magtanim ng iba’t ibang klase ng gulay mula sa DA katulad ng talong, pipino, mustasa at petsay ay tinaniman na niya ito ng kalamansi at sinturis na kanya rin pinagkukunan ng kita.

Ang papaya ang kanyang pinakamalaking pinagkukunan ng kita. Ito ay sinta at red lady na variety na nabili niya sa isang pribadong kumpanya. Ang kanyang taniman nito ay may sukat na 3000 sq.m at may 120 na puno. Ipinagbibili niya ito sa halagang Php 30.00 kada kilo at ipinagbibili naman ito ng kanyang mga buyer ng Php 50.00. Sa kasalukuyan, ang kabuuang naaani na niya sa papaya ay 2,000 kilos.

Sa ngayon ay umaani rin siya ng 50 kilos ng papaya tatlo (3) hanggang apat (4) na beses sa isang linggo at halos 10 kilos naman ng gulay katulad ng talong, okra at pipino araw-araw.

“Maraming mamimili ng gulay at papaya dito sa aming bayan, pinapakyaw nila kahit anumang gulay mayroon ako,” wika niya.

Ipinagbibili niya ang kanyang mga ani sa bayan ng Boac, Gasan at Mogpog. Ang mga mamimili na ang dumadayo sa kanyang lugar upang bilhin ang kanyang mga ani.

“Hindi na ako nagdadala sa palengke. Sila na ang tumatawag sakin at pumupunta dito upang magtanong kung mayroon na akong aning pwedeng ma-angkat. Iba-iba ang aking pinagbebentahan upang silang lahat ay mapagbigyan,” pagbabahagi niya.

Kapag hindi niya nabebenta at malapit nang mabulok ang papaya at gulay ay ipinapakain niya ito sa kanyang mga alagang hayop katulad ng road island chicken at baboy. Ito ang nagsisilbing alternative na pagkain ng kanyang hayop kaya kahit malapit nang mabulok ay napakikinabangan parin.

Siya ay nakatanggap ng iba’t ibang tulong mula sa DA katulad ng vegetable seeds ng 4Ps, sprayer, garden tools, seedling tray, abono at foliar fertilizer na ginagamit niya rin sa kanyang taniman ng papaya.

“Malaking bagay ito sa akin kasi hindi ko na kailangan pang bilhin at malaking katipiran ito na magagamit ko para sa pag-aaral ng aking mga anak. Napakalaking tulong ng DA sa akin. Kapag nangangailangan rin po ako ay hindi po sila nag-aatubiling magbigay dahil nakikita naman nila ang resulta nito. Maraming salamat po sa DA,” pasasalamat niya.

Sa loob ng 20 taong pagtatanim ni G. Rontal ay nakapagpagawa na siya ng bahay, nakabili ng iba’t ibang kagamitan sa bahay at higit sa lahat ay nakapagtapos na niya ang kanyang panganay sa kursong Electronic and Communication Engineering at patuloy pa ring sinusuportahan ang pag-aaral ng kanyang tatlo (3) pang anak sa kursong Information Technology at Environmental Science.

Maliban sa mga kagamitan ay nakabili na rin siya ng karagdagang alagang baboy at manok. Sa higit 30 manok niya, 20 rito ang nangingitlog na kanya rin ibinibenta sa kanilang barangay.

Ayon sa kanya, handa niya ring ibahagi ang kanyang kaalaman sa pagtatanim ng papaya at gulay sa kapwa niya magsasaka sa kanilang lugar upang magkaroon rin sila ng mapagkikitaan.

Ang libreng binhi ay ipinamamahagi ng DA sa bawat Municipal Agriculture Office sa probinsya. Ito ay libreng makukuha ng mga mamamayang gustong magtanim ng gulay sa kanilang bakuran. Namamahagi rin ng libreng binhi ang Agricultural Program Coordinating Office na matatagpuan sa Boac para sa mga walk-in clients.

Image

Republic of the Philippines

All content is in the public domain unless otherwise stated.

About GOVPH

Learn more about the Philippine government, its structure, how government works and the people behind it.