Mamamahagi ng kanilang mga aning palay ang mga benepisaryo ng Seed Exchange (SeedEx) at Hybridization Program ng Department of Agriculture - MiMaRoPa Region sa Brgy. Tigwi, Torrijos, Marinduque sa pangunguna ng Tigwi Farmer Irrigators Association (Tigwi FIA) na pinamumunuan ng pangulo at Local Farmer Technician na si Gng. Amalia Peralta.
Ang SeedEx ay ang proyekto ng Kagawaran upang madaling maipaabot sa mga maliliit na magsasaka ang mataas na kalidad na inbred seeds, lalo na sa lugar na walang mga seed grower. Sa pamamagitan nito, may tinalaga ang Rice Program na mga lokal na sakahan na maging model farm sa kanilang lugar, at kasama na nga rito ang samahan ng mga magsasaka sa Tigwi.
Upang makakalap ng mga ipapamahaging bigas, humingi ng tulong si Gng. Peralta sa mga magsasaka na kapwa niya naging benepisaryo ng mga programa ng kagawaran upang matulungan ang kanilang mga kababayang naapektuhan ng Enhanced Community Quarantine buhat ng COVID-19.
"Nakita po namin na ang karamihan ay hindi makalabas, walang makain, at talagang hirap sa buhay kaya nag-post ako sa Facebook na kung puwede ay magbahagi sila ng kanilang aning palay ngayong panahon ng anihan," sabi ni peralta.
Dagdag pa ni Gng. Peralta, hindi ito pwersahang pangungolekta ng ani mula sa mga magsasaka at para lamang sa mga gustong tumulong o magbahagi ng kanilang ani. Mula noong ika-29 ng Marso, umabot na sa 25 na sakong palay ang kanilang nakokolekta mula sa kanilang mga kasamahan.
"Kahit kaunti lamang, kapag napagsama-sama ay marami na ring matutulungang nagugutom dito sa aming lugar," dagdag pa ng pangulo ng Tigwi FIA.
Sa ngayon, kanila na itong ginigiling upang maging bigas para maipamahagi na sa mga nangangailangan sa kanilang barangay. Kung may lalabis at may mga magsasakang patuloy na magbabahagi ng kanilang ani, mamimigay rin sila ng tulong sa mga kalapit na barangay.
Kabilang sa mga variety ng palay na nagmula sa mga magsasaka ay RC300, RC160, NSIC RC524H, at NSIC RC 204H. Ang mga binhing ito ay siyang ipinagkaloob ng Kagawaran sa mga magsasakang kabilang sa nasabing proyekto.