May kabuuang 752 na magbababoy mula sa Oriental Mindoro ang nakatanggap ng pinansyal na tulong sa pamamagitan ng African Swine Fever (ASF) Indemnification Program sa ilalim ng Quick Response Fund (QRF) ng Department of Agriculture (DA) MIMAROPA na ginanap noong ika-11 hanggang ika-14 ng Pebrero 2024.
Pinangasiwaan ang aktibidad ng ASF Indemnification Working Committee sa pangunguna nina Supervising Agriculturist Artemio Casareno ng Regulatory Division, Oriental Mindoro Agricultural Program Coordinating Officer (APCO) Renie Madriaga, at Cashier Chief Ruby Goce kasama ang kawani ng Disaster Risk Reduction and Management Unit, Livestock Program, at Cashier Section, katuwang ang Municipal Agriculture Office at City Veterinary Office.
Umabot sa Php 37,595,000.00 ang kabuuang halaga ng pinansyal na tulong na ipinagkaloob sa mga benepisyaryo na nagmula sa 12 bayan, kabilang ang Roxas, Mansalay, Bongabong, Bulalacao, Bansud, Pinamalayan, Gloria, Victoria, Pola, Naujan, Baco, at Lungsod ng Calapan.
Ang bawat benepisyaryo ay nakatanggap ng cash assistance mula Php 5,000.00 hanggang Php 100,000.00, depende sa bilang ng mga baboy na kanilang boluntaryong ipinadepopulate dahil sa ASF outbreak sa kanilang lugar. Layunin ng ASF Indemnification Program na matulungan ang mga apektadong magbababoy na makabangon at makapagsimula muli sa pamamagitan ng pag-invest sa alternatibong hanapbuhay o iba pang kabuhayan.
Marami sa mga tumanggap ang nagpahayag ng kanilang pasasalamat sa Department of Agriculture sa suportang ipinagkaloob sa kanila, na makakatulong upang muling maitaguyod ang kanilang kabuhayan matapos ang matinding epekto ng ASF sa kanilang hanapbuhay.
“Ang aking pong natanggap na ayuda na galing sa Department of Agriculture ay pasimula sa panibagong hanapbuhay. Maraming salamat po sa ayudang ipinagkaloob ng DA,” ayon kay Jovy Abalos mula sa bayan ng Bansud.
“Nagpapasalamat po ako sa DA sa financial assistance na malaking tulong at magagamit namin sa aming pangkabuhayan o pagkakakitaan,” saad naman ni Gina Ramos mula sa Roxas.
“Ito po ay aking gagamitin sa maliit na palaisdaan. Maraming maraming salamat po kahit hindi po namin ito inaasahan, napakalaking tulong po ito sa amin,” wika ni Filomena Caunca, benepisyaryo mula sa Gloria.
“Ito pong natanggap kong assistance ay gagamitin ko sa pag-eexpand ng aking poultry, idadagdag ko po ito para mas marami akong alagang manok. Maraming salamat po sa Department of Agriculture, kahit papaano ay may maitutulong ito sa amin,” ayon naman kay Bonifacio Claveria mula sa Calapan City.
Samantala, ang ASF Indemnification Program ay bahagi ng Quick Response Fund (QRF) ng Department of Agriculture na idinisenyo upang magbigay ng pinansyal na tulong sa mga magsasakang boluntaryong nagpa-depopulate ng kanilang baboy na naapektuhan ng ASF. Nilalayon din nito na mabawasan ang mga pagkalugi sa produksyon at hikayatin ang mga mag-aalaga ng maagang pag-uulat ng mga aktwal o hinihinalang kaso ng sakit sa kanilang mga hayop upang maiwasan ang pagkalat ng ASF.