News and Events

290 RTL chicken, pinagkaloob sa 25 magsasaka sa Romblon; pagbebenta ng mga itlog, nasimulan na ng samahan
Bahagi ng pagpapanatili ng mga kasapi ng Tubigon Planters Association sa kalinisan ng kulungan ng mga manok ang regular na pagpapalit ng mga sako sa ilalim ng mga ito, kung saan ang mga nakolektang dumi ng mga manok ay ginagamit ng samahan bilang pataba sa kanilang mga halaman.

290 RTL chicken, pinagkaloob sa 25 magsasaka sa Romblon; pagbebenta ng mga itlog, nasimulan na ng samahan

Romblon, January 22, 2024 – Mahigit dalawang (2) linggo matapos matanggap ang 290 na ready-to-lay chicken (Dekalb breed), nagsimula nang umani at magbenta ng mga itlog ang Tubigon Planters Association, benepisyaryo ng Ready-to-Lay Chicken (Egg) Production Project ng Department of Agriculture – Special Area for Agricultural Development (DA-SAAD) sa Brgy. Tubigon, Ferrol, Romblon.

Maliban sa mga manok na pinagkaloob ng SAAD MIMAROPA noong ika-11 ng Disyembre, 2023, pinagkalooban rin ang samahan, na binubuo ng 25 miyembro, ng 10 set ng RTL chicken cages, 150 sako ng feeds, at 40 bote ng mga gamot bitamina na may kabuuang halaga na Php800,080.   Nagbayanihan naman ang mga kasapi sa pagtatayo ng kulungan sa lupang ipinahiram ni G. Zosimo G. Llorca, kabiyak ng pangalawang pangulo ng asosasyon na si Gng. Suzette C. Llorca.  Ayon sa huli, libre itong ipinagagamit sa asosasyon hanggang wala pang sarilings lupa na magagamit ang samahan.

Sa loob ng isang buwan mula ika-13 ng Disyembre, 2023 hanggang ika-13 ng Enero, 2024, umaabot na sa 4,140 piraso ang naaning itlog ng samahan at naibenta nila sa halagang Php200 hanggang Php230 bawat tray sa mga kasapi. Dahil nagsisimula pa lamang, karamihan sa mga naaning itlog ay katamtaman ang laki habang may ilan rin silang nakuha na maliit. Base sa tala ng asosasyon hanggang nitong ika-13 ng Enero, umaabot na sa 138 tray ng itlog ang kanilang naipagbibili na katumbas ng Php 31,545 na kita.

Ibinebenta nila ang mga itlog sa mga residente ng Brgy. Tubigon at mga kalapit barangay. Ayon kay Gng.  Llorca, mismong mga mamimili na ang nagtutungo sa kanila para kunin ang mga itlog.  Nagtutulong- tulong aniya ang mga kasapi sa pag-aalok ng mga itlog upang maipabatid sa mga residente na nakapagpoprodyus na sila ng itlog ng manok.

 Unang inihain na proyekto para sa samahan ang produksyon ng arrowroot, ngunit inilahad ng mga kasapi sa isinagawang Beneficiary Needs Assessment (BNA) na mas nais nilang magkaroon ng RTL Chicken (Egg) Production Project. Karamihan sa mga kasapi ng samahan ay mga maybahay at iilan lamang ang naghahanapbuhay tulad ng pangunguha ng sihi sa karagatan.  Matapos mapatunayang angkop sa kanila ang proyektong nais nila, sinuportahan ng SAAD MIMAROPA ang grupo sa pamamagitan ng pagkakaloob ng mga kakailanganin sa produksyon, na naibigay lahat bago matapos ang 2023.

 Upang epektibong mapangalagaan ang mga manok at matiyak ang paglago ng proyekto, hinati ang mga miyembro sa pitong (7) grupo na silang araw-araw nagpapalitan sa pag-aasikaso sa manukan.  Sinisiguro nilang malinis ang kulungan at ginagawa namang organikong pataba ang dumi ng mga manok.

Naging hamon sa Tubigon Planters Association ang buong kooperasyon ng lahat ng miyembro noong hindi pa dumarating ang mga manok, ngunit napatunayan anila ang magandang hinaharap ng proyekto nang magsimulang mangitlog ang mga ito at unti – unti silang makapagbenta.   Hindi rin biro ang pagbebenta ng mga itlog lalo pa at may mga kakumpetensiya rin ang samahan kaya naman nagtutulong-tulong ang mga miyembro sa pagpapakilala ng kanilang asosasyon bilang tanging prodyuser ng mga farm-fresh eggs sa bayan ng Ferrol.

Labis ang pasasalamat ng samahan sa SAAD Program sa pagkakalob ng proyekto sa kanila. Saad ni Gng. Llorca, “Very thankful po ako sa DA talaga kasi ito ay magiging beginning ng source ng income ng mga Tubigon. Matututo po dito ang mga kasamahan namin, na sa kahit konting kaalaman lang ay magkakaroon ng hanapbuhay ang mga tao. Kumbaga, kung ang mga tao dati ay nag-aalangan pagdating sa mga ganyan, ngayon po ito ay isang break para sa amin na pwede pala na magkaroon kami ng mga project na ganito na masisimulan naming pangkabuhayan para ipagpaaral sa aming mga anak.”

Plano ng samahan na magbenta ng mga itlog sa buong Ferrol at mga kalapit bayan sa Tablas Island sakaling tumaas pa lalo ang kanilang produksyon at lumabis sa pangangailangan ng kanilang mga kabarangay. Inaasahan rin nila na sa mga susunod na linggo ay makapag-aani na sila ng mas malalaking mga itlog kaya naman plano na ng samahan na bumili ng timbangan sa lalong madaling panahon.

Samantala, inilalatag na ng SAAD MIMAROPA ang karagdagang ayuda para sa pagpapalago ng RTL Chicken (Egg) Production Project ng Tubigon Planters Association na ipagkakaloob ngayong taon at popondohan sa ilalim ng 2024 SAAD Fund.

Image

Republic of the Philippines

All content is in the public domain unless otherwise stated.

About GOVPH

Learn more about the Philippine government, its structure, how government works and the people behind it.