News and Events

2019 Gawad Saka Outstanding Corn Farmer mula Sablayan, Occidental Mindoro tumutulong sa panahon ng Enhanced Community Quarantine
Nasa larawan si Mr. Joel Goupio, isang magsasaka ng mais mula sa Sablayan, Occidental Mindoro na itinanghal bilang 2019 Gawad Saka Outstanding Corn Farmer national awardee.

2019 Gawad Saka Outstanding Corn Farmer mula Sablayan, Occidental Mindoro tumutulong sa panahon ng Enhanced Community Quarantine

Nanguna ang isang natatanging magsasaka mula Occidental Mindoro sa pagpapahatid ng tulong sa kanyang mga kababayan ngayong ipinapatupad ang Enhanced Community Quarantine (ECQ).

Nagbigay ng bigas, mais, at iba pang pagkain si Joel Goupio sa mga residente sa ilang barangay sa bayan ng Sablayan ngayong nananalasa ang sakit na COVID-19 sa bansa at ang mga tao ay hindi pinahihintulutang maglalabas ng bahay dahil sa home quarantine para di kumalat ang sakit.

Dahil sa kanyang ginintuang puso sa pagtulong sa mga nangangailangan, talagang kahanga-hangang indibidwal si Joel Goupio at tunay nga siyang nararapat na itanghal ng Department of Agriculture bilang national winner ng Gawad Saka Outstanding Corn Farmer sa taong 2019.  

Sariling pasiya niya na maghatid ng tulong sa tatlong barangay sa Sablayan – ang Brgy. Tuban, Brgy. Malisbong, at Brgy. Batong Buhay sapagkat nakita niya ang kanyang mga kababayan na wala nang makain dahil hindi nakakalabas ng bahay para magtrabaho dahil sa quarantine.

Nagdesisyon siyang tumulong sa mga apektadong pamilya sa kanilang lugar habang nag-aantay ng ayuda mula sa pamahalaan. Nakiusap siya sa mga kasapi ng kanilang samahan,  ang Malisbong at General Aguinaldo Irrigators Association, gayun din sa ilang kagawad ng  kanilang barangay upang maghanap ng hindi kasama sa 4Ps(ayudang binibigay ng Department of Social Welfare and Development), mga senior citizen na walang nag-aaruga, at mga pamilyang may limang (5) anak  pataas at may maliliit pang mga anak.

Bukas palad si Goupio na tumutulong sa mga nawalan ng trabaho at kinikita gaya ng mga nagtatanim sa palayan at mga trabahador sa konstruksyon sa panahong ito. Binigyan niya ng ayuda ang mga nawalan ng trabaho. Bago pa man magsimulang tumulong ang lokal na pamahalaan, nauna na si Goupio sa pamimigay sa mga pinakamahihirap na mga pamilya o “poorest of the poor,”  mga pamilyang maraming anak, mga matatanda o senior citizens, at mga single parents.

Makikita sa mga larawan sa itaas ang pag-eempake ng mga ayuda at pamamahagi ng mga ito sa mga nakatira sa tatlong barangay sa Sablayan.

Simula pa noong Marso 25, 2020 ay nakapagbigay na si Goupio ng animnapung (60) kaban ng bigas sa mahigit na isang daang (100) pamilya. Depende sa dami ng anak, ipinamimigay ang mga food packs na 15 kilos, 10 kilos, at 3 kilos. Ang pamilyang may maraming anak ay nakatatanggap ng mas maraming ayuda. May mga pamilya rin na nakakuha ng mga food packs na may lamang noodles at tatlong (3) kilong bigas.

Ang mga katulong ni Goupio sa pamamahagi ng ayuda ay mga kapatid niya at mga para-teachers o yung mga guro na volunteers na nagtuturo. Walang budget ang bayan para ang mga para-teachers ay pasuwelduhin kaya si Goupio na ang nagpapasuweldo ng PhP 3,000 at binibigyan ng isang kabang bigas kada buwan.

Ang mga front liners na nagbabantay sa checkpoints ay binibigyan rin ng pangkape at pang-meryenda katulad ng mais na ani niya.

Samantala, taos-pusong nagpasalamat kay Goupio ang punong bayan ng Sablayan. Sabi ni Mayor Andy Dangeros, “pinasasalamatan ko siya sa ibinigay niyang tulong sa aming mga kababayan.”

Ang apatnapu’t-anim na taong gulang na si Goupio ay may dalawang anak. Nakatira siya ngayon kasama ang asawa at bunsong anak na lalaki sa Sitio Sahing, Sta. Lucia, Sablayan kung saan naroon ang kanyang bukid. Ang panganay niyang anak na babae ay nagtatrabaho sa Maynila. Dahil nga may banta ng COVID-19 at may Enhanced Community Quarantine (ECQ) minabuti muna nilang dito manatili upang patuloy pa rin ang kanilang pagbubukid.  Mayroong walong (8) tao na nagtatrabaho sa kanyang bukid.

Dahil walang ibang paraan upang makapaglibang at hindi rin maaaring mamasyal sa ibang lugar , naging libangan niya na rin nila ang pagtatanim niya ng mais, gulay , palay at pag-aalaga ng hayop. “Hindi ako naiinip at hindi rin nagugutom dito, at maganda pa ang nature dito,” aniya. 

Sabi pa ni Goupio, maraming pamilya pa ang nangangailangan ng tulong sa ngayon, kaya siya ay nanawagan din sa kapwa niya magsasaka na nakakaluwag sa buhay na tumulong din bilang balik tanaw sa biyayang binigay ng Diyos.

Patuloy pa rin ang pasasalamat ni Goupio sa kabila ng lahat dahil nakakatulong siya sa kanyang kapwa. Pinagpapasalamat niya rin ang mga natutunan niya sa Kagawaran ng Pagsasaka na ayon sa kanya ay nakatulong upang mapa-unlad ang kanyang bukirin at dahil din dito natuto rin siyang makitungo sa kapwa dahil sa pagdalo niya sa iba’t-ibang seminar at training ng ahensiya.

Samantala, malaki ang pasasalamat niya sa blessing o biyayang natanggap sa Diyos.  Dati-rati ay ayaw bilhin ng National Food Authority (NFA) ang kanyang aning palay. Subalit ngayon ay kinuha ng NFA ang kanyang ani. Itinuturing ni Goupio na blessing dahil nangyari iyon matapos niya mamigay ng tulong sa kanyang kababayan.

“Ang biyayang galing sa Panginoon ay dapat ipamahagi sa taong nangangailangan,” sabi ni Goupio. Sa ipinamalas ni Goupio na kabutihang loob, maituturing nga natin siya na isang huwaran na dapat tularan sa panahon ng krisis na kinakaharap ng sambayanan.

Image

Republic of the Philippines

All content is in the public domain unless otherwise stated.

About GOVPH

Learn more about the Philippine government, its structure, how government works and the people behind it.