Success Stories

Sa Likod ng Presyong Abot-Kaya: Kuwento ng Makapili Vegetable Farmers Association at Kadiwa sa Pinamalayan

Sa Likod ng Presyong Abot-Kaya: Kuwento ng Makapili Vegetable Farmers Association at Kadiwa sa Pinamalayan

Sa bayan ng Pinamalayan, Oriental Mindoro, may araw-araw na tanawin na nagiging simbolo ng pag-asa para sa maraming mamimili at magsasaka. Sa ilalim ng init ng araw at abalang paggalaw ng mga tao sa palengke, makikita ang mga piling gulay—mura, sariwa, at direktang nakukuha mula sa mga magsasaka. Ito ang bunga ng pagsusumikap ng Makapili Vegetable Farmers Association, kasama ang programang Kadiwa ng Department of Agriculture.

Sa pangunguna ni Melvin Lolong, presidente ng Makapili Vegetable Farmers Association, naging tulay ang Kadiwa para maramdaman ng mga mamamayan ng Pinamalayan ang benepisyo ng makatarungang presyo at diretsong suplay mula sa mga magsasaka.

“Malaking tulong talaga ang Kadiwa dito na ramdam na ramdam ng mga mamamayan. Mas mababa ang presyo, at dahil dito, hindi rin basta-basta makakataas ng presyo ang iba sa palengke. Nababalanseng mabuti ang merkado,” kwento ni Municipal Agriculturist Danny Villacrusis.

Hindi lang para sa mga mamimili ang benepisyo. Ayon kay Marlon Mangaring, bise-presidente ng Makapili Vegetable Farmers Association, nabigyan ng bagong sigla ang produksyon ng gulay dahil sigurado na ang bagsakan. Dati-rati, nangangapa raw sila kung saan dadalhin ang ani. Ngayon, mula Victoria at Calapan hanggang Batangas at Tagaytay, tuloy-tuloy ang kanilang pagsuplay ng kanilang mga ani. May 40 kasapi na ang Makapili Vegetable Farmers Association, at sabay-sabay silang umaangat.

Sa kabilang banda, ramdam din ng mga mamimili ang kaginhawaan. Isa na rito si Kimberly Ann Mangaring, isang nanay na regular na tumatangkilik sa Kadiwa. “Malaking tulong po ito sa amin, sa panahon ngayon, mataas ang bilihin at mahirap mag-budget. Pero dito sa Kadiwa, mas mababa ang presyo kaya mas marami kaming nabibili dahil napalawak pa ang budget namin,” ani niya.

Isa pa sa mga ipinagmamalaki ng grupo ang kanilang organisadong pamamaraan sa pagsasaka. Hindi na basta-basta ang pagtatanim—planado at may disiplina. Gumagamit sila ng rice hull, organic fertilizers, at soil conditioner upang mapaganda ang lupa at masigurong ligtas at mataas ang kalidad ng kanilang gulay. Mahalaga ito lalo’t may mga bumibisita mula sa iba’t ibang lugar, kasama na ang mga kinatawan ng WalterMart, upang tingnan ang kalidad ng produkto ng kanilang asosasyon.

Ngunit higit pa sa kita, ang tagumpay ng Makapili Vegetable Farmers Association ay nasusukat sa pagbabagong dulot nito sa komunidad. Sa bawat talbos ng gulay at bawat ngiting hatid ng abot-kayang presyo, nakikita ang pag-unlad na hindi lamang pansarili, kundi pangkomunidad. Sa katunayan, mas dumami ang oportunidad para sa mga magsasaka at mas lalong lumakas ang kumpiyansa nila sa kanilang kabuhayan.

“Sa mga kapwa ko magsasaka, huwag kayong mawalan ng pag-asa,” panawagan ni Melvin. “Malaki ang maitutulong ng ating mga grupo  sa ating pamayanan, sa ating kapwa na sila ay mapakain ng prutas at gulay na magpapalusog sa ating kalusugan. Napakalaking tulong rin ng mga programa ng pamahalaan kagaya ng Kadiwa para sa kinabukasan ng ating pamilya at ng ating  komunidad.””

Sa gitna ng hamon sa agrikultura at tumataas na presyo ng bilihin, nagpapatuloy ang Makapili Vegetable Farmers Association at ang Kadiwa sa kanilang layunin na magbigay ng abot-kayang pagkain, patas na kita para sa magsasaka at tuloy-tuloy na suplay na pagkain para sa bawat mamayan. Sa bawat paninda nila, may dala silang mensahe: sama-sama, kayang umunlad ang agrikultura ng bayan.

Image

Republic of the Philippines

All content is in the public domain unless otherwise stated.

About GOVPH

Learn more about the Philippine government, its structure, how government works and the people behind it.