Ang sibuyas, na matagal nang itinuturing na isa sa mga high-value crop sa Occidental Mindoro, ay nagdala ngayon ng hindi lamang ani kundi pati na rin ng pambansang karangalan sa Lourdes Multi-Purpose Cooperative (LMPC) na ginawaran kamakailan ng Department of Agriculture (DA) bilang Outstanding High Value Crop Cluster sa Gawad Saka 2025.
Ang LMPC ay itinatag noong Setyembre 3, 1998, at kasalukuyan itong mayroong 4,892 miyembro na may kabuuang tinatayang 3,500 ektarya ng lupang sakahan na ginagamit sa pagtatanim ng sibuyas tuwing summer crop.
Pagbabagong-Buhay sa Clustering
Ang malaking pag-angat ng LMPC ay nag-ugat sa kanilang desisyon noong 2017 na yakapin ang estratehiya ng clustering sa ilalim ng Agro-Enterprise Clustering Approach (AECA). Noong nasabing taon, ang naturang kooperatiba sa Occidental Mindoro ay bumuo ng dalawang cluster mula sa San Jose at Magsaysay gamit ang walong hakbang sa Agro-Enterprise Clustering Approach (AECA), batay sa Farmer Entrepreneurship Program (FEP) ng Jollibee Group Foundation. Sa pamamagitan nito, natutong maging mga entrepreneur ang mga magsasaka.
Ang dating 15 magsasaka ay lumaki at nagkaisa bilang isang cluster na may 186 na miyembro na binubuo ng 111 na magsasaka para sa yellow onion at 75 naman para sa red onion, na nagbigay-daan upang makamit ang tinatawag na "economies of scale."
Bago ang clustering, ang mga magsasaka ay kanya-kanyang nagbebenta at mayroon lamang humigit-kumulang 4.5 ektarya ng taniman, na nakaka-ani lang ng halos 72 metric tons (MT). Subalit sa pagpapatupad ng clustering, ang kanilang sakop na taniman ay lumawak nang husto at umabot sa 172.05 ektarya. Dahil sa pagkakaisa, ang kanilang ani ay umabot sa 800 MT ng yellow onion at higit sa 2,000 MT ng red onion.
Ang pinagsama-samang lakas na ito ang nagbigay-daan upang ang LMPC ay maging consolidator at marketing arm, at makapagbenta nang direkta sa malalaking institutional buyer tulad ng Jollibee Foods Corporation (JFC), na nagresulta sa taunang kita ng kooperatiba na umaabot sa hindi bababa sa Php 10 milyon. Bilang pioneering cluster, ang kanilang ani ng sibuyas ay direktang inihahatid sa commissary ng Jollibee Foods Corporation (Jollibee at Greenwich), ang Zenith Foods Corporation (ZFC), at sa mga Local Traders.
Suporta ng DA at mahigpit na polisiya
Malaking tulong din ang Department of Agriculture (DA) MIMAROPA Region sa pagpapalakas ng cluster sa ilalim ng Farm and Fisheries Clustering and Consolidation Program (F2C2). Kinilala ng DA MIMAROPA ang LMPC bilang isang mentor o "small-big brother cooperative" sa pagtulong sa ibang samahan.
Makalipas ng ilang taon, pinalawak ng DA MIMAROPA Region ang programa nitong F2C2 sa pamamagitan ng paglikha ng bagong cluster na binubuo ng dalawang kooperatiba at dalawang asosasyon sa Paluan, Occidental Mindoro. Ang cluster na ito ay umayon sa mentorship model na ibinigay ng Lourdes MPC at DA MIMAROPA Region, na kalaunan ay nagsilbing small-big brother cooperative approach na nagresulta sa paghahatid ng 320 MT ng yellow onion at 200 MT ng red onion. Dahil sa positibong resulta ng mga nabuong cluster, at dahil sa kasikatan at tagumpay ng programa, marami pang kooperatiba ang nagpahayag ng interes. Bilang resulta, tatlong (3) bagong cluster ang nilikha, na matatagpuan sa Mamburao, Sablayan, at Sta. Cruz kung saan may branch ang kooperatiba. Nakapaghatid ang mga ito ng kabuuang 600 MT ng yellow onion at 230 MT ng red onion.
Tinulungan rin sila ng DA-MIMAROPA sa pamamagitan ng Regulatory Division para maging Good Agricultural Practice (GAP) certified. Ang mga miyembro ay dumalo sa GAP Training upang masiguro na ligtas at napapanatili ang produksyon at proseso ng pagkain sa mga sakahan.
Ang Onion Cluster ng LMPC ay bahagi ng estratehiya ng DA upang makamit ang economies of scale at bigyan ng kapangyarihan ang mga magsasaka ng sibuyas. Makakamit ito sa pamamagitan ng clustering at sa pagbibigay ng angkop na estruktura, sistema, at pamamaraan na may access sa teknolohiya at resources para sa pagpapaunlad ng agrikultura. Titiyakin din nito ang pagpapanatili ng paglago ng ekonomiya sa lugar sa pakikipagtulungan sa mga Local Government Units (LGUs) sa pamamagitan ng sektor ng agrikultura.
Tinitiyak ng DA ang Easy Access of Organized Groups to Government Interventions at ang pagtuturo ng teknolohiya. Bilang tugon sa pangangailangan ng miyembro, nagbigay din ang LMPC ng FEP Loan sa napakababang 3% diminishing interest rate, na hiwalay sa normal na agricultural loan, para masiguro na may pambili ang magsasaka ng kalidad na binhi at agricultural inputs.
Upang mapanatili ang tiwala at supply commitment sa mga tiyak na buyer, nagpatupad ang cluster ng mahigpit na Polisiya ng Cluster laban sa mga trader: "Kapag ang isang miyembro ay nahuli na nagbebenta ng kanyang produkto sa ibang buyer o trader, automatic tanggal sa samahan." Ang patakarang ito ay nagpatibay sa kanilang supply chain at commitment, at tinitiyak na ang mga miyembro ay makakatanggap ng mas mataas at maayos na presyo para sa kanilang ani.
Pambansang Pagkilala
Ang lahat ng pagsisikap, disiplina, at kooperasyon na ito ay nagdala sa samahan na gawaran ng pambansang pagkilala. Pinarangalan ang Lourdes Multipurpose Cooperative bilang Outstanding High Value Crop Cluster sa 50th Gawad Saka, na pinakamataas na parangal ng agrikultura sa bansa. Ang karangalang ito, kasama ang ₱250,000 premyo, ay pagpapatunay na ang clustering ay ang tamang daan patungo sa pag-angat ng ekonomiya ng mga magsasaka.
Ang LMPC ngayon ay isang huwaran ng Farmer-Entrepreneur na modelo, na nagpapatunay na ang sibuyas, sa ilalim ng matibay na samahan, ay nagdadala ng tunay na pag-asa at kaunlaran sa lalawigan.
