Sa bayan ng Sablayan, Occidental Mindoro, matatagpuan ang isang huwarang babae na nagsilbing inspirasyon hindi lamang sa mga kapwa niya magsasaka kundi pati na rin sa buong komunidad. Siya ay si Minafe Daño, isang empowered na babae, mapagmahal na asawa, at responsableng ina. Sa kanyang kamay, ang lupa ay naging sagisag ng pag-asa at tagumpay—isang patunay na sa sipag, tiyaga, at pananampalataya, kayang baguhin ng isang tao ang takbo ng kanyang kapalaran.
Si Minafe ay namulat sa hirap ng buhay ngunit hindi niya ito ginawang hadlang upang umangat sa buhay. Sa murang edad na labing-isa, namulat na siya sa pagtatrabaho sa bukid upang makatulong sa kanyang mga magulang at mga nakababatang kapatid. Halos walong kilometro araw-araw ang nilalakad niya papunta sa bukid para mag-arawan. Sa halagang bente singko pesos, nagtatanim siya ng mais gamit lamang ang tagad o bakal. Bukod dito, tumutulong din siya sa pagtatanim at paggapas ng palay, pamimitas ng munggo, at pagtitinda ng mga isda na huli ng kanyang ama.
Ang murang edad ni Minafe ay hindi naging hadlang upang yakapin ang pagsasaka. Sa halip, ito ang nagtanim sa kanya ng matinding pagmamahal sa lupa at sa gawaing nagbibigay-buhay sa marami. Nakilala niya ang kanyang asawa sa edad na katorse at nagkasundo sila dahil pareho silang may determinasyon at pananaw sa buhay—na anumang trabaho, basta marangal, ay dapat ipagmalaki. Sa kanilang pagsasama, pumasok sila sa iba’t ibang hanapbuhay tulad ng pamamalakaya at pangangalakal upang tustusan ang pangangailangan ng pamilya.
Ngunit hindi naging madali ang kanilang paglalakbay. Dumating ang mga panahon ng pagsubok—mga pagkakataong parehong nagkasakit ang kanilang mga anak at kailangang magpalipat-lipat sa ospital. Dumaan din sila sa matinding pagkalugi sa sakahan, lalo na tuwing may bagyo at peste. Sa kabila nito, hindi sumuko si Minafe at ang kanyang asawa. Sa halip na mawalan ng pag-asa, naisip nilang magdagdag ng ibang mapagkakakitaan. Nakita nila ang hirap ng mga kapwa magsasaka sa kanilang barangay na nahihirapang maibenta ang kanilang produkto, kaya nagsimula silang bumili ng palay at mais upang ibenta sa mga bodega sa bayan.
Mula sa maliit na puhunan na kita mula sa nililinis na mga bote ng alak, toyo, o patis kapalit ng konting halaga ay nakaipon ito. Ito ang ginamit nila pambili ng kalahating ektaryang lupa. Dahan-dahan nilang napaunlad ang kanilang kabuhayan. Sa tulong ng sipag, tiyaga, at pananalig sa Diyos, lumago ang kanilang sakahan. Sa kasalukuyan, si Minafe at ang kanyang pamilya ay nagmamay-ari na ng 150 ektaryang lupang sakahan, tatlong ten-wheeler trucks, isang twelve-wheeler truck, tatlong harvester, anim na traktora, isang jeep, at isang elf truck. Ang mga ito ay ginagamit nila hindi lamang para sa sariling ani kundi upang makatulong din sa iba pang magsasaka sa kanilang komunidad.
Ngunit hindi doon nagtapos ang tagumpay ni Minafe. Sa halip na makuntento, nagpatuloy siya sa pag-unlad at pagbahagi ng kanyang karunungan. Nagtayo rin sila ng mga negosyo tulad ng gasoline station, water station, at hardware upang mas mapalawak ang kabuhayan ng kanilang pamilya at makapagbigay ng trabaho sa iba. Para kay Minafe, ang tunay na yaman ay hindi lamang nasusukat sa laki ng lupa o dami ng kagamitan, kundi sa dami ng taong natutulungan mo sa iyong kabutihan.
Bilang isang corn farmer, ipinamalas ni Minafe ang kahusayan sa makabagong paraan ng pagsasaka. Gumagamit siya ng mga high-yielding corn varieties na may kakayahang lumaban sa peste, sakit, at tagtuyot. Sa paghahanda ng lupa, gumagamit siya ng four-wheel drive tractor upang bungkalin ang lupa sa lalim na 18–20 cm. Ang mga tangkay ng mais ay iniiwan sa lupa upang mabulok at maging organic matter, sa halip na alisin nang tuluyan. Sa loob ng pitong araw, muling binubungkal ang lupa upang maging pino at handa sa pagtatanim.
Sinusunod ni Minafe ang tamang agwat ng tanim—60 cm sa pagitan ng mga tudling at 25 cm sa pagitan ng bawat punla. Batay sa pagsusuri ng lupa, gumagamit siya ng 6 na sako ng complete fertilizer (14-14-14) siyam na araw matapos magtanim, kasunod ang 4 na sako ng urea sa ika-30 araw, at 10 sako ng organic fertilizer bago pa man mag-araro. Sa patubig naman, may limang yugto ng flushing: sa ika-10, ika-30, ika-45, ika-65, at ika-75 araw pagkatapos magtanim. Gumagamit din siya ng pre-emergence herbicide upang kontrolin ang mga damo, at patuloy na minomonitor ang mga peste at sakit ng halaman.
Sa tamang panahon ng anihan, gumagamit siya ng combine harvester upang mapabilis ang pag-aani, habang ang pagpapatuyo at pag-iimbak ng ani ay isinasagawa sa sarili nilang pasilidad. Dahil sa kanyang maayos at sistematikong pamamahala, tumaas ang kanyang ani mula 11.9 metric tons per hectare noong 2023 tungo sa 14.0 metric tons per hectare noong 2024 — isang patunay ng epektibong paggamit ng makabagong teknolohiya at kaalaman sa agrikultura.
Ngunit higit sa anumang tagumpay sa ani, ang pinaka ipinagmamalaki ni Minafe ay ang kanyang kontribusyon sa komunidad. Aktibo siyang nagbabahagi ng kaalaman sa kapwa magsasaka, nagtuturo ng mga pinakamahusay na pamamaraan sa pagsasaka, at nagiging inspirasyon sa mga kababaihang nagnanais na makamit din ang tagumpay sa agrikultura. Para sa kanya, ang tunay na tagumpay ay kapag nakikita niyang umaangat din ang iba dahil sa kanyang mga naibahagi.
Sa kabila ng lahat ng hirap at pagsubok—mula sa pagkakasakit ng mga anak, pagkalugi sa ani, hanggang sa aksidente at pagkakasakit ng kanyang asawa—nanatiling matatag si Minafe. Ang kanyang pananampalataya sa Diyos ang nagsilbing sandigan upang patuloy siyang bumangon. Ayon sa kanya, “Kapag naging mabuti ka sa ibang tao, babalik at babalik ito sa’yo.” Ang mga salitang ito ang sumasalamin sa kanyang puso bilang isang mapagkalinga at makataong pinuno sa larangan ng pagsasaka.
Ngayon, si Minafe Daño ay kinikilala bilang isang tunay na huwaran ng kababaihan at agrikultura sa Occidental Mindoro. Ang kanyang kuwento ay patunay na ang tagumpay ay hindi agad dumarating—ito ay bunga ng pawis, tiyaga, pananalig, at higit sa lahat — pagmamahal sa lupa. Ang kanyang buhay ay isang inspirasyon sa mga Pilipino, lalo na sa mga kabataang nagnanais na sundan ang yapak ng isang magsasakang may puso, disiplina, at malasakit sa kapwa.
Sa huli, ipinagmamalaki ni Minafe Daño ang kanyang pagkakakilanlan:
“Mahal ko ang pagsasaka, at ipinagmamalaki ko na ako ay isang magsasaka.”
