Ang bayan ng Sablayan, Occidental Mindoro — ang pinakamalaking munisipalidad sa buong Pilipinas — may isang komunidad ng magsasakang nagpatunay na kapag sama-sama, may organisasyon, may direksyon, at may malasakit sa isa’t isa, walang imposible.
Dito sa Barangay Paetan, umusbong ang Samahang Gumagawa Tungong Tagumpay Multipurpose Cooperative (SAGUTT MPC). Sa loob ng maraming taon, ang simpleng pangarap na makapagtanim at makapagtinda ng mais ay unti-unting naging isang modelo ng produktibong corn cluster sa buong bansa na naging dahilan para kilalanin sila bilang National Awardee ng 2025 Gawad Saka sa kategoryang Corn Clustering.
Sa tulong ng Department of Agriculture, Local Government Units, at ng determinasyon mismo ng kooperatiba, binuo nila ang isang komprehensibong Corn Cluster Development Plan (2023–2027): isang blueprint ng pag-angat, hindi lang para sa ani, kundi para sa kalidad ng buhay ng bawat kasapi.
Sa pagbuo ng Corn Cluster Development Plan nabuo ang isang estratehiyang hindi lang teknikal, kundi makatao. Ang higit sa 200 na aktibong kasapi ng SAGUTT MPC ay hawak-kamay sa pagprodyus sa mahigit 618 ektaryang taniman ng mais sa Paetan at karatig barangay. Dati, kanya-kanyang makina ang bawat magsasaka ngunit ngayon ay pinaghahatian at pinaplano na ang paggamit ng traktora, harvester, at dryer upang walang maiwan. Ang operasyon ay sistematiko, ang paggalaw ay organisado, at ang bawat hakbang ay may gabay at suporta mula sa kooperatiba, munisipyo, at Department of Agriculture.
Mula sa karaniwang ani, unti-unting umangat ito ng 8.2 hanggang 10 metriko tonelada kada ektarya, at ang target ng kooperatiba na 12 MT/ha ay abot-kamay na. Higit sa datos, ang pag-angat na ito ay ramdam rin sa buhay ng bawat pamilyang kasapi sa Corn Cluster. Bukod sa dagdag na kita ay nabibili na rin ng mga miyembro ang mga kailangang gamit sa eskwela ng kanilang mga anak. Ang ilan, nakapagpatayo na ng maayos na bahay; ang iba ay nakabili ng lupa at hayop at nakapagpapaaral ng anak sa kolehiyo.
Sa gitna ng pag-angat ng bawat kasapi ng kooperatiba, hindi mawawala ang mga pagsubok. Dumating ang bagyo, tag-init, peste, mataas na presyo ng farm inputs, at minsan, ang takot na baka hindi mabenta sa tamang halaga ang ani. Pero ang SAGUTT MPC ay hindi sumuko, sila ay naglatag ng mas malinaw na polisiya, nagtakda ng pondo para sa kanilang working capital, nagbigay ng pagsasanay para sa mga miyembro, at nagpundar ng mga makabagong kagamitan tulad ng mechanical dryers at hauling trucks.
Hindi na rin sila lubos na dumedepende sa mga middleman, gumawa sila ng sariling procurement program upang may sigurado at patas na bentahan ang mga magsasaka.
Naging paaralan din ang kooperatiba, sa bawat Farmer Field School (FFS), leadership training, at post-harvest seminar at unti-unting nabago ang mentalidad ng mga magsasaka mula sa “magtanim para mabuhay” tungo sa “magtanim para umunlad at maging entrepreneur.” Ang dating tradisyonal na pananaw sa pagsasaka ay napalitan ng modernong pag-iisip — may plano, may diskarte at may marketing strategy.
Ang kwento ng tagumpay na ito ay hindi lang nakikita sa mga numero o sertipiko. Makikita ito sa mukha ni Tatay Felipe, 90 taong gulang, na patuloy pa ring humahawak ng araro at naglalakad sa bukid na may ngiting nagsasabing “hangga't kaya ko, magtatanim ako.” Makikita ito sa mga kabataang anak ng magsasaka na ngayon ay may inspirasyong sundin ang yapak ng kanilang magulang — hindi dahil napilitan, kundi dahil nakita nilang may kinabukasan sa agrikultura. At makikita ito sa bawat miyembro ng kooperatiba na sa bawat pagpupulong, ay may malasakit sa isa’t isa at sa kanilang komunidad.
Hindi nakapagtatakang kinilala ang SAGUTT MPC bilang National Awardee para sa Corn Clustering sa Gawad Saka 2025 Search— isang parangal na hindi lang tropeo, kundi simbolo ng pagkilala sa lakas ng kooperatiba, kahalagahan ng organisasyon, at kapangyarihan ng sama-samang pangarap. Taong 2023 ginawaran rin sila bilang Corn Cluster kung saan tinanghal sila na 1st Runner up sa Corn Quality noong 2023. Sila ang patunay na kapag may tiwala sa kakayahan ng magsasaka, tamang suporta mula sa gobyerno, at bukas-palad na pakikipagtulungan sa komunidad, ang tagumpay ay hindi lang posibleng abutin — ito ay kayang panghawakan, ipagmalaki, at ipamana.
At habang patuloy na sumasayaw sa hangin ang dahon ng mais sa Sablayan, dala ang huni ng pag-asa at himig ng pag-unlad, nananatiling nakatanim ang pangako ng SAGUTT MPC: mas mataas na ani, mas malawak na oportunidad, at isang kinabukasan kung saan ang magsasakang Pilipino ay hindi naiwan sa tabi, kundi nasa sentro ng pag-usbong ng bansa. Narito ang kwento ng Paetan — kwento ng pagkaka-isa, pagbangon, at patuloy na tagumpay.
Sa SAGUTT MPC, bawat butil ng mais ay butil ng pangarap. At sa bawat ani, may bagong kabanatang sinusulat — kabanata ng tunay na gintong buhay sa bukid.
