Success Stories

CASEMPCO: Haligi ng pag-unlad ng mga magniniyog sa Oriental Mindoro
Sa payapang Barangay Calima sa bayan ng Pola, Oriental Mindoro, matatagpuan ang kooperatibang nagsilbing tanglaw at sandigan ng mga magniniyog — ang Calima Socio-Economic Multi-Purpose Cooperative (CASEMPCO). Sa loob ng mahigit tatlong dekada, ang CASEMPCO ay naging daan ng pagbabago at pag-asa para sa mga pamilyang magsasaka, mula sa munting pangarap patungo sa tunay na tagumpay.

CASEMPCO: Haligi ng pag-unlad ng mga magniniyog sa Oriental Mindoro

Pinagmulan ng kooperatiba

Noong taong 1996, itinatag ang kooperatiba sa ilalim ng pangalang Calima Socio-Economic Development Project (CASEDEV), sa tulong ng Apostolic Vicariate ng Calapan at ng Domus Dei Sisters mula sa Romblon. Nagsimula ito sa 15 magsasakang benepisyaryo ng repormang agraryo. 

Noong Pebrero 17, 2000, opisyal itong nairehistro sa Cooperative Development Authority (CDA) bilang kooperatiba na may 15 miyembro at kalaunan ay muling nairehistro bilang agrarian reform cooperative noong Oktubre 27, 2009, na may 90 miyembro mula sa iba’t ibang komunidad ng BICCAMP agrarian reform (Biga, Calima, Campamento, at Pula).

Napag-alaman ng kooperatiba na mas kapaki-pakinabang kung sila mismo ang bibili ng mga produktong niyog ng kanilang mga miyembro kaysa ibenta ito sa mga mangangalakal na kadalasan ay hindi nagbabayad ng cash. Sa loob ng apat na taon na ito, nagkaroon sila ng magagandang kita. Mula sa paunang kapital na ₱15,000 (ambag ng 15 miyembro), nadagdagan pa ito ng ₱5,000 mula kay Obispo Warlito T. Cajandig, DD. 

Hindi naging madali ang simula ng kooperatiba. Isa sa unang proyekto ng CASEMPCO ay lending program para matulungan ang mga miyembro sa puhunan. Subalit noong 2005, isang matinding kalamidad ang tumama sa lugar at karamihan sa mga miyembro ay hindi nakapagbayad ng utang. Sa halip na sumuko, nagpasya ang mga kasapi na baguhin ang direksyon ng kanilang programa. Sa pamamagitan ng general assembly, ipinasyang itigil ang pagpapautang at simulan ang animal dispersal project — pagpapalahi ng baboy at kambing upang magkaroon ng karagdagang kabuhayan habang naghihintay ng ani ng niyog na nasalanta ng bagyo.

Nagbukas din sila ng tindahan ng mga feeds at iba pang pangangailangan ng mga miyembro, na naging daan upang mas lumawak ang kanilang saklaw at mahikayat ang mga kapitbahay na sumapi sa kooperatiba. Gayunpaman, dahil sa matinding kompetisyon sa merkado, bumagsak ang presyo ng baboy at muling nabaon sa utang ang ilang kasapi . Ngunit ang CASEMPCO ay hindi kailanman nawalan ng pag-asa—bagkus ay nagsilbing aral ang bawat kabiguan.

Ang pagyabong ng Virgin Coconut Oil (VCO)

Pagkaraan ng ilang taon, muling bumangon ang kooperatiba matapos makarekober ang mga magsasaka ng niyog mula sa pinsalang dulot ng bagyo sa pamamagitan ng produksyon ng Virgin Coconut Oil (VCO)—isang produktong mas mataas ang kita kumpara sa paggawa ng copra.

Nagsimula ito sa household production at pagbebenta sa kumpanyang CARICA sa Maynila, ngunit kalaunan ay huminto ang suplay dahil bumaba ang kalidad ng produkto. Sinubukan din ng kooperatiba ang pagproseso ng pagkain para sa mga kababaihan, gaya ng paggawa ng banana at cassava chips, tea/salabat, coco sauce, at coco vinegar na nagbibigay ng karagdagang kita.

Sa tulong ng LGU at iba’t ibang ahensya ng pamahalaan, nakapagpatayo sila ng processing center para sa VCO. Nagkaroon din sila ng merkado sa tulong ng foreign company na COCOWELL, na nagbigay ng mga makabagong kagamitan. Tumulong din ang mga partner agency sa marketing, sa pamamagitan ng pag-imbita sa kooperatiba na makibahagi sa mga trade fairs sa iba’t ibang lugar upang ipakilala ang kanilang produkto.

Mga natanggap na pagkilala at parangal ng kooperatiba

Taong2011, nabigyan din sila ng training mula sa pamahalaang panlalawigan at kinilala ang kanilang kooperatiba bilang “Most Outstanding Agrarian Reform Cooperative” sa parangal ng GALING SICAD. Nagkamit sila ng ₱12,000 na premyo at Calima Wet Market Project.

Sa parehong taon rin, natulungan rin sila ng PAKISAMA Business Development Service sa pagpapalago ng VCO. Nagsagawa ito ng mga pagsasanay sa coconut farm diversification, agro-enterprise development, assessment and planning activity, market feasibility study, product development, financial assistance o fund sourcing, BFAD registration at co-management.

Samantala, sa tulong ng Department of Agrarian Reform (DAR) noong 2015, nakatanggap ang mga miyembro ng sunod-sunod na pagsasanay sa food processing, social enterprise management, at leadership/capability building. Mula rito, mas naging matatag at maalam ang mga kasapi sa pagpapatakbo ng negosyo at pagpapanatili ng kooperatiba.

Mga inobasyon ng kooperatiba

Ang CASEMPCO ay hindi lamang isang samahan—ito ay isang pamilya. Sa kanilang training programs, natutunan ng mga magsasaka ang sustainable farming techniques at fair trade practices. Ibinabalik ng kooperatiba ang kita sa mga miyembro sa pamamagitan ng social programs, dividends, at cooperative benefits. Sa ganitong paraan, nakalikha sila ng mga trabaho sa rural areas, nabawasan ang urban migration, at umangat ang antas ng pamumuhay sa komunidad.

Bukod sa VCO, gumagawa rin sila ng Virgin Essential Oil (VEO) na kinikilala sa merkado bilang mga produktong may mataas na kalidad at purong sangkap. Sa pamamagitan ng strategic collaborations at trade fairs at strategic marketing, naipakilala ang produkto sa mas malawak na merkado, kabilang na ang mga export partners. Dahil dito, nakatulong ang CASEMPCO hindi lamang sa mga miyembro kundi maging sa lokal na ekonomiya ng probinsya bilang isa sa tagapagtaguyod ng kampanyang “Buy Local”.

Bukod sa VCO at VEO, ang kooperatiba ay gumagawa rin ng mga produktong mula sa niyog tulad ng shell charcoal sa pamamagitan ng charcoal kiln at cocopeat gamit ang decorticating machine

Sa kabila ng mga pagsubok, nananatiling matatag ang kooperatiba sa pangunguna ni Gng. Nelia L. Fontecilla, ang kasalukuyang pangulo ng CASEMPCO. Sa kanyang pamumuno, patuloy na lumalago ang kooperatiba sa tulong ng mga ahensyang ng gobyerno. Ang kanilang sama-samang adhikain ay hindi lamang kabuhayan, kundi pagbabago at pag-angat ng antas ng pamumuhay ng mga magsasaka.

Dahil sa mga tulong na ito, ang CASEMPCO ay nakilala hindi lamang sa kanilang bayan kundi sa buong lalawigan at kalapit na lugar. Patuloy nilang tinatamasa ang tagumpay sa pamamagitan ng pakikipagtulungan ng mga miyembro, pamahalaan, at mga katuwang na ahensya, na layuning itaas ang kabuhayan ng mga miyembro at mapaunlad ang komunidad.

Image

Republic of the Philippines

All content is in the public domain unless otherwise stated.

About GOVPH

Learn more about the Philippine government, its structure, how government works and the people behind it.