Success Stories

Ani, Kita, at Bayanihan: Ang Tagumpay ng KADIWA ng Puerto Princesa

Ani, Kita, at Bayanihan: Ang Tagumpay ng KADIWA ng Puerto Princesa

Kilala ang Lungsod Puerto Princesa sa mga tanawing kahanga-hanga, mula sa mga baybaying dagat na kumikislap sa ilalim ng araw, hanggang sa luntiang kagubatan na pumapalibot sa buong siyudad. Ngunit higit pa sa ganda ng kalikasan, unti-unti na rin itong nakikilala bilang sentro ng agrikultura sa rehiyon ng MIMAROPA. Isa sa mga patunay ng pag-usbong na ito ay ang KADIWA Market Program ng Lokal na Pamahalaan ng Puerto Princesa. Dito, sariwa ang gulay, presko ang isda, at abot-kaya ang presyo — diretsong mula sa bukid at dalampasigan hanggang sa hapag ng bawat Palaweño.

Sa likod ng tagumpay ng programang ito ay ang Puerto Princesa Agriproducers KADIWA Market. Ito ang nagsisilbing tulay ng lokal na pamahalaan upang pagdugtungin ang mga magsasaka at mamimili. Sa pamamagitan ng samahang ito, naisasakatuparan ang layunin ng lungsod na gawing abot-kaya at madaling marating ang mga produktong agrikultural at pangisdaan, habang binibigyan ng tiyak na merkado ang mga lokal na prodyuser.

Sa kasalukuyan, 31 na Farmers’ Associations ang aktibong nagsusuplay ng mga produkto sa KADIWA ng Puerto Princesa. Ito ay binubuo ng mahigit 750 na magsasaka na nagsasama-sama sa mga cluster ayon sa kanilang lokasyon at espesyalisasyon sa partikular na uri ng gulay. Kasama rito ang iba’t ibang mga magsasaka ng highland at lowland vegetables, mga prutas, root crops, mais, iba’t ibang mga produktong dagat, at poultry products tulad ng karne ng manok at sariwang itlog. 

Sa ilalim ng ipinatutupad na One Farmer, One Commodity Approach, bawat magsasaka ay may nakatalagang pananim. Ito ay isang hakbang na hindi lang nag-aayos ng suplay, kundi nagbibigay din ng direksyon at tiyak na kita sa bawat isa. Sa ganitong paraan, naibababa ang posibilidad ng labis na ani at nasisiguro ang tuloy-tuloy na suplay ng sariwang produkto. Bukod pa rito, sa tuwing may hauling, agad na natatanggap ng mga magsasaka ang bayad sa kanilang mga ani. Walang paligoy-ligoy, walang dagdag-gastos, at walang mga middle-men. Dama kaagad nila ang ginhawa dahil mabilisang naiaabot sa mga kamay nila ang kita mula sa kanilang mga produkto.

“Maraming naitulong ang KADIWA at ang mga programang pang-agrikultura sa aming mga magsasaka,” ani Wilson Suranol Jr., Presidente ng PPC Young Farmers’ Association na nagtatanim ng melon. “Kumikita kami sa magandang presyo ng aming ani, at natutuwa ang mga mamamayan sa presyong abot-kaya sa kanilang pamimili sa KADIWA.”

Bagama’t wala pang permanenteng KADIWA Center, matagumpay na inilunsad ng City Agriculture Office ang mga KADIWA Pop-Up Stores, kung saan isa rito ay regular na dinaraos sa SM Mall Grounds sa lungsod. Tuwing Linggo, mula alas siyete ng umaga hanggang alas dos ng hapon, daan-daang kilo ng lokal na ani ang nabebenta rito. Dinadayo ito hindi lang ng mga ordinaryong mamimili kundi pati ng mga karinderya at talipapa vendors na umaasa sa sariwang suplay mula sa KADIWA. Dahil sa lokasyong ito, mas dumarami ang bumibisita, mas tumataas ang benta, at mas nakikilala ang mga produktong lokal, dahilan kung bakit itinuturing ito bilang isa sa pinakamalalaking outlets sa lungsod. Sa katunayan, umabot sa mahigit ₱6.630 milyon ang kinita nito sa loob lamang ng 49 na linggo. Dinarayo rin ang kanilang outlet sa Gintong Butil Agri Farm sa Bgy. Sta. Lucia tuwing araw ng Sabado, kung saan ang karamihan sa mga mamimili ay mga restaurant owners at mga taga karatig-bayan. Patunay lamang ito ng lubos na pagsuporta at pagtanggap ng mga mamamayan sa mga lokal na produkto. 

Sa tulong ng Public-Private Partnerships (PPP), lalo pang lumago ang KADIWA ng Puerto Princesa bilang isa sa pinakamatagumpay na inisyatiba ng lungsod. Bukod sa pagbibigay ng dedikadong espasyo para KADIWA Pop-Up Stores tuwing linggo, nakikipagtulungan din ang SM Foundation sa City Agriculture Office sa pagbibigay ng pagsasanay sa crop production at financial management upang palawakin ang kaalaman ng mga magsasaka sa negosyo at tamang paghawak ng kita. Nariyan din ang suporta ng Rotary Club of Puerto Princesa Central (RCPPC) sa pamamagitan ng pagbigay ng kagamitan gaya ng hauling truck, community store, at post-harvest facilities na nagkakahalaga ng ₱3.2 milyon sa Sitio Busngol Farmers’ Association, isang samahan ng highland vegetables farmers sa ilalim ng Clustering Program ng City Agriculture Office. Mayroon ding kolaborasyon sa mga lokal na kainan at food establishments na regular na bumibili at umaangkat ng mga produkto mula sa KADIWA. Sa tulong ng mga ganitong pakikipag-ugnayan, patuloy na dumarami ang naaabot ng KADIWA at mas nakikilala ito ng mga mamimili.

Dahil sa sama-samang pagkilos ng pamahalaan, pribadong sektor, at mga mamamayan, hindi na nakapagtataka kung bakit kinikilala na rin sa mas mataas na antas ang KADIWA ng Puerto Princesa. Noong Oktubre 14, 2024, ipinresenta ang proyekto sa National Institute for Health Care Research (NIHR) at Planetary Health Symposium, tampok ang tagumpay ng programang KADIWA sa pagpapatibay ng koneksyon ng mga magsasaka at pribadong sektor. Bukod dito, ginawaran din ng Department of Agriculture (DA) ang City Agriculture Office ng Best Practices in Clustering and Consolidation Program Award noong Mayo 30, 2024, bilang pagkilala sa mahusay nilang pagpapatupad ng mga inisyatibang nakatuon sa rural development. Ipinamalas din ng lungsod sa National F2C2 Summit ang makabagong paraan ng KADIWA sa pagpapalago ng kabuhayan at pagpapabuti ng kalidad ng buhay ng mga benepisyaryong magsasaka.

Sa pagkakaisa ng mga kamay ng magsasaka, lokal na pamahalaan, at pribadong sektor, namumunga ang KADIWA ng Puerto Princesa ng ani ng kaunlaran para sa lahat. Sa bawat kilo ng gulay na naibebenta at bawat ngiting hatid ng abot-kayang presyo, hindi lang tiyan ang nabubusog, kundi pati puso. Tunay ngang ang KADIWA ng Puerto Princesa ay simbolo ng bayanihan, pag-asa, at malasakit. Sa tulong ng programa, ang bawat mamimili ay nagiging bahagi ng kuwento ng pag-angat at pag-unlad — kuwentong nagsisimula sa lupa, pinagyayabong ng pagkakaisa, at nagbubunga ng pag-asa.

Image

Republic of the Philippines

All content is in the public domain unless otherwise stated.

About GOVPH

Learn more about the Philippine government, its structure, how government works and the people behind it.