Simula sa Payak na Pangarap
Sa tahimik na barangay ng Pangobilian, Brooke’s Point, Palawan, makikilala si Gabriel Moreno Alba—isang dating guro na minsang nagbahagi ng kaalaman sa apat na sulok ng silid-aralan, at ngayon ay nagtuturo naman sa mas malawak na larangan: isang niyugang may misyong ipakita ang kahalagahan ng bawat bahagi ng niyog.
Taong 2013 nang itatag niya ang Alba Farm, isang maliit ngunit puno ng pag-asang niyugan. Kahit kulang sa kagamitan at puhunan, ginamit niya ang tiyaga, talino, at dedikasyon upang buhayin ang lupa. Dito nagsimula ang kanyang misyong walang tapon.
Magsasakang May Misyon: Walang Tapon
Bilang rehistradong coconut farmer at farm cooperator, hindi lamang ani ang habol ni Gabriel—kundi ang kinabukasan. Kasama ang kanyang asawa na si Irish Alba, binuo nila ang isang integrated at sustainable farming system na gumagamit nang husto sa bawat yaman ng kanilang sakahan.
Ang Alba Farm ay nakatuon sa walang tapon na prinsipyo, gamit ang bawat bahagi ng niyog at kalikasan para sa kabuhayan at kaalaman. Kasama sa kanilang mga operasyon ang: agri-crop production, native pig breeding and rearing, agroforestry, aquaculture (tilapia), at farm-based tourism and education.
Mula sa simpleng niyugan, lumawak ang sakahan tungo sa 14 ektaryang integrated & diversified farm, kung saan 2.5 ektarya ay taniman pa rin ng niyog—ang puso ng kanilang kabuhayan.
Inobasyon sa Bawat Niyog: Ang Gab’s Coco Uling
Kinilala si Gabriel bilang isa sa mga magsasakang hindi takot mag-eksperimento at mag-innovate. Noong Disyembre 27, 2023, ginawaran ang Alba Farm bilang COCO-LSA (Coconut-Based Learning Site for Agriculture) ng Agricultural Training Institute- MIMAROPA—isang prestihiyosong pagkilala para sa mga sakahang nagsisilbing modelo at paaralan sa mga magsasaka. Dito nagpatuloy ang pagbabahagi niya ng kaalaman sa mga kabataan na nais matuto ng integrated farming.
Ngunit higit pa sa parangal, ang tunay na repleksyon ng kanyang “mala-misyong walang tapon” ay ang Gab’s Coco-Uling, ang environmentally friendly charcoal briquettes na gawa mula sa 30% coconut husk at 70% coconut shell, gamit ang mga tirang materyales mula sa copra.
Isang simpleng ideya—ngunit malaking ambag sa kalikasan at kabuhayan. Patunay ito na sa tamang diskarte, ang itinuturing na “basura” ay maaaring maging ginto para sa komunidad.
“It is a green heat that provides energy and saves tree—hind na kailangan pumutol ng puno para panggatong, ” paliwanag ni Gabriel Moreno Alba.
Tagumpay dahil sa Alab ng Misyon
Dahil sa kanyang alab ng kanyang misyon sa pamamagitan ng inobasyon at malasakit, kinilala ang Alba Farm bilang isa sa mga community enterprises ng Shell LiveWIRE, isang programa ng Pilipinas Shell Foundation Inc. na sumusuporta sa mga negosyong may adbokasiya sa kalikasan at kabuhayan. Nakapagwagi sila ng ₱68,000 grant na ginamit para bumili ng mixer na kailangan sa paggawa ng coco uling.
Bunsod ng pagkilalang ito, mas nakilala ang Gab’s Coco-Uling at tumaas ang demand nito sa merkado. Sa pag-usbong ng kanilang produkto, nakapagbibigay sila ngayon ng dagdag na oportunidad sa kanilang komunidad sa pamamagitan ng job generation at pagpapatibay ng lokal na kabuhayan.
Iba pang Produkto mula sa Pagniniyog
Dala-dala ang misyon na ang Brooke’s Point bilang Coconut Capital ng Palawan, patuloy na pinalalawak ng Alba Farm ang kanilang mga produktong galing sa niyog. Bukod sa Gab’s Coco-Uling, ipinagmamalaki rin nila ang kanilang coco jam, coco peat, at mokosako o wood vinegar—mga produktong patunay na bawat bahagi ng niyog ay may silbi at halaga.
Ang coco jam ay kanilang ibinibenta sa bawat lokal na pamilihan at ipinakikilala sa mga bisita ng sakahan bilang isang produkto ng kalidad at tradisyon. Samantala, ang coco peat at wood vinegar ay ginagamit at ibinibenta bilang sustainable soil enhancers at natural farm inputs, na tumutulong hindi lamang sa produksyon kundi maging sa pagpapaunlad ng organic farming sa komunidad.
Ngayon, ang Alba Farm ay isa na sa mga opisyal na Agri-Tourism Sites ng Brooke’s Point—bukas sa mga mag-aaral, mananaliksik, at kapwa magsasaka. Sila ngayon ay naga-apply ng LSA II para paliwigin ang kanilang misyon. Dito matatagpuan ang halimbawa ng likas-kayang pagsasaka na walang nasasayang, isang modelong nagbibigay-inspirasyon at pag-asa sa mga nagnanais magsimula sa larangan ng agrikultura.
Ang Misyon na Umaalab, Matamis, at Matayog
Sa bawat pagdilig, bawat ani, at bawat punlang itinatanim, ipinapasa ni Gabriel ang aral ng pag-asa, dedikasyon, at paglikha ng oportunidad mula sa simpleng niyog. Ang Alba Farm ay hindi lang isang sakahan—ito ay paaralan ng pag-asa, at patunay na kapag pinagsama ang puso at sipag, mamumunga ang tagumpay na hindi nasasayang.
Gabriel Moreno Alba: “Tulad ng Gab’s Coco Uling ang aming passion for agriculture sa Alba Farm ay umaalab; masarap at matamis tulad ng Coco Jam; at matayog tulad ng niyog,”.
