CONCEPCION, Romblon — Mula sa mga kambing at itlog, ngayon ay bigas naman ang pinasok na negosyo ng Samahang Manggagawa ng Sampong (SAMASA) sa Sibale Island, Concepcion, Romblon.
Pinalakas ng serye ng pagsasanay sa entrepreneurship, marketing, at financial management sa ilalim ng Special Area for Agricultural Development (SAAD) Phase 2, pinasok ng grupo ang pagtitinda ng bigas bilang karagdagang kabuhayan, katuwang ng kanilang kasalukuyang mga proyekto sa goat at poultry production.
Mga panimulang proyekto mula sa SAAD
Noong 2023, unang tinanggap ng SAMASA ang Goat Production Project. Bagama’t nakaranas ng mga pagkamatay ng alagang hayop, nakabawi ang grupo at kasalukuyang may 55 kambing. Taong 2024 naman nang madagdagan sila ng Ready-to-Lay Chicken Egg Production Project, na nakalikom ng kabuuang Php 392,270.80 gross income hanggang Hulyo 2025.
Ang hamon ng bigas sa Sibale
Sa isla ng Sibale, ang bigas ay inaangkat pa mula Pinamalayan, Oriental Mindoro, na tatlo hanggang apat na oras na biyahe sa dagat. Kapag malakas ang alon at kanselado ang byahe, nakararanas ng kakulangan ng bigas ang mga residente. Dahil mabato at maburol ang kanilang lupain na hindi angkop sa palayan, nakita ng SAMASA ang oportunidad: dalhin ang bigas mismo sa kanilang komunidad.
Para sa grupo, ang bagong negosyo ay hindi lamang dagdag kita kundi tulong din para sa seguridad sa pagkain ng kanilang bayan, lalo na tuwing tag-ulan at bagyo.
Pagtutulungan ng mga miyembro
Sa pamumuno ni G. Carl F. Fabregas, pangulo ng samahan, nagsanib-puwersa ang 25 miyembro at nag-ambagan ng tig-Php 1,000 upang makabili ng 16 sako ng bigas. Sa presyong Php 1,250 kada 25-kilogram na sako, mabilis itong naubos dahil sa mataas na pangangailangan ng mga residente.
Sa tulong ng Php 10,000 mula sa lokal na pamahalaan, naayos ng samahan ang isang lumang puwesto sa palengke ng kanilang barangay at ginawa itong maliit na tindahan ng bigas. Hanggang Hulyo 2025, nakapagbenta sila ng 116 sako sa halagang Php 145,000 na may Php 100 kita sa bawat sako.
Upang mas palakasin ang benta, nag-alok sila ng diskwento sa mga bibili ng tatlong sako pataas at insentibo para sa mga miyembro na bibili ng bigas.
Inspirasyon mula sa SAAD
Ayon kay Fabregas, malaking tulong ang mga pagsasanay ng SAAD upang magkaroon sila ng tapang na sumubok ng bagong negosyo.
“Nagkaroon kami ng kaalaman dahil sa mga training ng SAAD. Kaya kami nagkaroon ng lakas ng loob ay dahil alam na namin kung paano patatakbuhin ang isang negosyo,” aniya.
Dagdag pa niya, “Kung wala kang lakas ng loob na subukan ang ganitong negosyo, walang mangyayari. Kung hindi mo susubukan, hindi mo makikita ang pagkakataong umunlad ang samahan.”
Nagpasalamat din siya sa mga taga-Sibale na patuloy na sumusuporta sa kanilang mga proyekto.
“Nagpapasalamat kami sa mga customer dahil kung wala sila, hindi rin magiging matagumpay ang aming proyekto,” mensahe ni G. Fabregas.
Plano para sa hinaharap
Bago matapos ang 2025, nakatakda nilang ibalik ang puhunan ng mga miyembro kasama ang interes. Plano rin ng grupo na gamitin ang bahagi ng kita mula sa egg production upang madagdagan ang kanilang puhunan sa bigas, lalo na sa panahon ng habagat at bagyo, at mapalago pa ang kanilang agrinegosyo.
