Patuloy ang produksyon ng gulay at mga itlog ng manok ng Linao Vegetable and Crop Growers Association (LVCGA) sa Brgy. Linao, Calatrava, Romblon sa kabila ng matinding init ng panahon. Benepisyaryo ang samahan ng Vegetable at Ready-to-Lay Chicken (Egg) Production Projects sa ilalim ng Special Area for Agricultural Development (SAAD) Program Phase 2. Kumita rin ang samahan ng P407,111.30 sa pagbebenta ng itlog mula Enero 2025 hanggang March 2026.
Sa ulat ni DA-SAAD MIMAROPA Community Development Officer (CDO) II Ian Von A. Yadao, naghukay ang samahan ng pagkukunan ng tubig at humiram ng electric pump upang mapunuan ang mga plastic drums na nakapwesto sa palibot ng kanilang gulayan. Upang maiwasan naman ang exposure sa matinding init, nagtatrabaho ang mga kasapi sa communal area sa umagang-umaga at dapit-hapon.
Mula sa 300 square meters noong 2024, nasa 1,229.52 square meters na ang lawak ng kanilang gulayan sa kasalukuyan. Sa pamamagitan ng sunod-sunod na pagtatanim, tuloy-tuloy ang produksyon ng samahan kung saan may tanim silang okra, talong, mais na lagkitan, at sili.
Labing isang (11) aktibong miyembro ang kumikilos upang asikasuhin ang kanilang mga proyekto. Bawat plot ay may nakatalagang kasapi na nakatutok mula sa produksyon, pag-aani, at hanggang sa pagbebenta.
Samantala, sa egg production, nasa 186 na paitluging manok na kanilang inaalagaan sa kasalukuyan. Base sa datos ng produksyon noong Marso, nakakuha sila ng 4,942 na itlog kung saan nasa 85 hanggang 89 na porsyento ang laying rate habang nasa 0.97 hanggang dalawang (2) porsyento naman ang breakage rate.
Ayon pa kay CDO Yadao, nananatiling nasa magandang kondisyon ang mga manok dahil sa tama at maayos na pagpapakain sa mga ito, kontrolado ang pailaw, at may sapat na bentilasyon ang kulungan. Malapit din sa bukal ang kanilang manukan kung saan sila kumukuha ng suplay ng tubig.
Bilang paghahanda naman sa bagong batch ng mga manok, nagtatayo ang samahan ng karagdagang poultry house na may sukat na 16-by-5 meters. Gumamit sila ng coco lumber, kawayan, at galvanized na bubong bilang materyales. Dinisenyo ito upang magkaroon ng maayos na bentilasyon at episyenteng pamamahala ng dumi ng mga manok na maaaring gamitin bilang organic fertilizer para sa kanilang gulayan.
Itinatayo ang kulungan sa lote na ipinahiram ng isa sa mga kasapi, na isasailalim sa isang opisyal na kasunduan.
Ayon kay LVCGA President Lucille M. Falcutila, malaking tulong ang proyekto sa kabuhayan ng kanilang mga miyembro, na karamihan ay umaasa lamang sa pangingisda at pagsasaka. Aniya, nakadagdag sa kita ng kanilang pamilya ang produksyon ng gulay at itlog.
“Dahil po sa programang inyong inilunsad, napakalaking tulong po ito sa amin dahil kahit paano ay nabawasan ang aming kahirapan sa pamamagitan ng aming mga tanim na gulay at mga inaaning itlog,” aniya.
Dagdag pa ni Falcutila, “Nangangako po kami na gagawin namin ang lahat para mapalago pa ito at makatulong sa mas marami pang nangangailangan ng kabuhayan. Maraming salamat po sa SAAD Program!”
Ibinebenta ng samahan ang kanilang mga produkto sa kanilang komunidad at mga kalapit barangay. Nakatutulong na rin sila sa pagtugon sa pangangailangan ng kanilang bayan sa sariwang mga gulay at itlog na abot-kaya ang presyo.
