News and Events

SAAD nagsagawa ng pagsasanay sa GAP, ICM, at Urban Gardening para sa mga magsasaka sa Romblon

SAAD nagsagawa ng pagsasanay sa GAP, ICM, at Urban Gardening para sa mga magsasaka sa Romblon

Sumailalim sa pagsasanay ukol sa Good Agricultural Practices (GAP) para sa produksyon ng gulay at post-harvest management, gayundin sa Integrated Crop Management (ICM) at Urban Gardening ang mga samahang benepisyaryo ng Vegetable Production Projects  sa ilalim ng Department of Agriculture – Special Area for Agricultural Development (SAAD) Program Phase 2, kamakailan.

Layunin nito na iangat ang antas ng kaalaman at kakayahan ng mga magsasaka sa pagtatanim at pamamahala ng kanilang mga aning gulay tungo sa mas mataas na produksyon at kita sa pamamagitan ng sustenable at makakalikasang mga pamamaraan.

Nilahukan ang mga nasabing pagsasanay pagsasanay ng mga miyembro ng Hambil Vegetable and Fruit Growers Association (dating Jolyn’s Vegetable and Fruit Growers Association) mula sa bayan ng San Jose; Pangalagaan, Wastohin, Paggamit ng Kalikasan (PAWIKAN) at Toctoc Organic Farmers Association (TOFA) mula sa Banton; at ng Linao Vegetable and Crop Growers Association (LVCGA) mula naman sa Calatrava.

Tinalakay ni Jheraldin V. Villan ng Technical Education and Skills Development Authority–Romblon National Institute of Technology (TESDA-RNIT) ang mga konsepto, prinsipyo, at kahalagahan ng Integrated Crop Management (ICM) sa pagpapataas ng ani. Binigyang-diin niya na sa pamamagitan ng wastong pamamahala ng lupa, epektibong pagkontrol ng peste, at maayos na paggamit ng mga input ay mas mapapabuti ang produksyon.

Ipinakilala rin niya ang iba’t ibang pamamaraan ng urban gardening na angkop sa limitadong espasyo, kung saan maaaring magtanim ng sariling pagkain kahit sa mga urban o semi-urban na lugar. Kaugnay naman sa GAP sa produksyon ng gulay, inisa-isa ni Bb. Villan ang mga hakbang mula sa pagpili ng lugar na pagtataniman hanggang sa wastong pamamahala ng ani kabilang na ang tamang paghahanda ng lupa, pagsusuri at pagpapabuti ng kalidad ng lupa, paggamit ng sertipikado at de-kalidad na binhi, at pagpili ng angkop na uri ng gulay. Inilahad din niya ang mahahalagang teknik sa pagtatanim, tamang paggamit ng pataba, at epektibong pamamahala laban sa peste, sakit, at damo.

Pinaalalahanan din ang mga kalahok sa kahalagahan ng crop rotation, kalinisan sa bukid, kaligtasan ng mga manggagawa, wastong paraan ng pag-aani, at pagpapanatili ng mga talaan sa bukid upang masubaybayan ang produksyon at mga input.

Ipinahayag ni Serafin Manzo, property custodian ng LVCGA, ang kanyang pasasalamat sa mga kaalamang kanilang natutunan mula sa pagsasanay, at sinabing malaki ang maitutulong nito sa kanilang asosasyon.

“Maraming salamat po sa training na ito. Malaking tulong po ito para magkaroon po kami ng bagong kaalaman sa pagtatanim. Magandang oportunidad po ito para sa amin at sayang kapag pinalampas dahil malaking tulong po ito sa pagpapaunlad ng proyekto ng aming asosasyon,” aniya.

Bahagi ang nasabing pagsasanay ng patuloy na pagsisikap ng SAAD Program na palakasin ang kakayahan ng mga magsasaka sa sustenableng produksyon ng gulay.

Image

Republic of the Philippines

All content is in the public domain unless otherwise stated.

About GOVPH

Learn more about the Philippine government, its structure, how government works and the people behind it.