ROMBLON, Setyembre 2, 2025 – Ipinagkaloob ng Department of Agriculture–Special Area for Agricultural Development (DA-SAAD) MIMAROPA ang kauna-unahang four-wheel tractor na nagkakahalaga ng Php 1,420,000 sa Suong Farmers Association, isa sa mga benepisyaryo ng Corn Production Project sa ilalim ng SAAD Program Phase 2. Idinaos ang awarding ceremony ng nasabing makinarya kamakailan sa Brgy. Bagsik, Alcantara, Romblon.
Kasama ng naturang interbensiyon ang iba’t ibang kagamitan gaya ng mounted disc plow, disc harrow, rotary tiller, at trailer na malaking tulong upang mabawasan ang mano-manong paggawa at mapabilis ang operasyon sa kanilang taniman.
Bago ito, kinakailangan pang umupa ng samahan ng traktora mula sa Office of the Provincial Agriculture (OPAg). Ngunit dahil sa marami rin ang umaasa sa serbisyo ng makinarya ng tanggapan, nagiging dahilan ang paghihintay ng samahan upang maantala ang kanilang pagtatanim.
Emosyonal na nagpaabot ng pasasalamat si Margie Miñano, pangulo ng samahan, sa suporta ng DA-SAAD MIMAROPA: “Sa SAAD MIMAROPA, maraming salamat po. Malaking bagay po ang ibinigay [ninyo] sa Suong Farmers Association. Kung wala po ito, hirap na hirap po talaga kami sa pagtatanim. Gagawin po namin lahat, andito na po ‘yong traktora na ito.”
Samantala, upang matiyak ang wastong paggamit at pangangalaga sa makinarya, sumailalim ang mga miyembro sa pagsasanay sa operasyon at pamamahala nito. Plano rin ng samahan na magtalaga ng opisyal na operator at mag-alok ng tractor rental services bilang karagdagang pagkakakitaan ng kanilang asosasyon. Maliban sa Suong FA, makikinabang din mula sa bagong makinarya ang iba pang grupong benepisyaryo ng SAAD sa bayan ng Alcantara.
Pinangunahan ang awarding ceremony ng ni Engr. Maiden Marie M. Segui, DA-SAAD MIMAROPA Food Production and Livelihood (FPL) Unit Lead, kasama sina Alex John Galicia, Municipal Agriculturist; Rodel Galindez, Agricultural Technician; at Dr. Arnulfo De Luna, kinatawan ni Gov. Trina F. Fabic.
