News and Events

SAAD MIMAROPA, pinangunahan ang pagsasagawa ng PRA para sa mga magsasaka at mangingisda ng Kalayaan, Palawan

SAAD MIMAROPA, pinangunahan ang pagsasagawa ng PRA para sa mga magsasaka at mangingisda ng Kalayaan, Palawan

Matagumpay na isinagawa ang Participatory Rural Appraisal (PRA) para sa mga magsasaka at mangingisda ng Munisipalidad ng Kalayaan, Palawan. Pinangasiwaan ng Department of Agriculture – Special Area for Agricultural Development (DA-SAAD) MIMAROPA ang pagdaraos ng aktibidad sa Puerto Princesa City, Palawan, Oktubre 15 -16, 2025.

Bahagi ang aktibidad ng pagtupad ng tanggapan sa commitment nito sa “Waves of Change: Innovative Practice for West Philippine Sea Fisherfolk Consultative and Coordination Meeting” noong Mayo, sa pangunguna ng DA – National Task Force for West Philippine Sea (DA-NTF WPS).  Sa nasabing pagpupulong, nangako si SAAD MIMAROPA Regional Lead Marissa D. Vargas na susuportahan ng programa ang inisyatibong ito sa pamamagitan ng pagsasagawa ng PRA. 

Nasa ilalim ng Social Preparation component ng SAAD Program, layunin ng PRA na suriin ang kalagayan ng mga mamamayan at komunidad upang matukoy ang kanilang mga pangkabuhayang pangangailangan at mga naaangkop na interbensyon.

Dumalo sa aktibidad sina DA – NTF WPS Assistant Secretary James A. Layug, SAAD National Program Management Office (NPMO) Director Ulysses J. Lustria, Jr., Bureau of Fisheries and Aquatic Resources MIMAROPA OIC – Regional Director Roberto Abrera, mga kinatawan ng Philippine Navy Marines mula sa Marine Battalion Landing Team – 9 na sina 1LT Jenny May C Rey PN(M) at TSg Romeo Estrada PN(M), Supervising Agriculturist Marcelo Dayo mula sa Bureau of Soils and Water Management, Palawan Provincial Agriculturist Dr. Romeo Cabungcal, Provincial Veterinarian Dr. Darius Mangcucang, at mga mamamayan ng Kalayaan sa pangunguna nina Mayor Beltzasar S. Alindogan, Vice Mayor Maurice Phillip Albayda, at Municipal Agriculture Officer Junry Alindogan. Dumalo rin bilang kinatawan ni DA MIMAROPA Regional Executive Director Atty. Christopher R. Bañas si Regional Technical Director for Operations Emerson S. Yago kasama sina RTD for Research and Regulations Ma. Theresa S. Aguilar, Chief of Staff Atty. Adele Garcia, Regulatory Division Chief Michael Graciano Iledan, at SAAD MIMAROPA Regional Lead Marissa D. Vargas.

Aktibong nakiisa at nagbigay ng impormasyon sa pagbuo ng bawat  PRA tool ang mga partisipante mula sa Kalayaan kasama ang mga sundalong regular na nagtutungo at tumutulong sa pagbabantay sa siyam (9) na islang sakop nito. Dumaan sa masusing talakayan ang resulta ng aktibidad kung saan ibinahagi rin ang mga hamong kinakaharap nila tulad ng limitadong transportasyon, kakulangan sa mga kagamitan at input, at kakulangan sa kaalaman ng mga mamamayan sa produksyon.  Sa sama-samang talakayan, tinukoy nila ang mga posibleng solusyon at naglatag ng commitment ang bawat tanggapan. Inilahad rin ni Regional Lead Vargas ang mga inisyal na agrikultural na interbensyong inihanda ng DA MIMAROPA para sa kanila.

Sa kaniyang mensahe, binigyang-diin ni ASec. Layug ang “whole-of-nation approach” sa pagtulong sa Kalayaan, kung saan nagtutulungan ang mga ahensya ng pamahalaan at mga mamamayan. Aniya pa, tatlong bagay ang nilalayon nilang makamit para sa munisipalidad, ang pagtiyak sa seguridad at kasapatan ng pagkain, yumayabong at sustenableng ekonomiya, at ang pagsulong ng pambansang soberenya sa lugar. 

Aniya, “Ang munisipalidad ng Kalayaan ay hindi nabubuhay na munisipalidad lang kungdi ito ay tinitingnan ngayon sa lebel ng nasyunal, ‘yong macro level and importance niya. Kaya ako nandito ngayon para ang programa ay mai-align natin accordingly. Whole-of-government approach ito, pagtutulong – tulong ng lahat ng ahensiya, hindi lang DA, nandyan ang DOT, DTI, DOLE, TESDA, lahat ho ‘yan [ay] magko-converge for a stakeholder, na magtulong-tulong tayo at isasama natin dito ang ating mga kababayan na kung saan tatawagin natin itong whole-of-nation participation.” 

Nagpahayag si Mayor Alindogan ng taos-pusong pasasalamat sa pamahalaan sa pagtugon sa pangangailangan ng kanilang bayan. Aniya, nararamdaman na ng mga mamamayan ang pagkilos ng gobyerno mula sa pamahalaang nasyunal hanggang sa probinsiya.

“Marami salamat po, gumagalaw ngayon ang national government, ang region, ang provincial government, na ang bayan ng Kalayaan na nag – iisang munisipyo sa West Philippine Sea ay binibigyan na at nabibigyan na ng buong pansin,” saad ni Mayor Alindogan.

Sa ngalan naman ni RED Bañas, pinasalamatan ni RTD Yago ang lahat ng dumalo at nakibahagi sa PRA at hinimok ang patuloy na pagsasama-sama, kooperasyon at koordinasyon ng lahat upang mas mabilis na makamit ang hangarin para sa Kalayaan.

“Katulad sa ating ginagawa ngayon na pagsasama – sama, nandyan po lagi ‘yong ating tatlong letter C - that we have to converge, cooperate, and coordinate with each other upang mas maging malinaw at mas mabilis ang pag-akyat o pagtungo po natin doon sa ating goal. On behalf of our Regional Executive Director, Atty. Christopher R. Bañas, kami po ay nagpapasalamat sa inyong lahat,” mensahe ni RTD Yago.

Sa huli, pinuri ni SAAD NPMO Director Lustria ang matagumpay at makabuluhang pagdaraos ng PRA. Aniya, kaisa ang SAAD Program sa pagkamit ng hangaring isulong ang kalayaan ng munisipalidad mula sa kahirapan patungo sa kaunlaran ng ekonomiya at pamumuhay ng mga mamamayan nito.

“We’re doing this at yong iba pa nating gagawing activities to help ourselves, that is the best motivation, tinutulungan natin ang sarili natin. Congrats po sa output na ito na very productive at nagpapasalamat po ang SAAD, tutulong po ang SAAD hangga’t nandito kami,” pagtatapos na mensahe ni Dir. Lustria.

Bukod sa pagsisilbing batayan upang matukoy ang mga proyektong at interbensyong akma sa pangangailangan ng komunidad, ang resulta ng PRA ay isusumite kay  Palawan Gov. Amy R. Alvarez upang i-endorso sa Regional Development Council (RDC) at sa iba pang mga pangunahing ahensya upang makakalap ng karagdagang suporta.

Natapos ang dalawang-araw na PRA sa pamamagitan ng pinagtibay na pangako ng iba’t ibang ahensya na maghatid ng direkta at tiyak na tulong sa mga magsasaka at mangingisda ng Kalayaan, isang hakbang na magpapatatag sa lokal na ekonomiya at titiyak sa seguridad sa pagkain habang pinagtitibay ang pambansang soberanya sa nasabing lugar.

Image

Republic of the Philippines

All content is in the public domain unless otherwise stated.

About GOVPH

Learn more about the Philippine government, its structure, how government works and the people behind it.