News and Events

2026-02-saad-mimaropa-agutaya-palawan
SAAD MIMAROPA, pinalawak ang produksyon ng itlog ng manok sa Agutaya, Palawan; Php1.2 M na interbensyon, pinagkaloob sa Algeciras

SAAD MIMAROPA, pinalawak ang produksyon ng itlog ng manok sa Agutaya, Palawan; Php1.2 M na interbensyon, pinagkaloob sa Algeciras

Upang masuportahan ang sapat na suplay ng pagkain at mapalakas ang kabuhayan sa malayong isla ng Algeciras sa Agutaya, Palawan, nagkaloob ang Department of Agriculture – Special Area for Agricultural Development (DA-SAAD) MIMAROPA ng Ready-to-Lay (RTL) Chicken Production Project sa Central Algeciras Farmers Association (CAFA).

Tumanggap ang samahan ng mga interbensyong nagkakahalaga ng Php 1,236,796, na kinabibilangan ng 300 RTL chickens, egg trays, timbangan ng itlog, foot bath tray, RTL chicken cages, 100 sako ng feeds, at iba pang mahahalagang kagamitan sa produksyon.

Dahil sa lokasyon ng isla na umaasa lamang sa transportasyong pandagat, patuloy na nakararanas ang Barangay Algeciras ng mga hamon sa access sa pamilihan at regular na suplay ng pagkain. Sa isinagawang Participatory Rural Appraisal (PRA) noong 2024, tinukoy ng CAFA ang RTL chicken (egg) production bilang angkop na interbensyon para sa kanila sa ilalim ng 2025 expansion ng SAAD Program sa rehiyon.

Layunin ng proyekto na mapabuti ang suplay ng sariwang itlog sa komunidad at magkaroon ng maaasahang kabuhayan para sa asosasyon. Bago ang pamamahagi ng mga nabanggit na interbensyon, sumailalim muna ang mga miyembro sa mga pagsasanay sa pamamahala ng RTL chicken at ng organisasyon tungo sa epektibo at episyenteng pangangasiwa ng kanilang proyekto.

Bilang bahagi naman ng kanilang counterpart, nagtayo ang CAFA ng kulungan ng mga manok at ipinatutupad ang rotational care system, kung saan salitan ang mga miyembro sa pag-aasikaso sa manukan batay sa napagkasunduan nilang schedule.

Nagpaabot ng pasasalamat si CAFA President Hilda B. Manalon sa tulong na ipinagkaloob ng programa at binigyang-diin ang kahalagahan nito sa pagtugon sa pangangailangan ng kanilang pamayanan sa pagkain at kabuhayan.

“Nagpapasalamat po kami sa proyektong ipinagkatiwala sa amin ng SAAD kahit sobrang layo ng aming isla. Pinapangako po naming palalaguin namin ito para kumita at makatulong sa aming komunidad,” ani Manalon.

Sa sandaling lumakas ang produksyon, inaasahan ng samahan ang pito (7) hanggang walong (8) trays ng mga itlog kada araw. Ibebenta nila ito sa kanilang mga kabarangay at sa isla ng Agutaya sakaling magkaroon ng surplus. ###

Image

Republic of the Philippines

All content is in the public domain unless otherwise stated.

About GOVPH

Learn more about the Philippine government, its structure, how government works and the people behind it.