Bilang bahagi ng pagsisikap na mapalawak ang oportunidad sa kabuhayan ng mga lokal na magsasaka, iba’t ibang pagsasanay ang idinaos ng Special Area for Agricultural Development (SAAD) MIMAROPA para sa mga benepisyaryo ng poultry projects sa Romblon, kamakailan.
Sumailalim sa Specialized Training on Good Manufacturing Practices (GMP) at Post-Harvest Handling for Chicken Meat ang mga kasapi ng Concepcion Sur Farmers and Fisherfolks Association at Paroyhog Farmers and Fisherfolks Association, kapwa mula sa Santa Maria, at ang Alcantara Livestock and Poultry Producers and Marketing Association (ALPPAMA) at Kadalag-an Farmers Association, na pareho namang nasa munisipalidad ng Alcantara.
Pinangunahan ang nasabing pagsasanay ni April Joy Lota mula sa Technical Education and Skills Development Authority – Romblon National Institute of Technology (TESDA-RNIT). Nakatuon ang mga sesyon sa pagpapanatili ng kaligtasan at tamang pamamahala ng karne ng manok. Kabilang sa mga tinalakay ang kahalagahan ng food safety at ang mga prinsipyo ng GMP upang matiyak ang kalidad at kalinisan ng produkto.
Tinalakay rin ang umiiral na mga batas ukol sa food safety at ang mga posibleng panganib sa pagpoproseso ng karne ng manok upang maiwasan ang kontaminasyon.
Sa pamamagitan ng mga hands-on na aktibidad, natutunan ng mga partisipante ang wastong post-harvest handling na naglalayon ring mapangalagaan ang kalusugan ng mga mamimili at mas maraming tumangkilik sa kanilang produkto.
Samantala, lumahok naman sa Specialized Training on Salted Egg at Balut Production ang mga miyembro ng Pangulo Hog Growers Association mula sa Calatrava. Layunin nito na matutunan ng mga kasapi ang epektibong pamamaraan ng value-adding sa mga itlog ng kanilang mga alagang itik tulad ng paggawa ng itlog na maalat at balut. Binigyang-diin sa aktibidad ang pagsunod sa mga pamantayan ng food safety at kalidad upang matiyak na ang mga produkto ay ligtas, malinis, at handa para sa merkado.
Sa pamamagitan nito, inaasahan na magkakaroon ng sapat na kakayahan ang mga benepisyaryo na makapagtatag ng sustenableng negosyo at mapabuti ang kanilang pamumuhay.
Hinimok ni Mary Ann Falcutila, pangulo ng Pangulo Hog Growers Association, ang mga kalahok na isabuhay ang kanilang mga natutunan kahit matapos ang SAAD Program.
“Sana ay dalhin natin ang ating mga natutunan, na kung maghiwa-hiwalay man ang SAAD ay maia-apply natin ito sa ating sarili upang makita na tayo ay patuloy na nag-i-improve,” aniya.
Sa kabuuan, umabot sa 94 na mga benepisyaryo ng SAAD Program ang lumahok at natuto sa mga naturang pagsasanay.

