News and Events

SAAD MIMAROPA, pinalakas ang kakayahan sa pamamahala ng 7 samahan sa Romblon

SAAD MIMAROPA, pinalakas ang kakayahan sa pamamahala ng 7 samahan sa Romblon

Pitong (7) samahan sa ilalim ng Department of Agriculture – Special Area for Agricultural Development (SAAD) Program Phase 2 sa lalawigan ng Romblon ang sumailalim kamakailan sa Training on Organizational Strengthening at Training Workshop on Organizational Improvement, Resolutions, and Amendments sa Odiongan, Romblon.

Layunin ng mga pagsasanay na palakasin ang kakayahan ng mga samahan sa pagbuo ng mga polisiya at resolusyon, gayundin sa pangkalahatang pamamahala ng organisasyon.

Lumahok sa Training on Organizational Strengthening ang mga kasapi ng Concepcion Norte Farmers and Fisherfolks Association mula sa Brgy. Concepcion Norte, Santa Maria. Pinangunahan nina Social Preparation and Program Management (SPPM) Cluster Lead Jea Anne G. Yase at Associate Project Officer I Jercel N. Catubig ang aktibidad. Ipinaalala nila sa mga kalahok ang mahalagang papel at responsibilidad ng bawat opisyal at kasapi ng asosasyon. Binigyang-diin rin nila na ang katatagan at pagpapatuloy ng samahan ay nakasalalay sa kooperasyon, tiwala, at pananagutan ng bawat isa.

Sinundan ang talakayan ng isang workshop kung saan tinukoy ng mga kalahok ang mga isyu at hamong kinakaharap ng kanilang samahan, kasama ang mga posibleng solusyon at plano tungo sa mas epektibo at matagumpay na pamamahala.

Samantala, anim (6) na samahan naman ang sumailalim sa Training Workshop on Organizational Improvement, Resolutions, and Amendments. Kabilang dito ang Agnocnoc Communal Irrigators System Association, Claro M. Recto Corn and Cassava Farmers Association, Tubigon Planters Association, at Tubigon Vegetable Growers Association mula sa bayan ng Ferrol; at ang Bonlao Corn Growers Association at Calagonsao Corn Growers Association mula naman sa munisipalidad ng Alcantara.

Nagsilbing tagapagsanay si Dr. Joemar F. Manzo, Associate Professor IV ng Romblon State University – College of Arts and Sciences. Katuwang niya sa pagpapadaloy ng aktibidad sina Dr. Orfelina Manzo, faculty member ng parehong kolehiyo, at Dr. Edna M. Sixon, Chairperson ng AB Political Science Program ng RSU.

Kabilang sa mga pangunahing paksa ang pagbuo ng mga resolusyon at pag-aamyenda, gayundin ang mga tuntunin at pamamaraang parliamentaryo, kabilang ang mga prinsipyo, layunin, at uri ng pagpupulong.

Bahagi rin ng workshop ang aktuwal na pagsasagawa ng pagpupulong, kung saan isinabuhay ng mga kalahok ang tamang proseso sa pagdaraos nito. Gumawa rin sila ng mga resolusyon batay sa kanilang mga natutunan.

“Sa SAAD, maraming salamat po dahil mula noon hanggang ngayon ay marami na talaga kaming natutunan, at hangad namin na maging enterprise ang aming samahan,” pahayag ni Juana Briones, ingat-yaman ng Bonlao Corn Growers Association.

Nakatakda ring sumailalim sa kaparehong mga pagsasanay ang iba pang samahan sa ilalim ng SAAD Phase 2 sa MIMAROPA.

Image

Republic of the Philippines

All content is in the public domain unless otherwise stated.

About GOVPH

Learn more about the Philippine government, its structure, how government works and the people behind it.