News and Events

Rice retailers sa Calapan City, sumunod sa Php50 price cap sa isinagawang market visit ng DA-MIMAROPA

Rice retailers sa Calapan City, sumunod sa Php50 price cap sa isinagawang market visit ng DA-MIMAROPA

CALAPAN CITY, ORIENTAL MINDORO - Nagbunga ng positibong resulta ang isinagawang market visit at compliance inspection ng Department of Agriculture (DA) MIMAROPA sa Calapan City Public Market kamakailan, matapos maitala ang 100% compliance o ganap na pagsunod ng mga lokal na rice retailer sa ipinatutupad na price cap sa bigas.

Ayon sa ulat ng inspection team, walang nakitang paglabag sa pampublikong palengke ng lungsod. Lahat ng mga tindero ay napatunayang sumusunod sa itinakdang panuntunan at walang sinumang lumagpas sa presyong itinakda ng pamahalaan. Sa katunayan, may ilang retailers pa ang kasalukuyang nagbebenta ng Imported Premium Rice sa mas mababang halaga at eksaktong sumusunod sa tamang alituntunin.

Ang sorpresang inspeksyon ay isinagawa upang tiyakin ang mahigpit na pagpapatupad ng Executive Order No. 118. Sa ilalim ng kautusang ito, nagtakda ang pamahalaan ng price ceiling o pinakamataas na presyo na Php50.00 kada kilo para sa Imported Premium Rice (5% Broken).

Ang naturang price cap ay nagsimula noong Mayo 13, 2026 at iiral sa loob ng 30 araw sa buong bansa, na maaari pa itong palawigin, baguhin, o alisin depende sa magiging pagsusuri ng pamahalaan. Kasabay nito, tiniyak din sa inspeksyon na ang impormasyon at kulay ng mga price tag o shelf talker ng mga vendor ay sumusunod sa JMC No. 1 S. 2026 na itinakda ng DA at DTI.

Ang aktibidad ay pinangunahan ng Agribusiness and Marketing Assistance Division (AMAD), sa pamumuno ni AMAD Chief Randy Pernia bilang kinatawan ni Regional Executive Director Atty. Christopher Bañas. Katuwang sa operasyong ito ang City Agricultural Services Department (CASD), Bureau of Plant Industry (BPI) Oriental Mindoro, Market Administration Office, National Food Authority (NFA), at Department of Trade and Industry (DTI).

Layunin ng inspeksyon na protektahan ang mga mamimili laban sa labis na pagtaas ng presyo at siguraduhing may sapat at abot-kayang suplay ng bigas. Nagkaroon din ng info campaign upang ipaalala sa mga retailer na ang mga lalabag ay papatawan ng parusa sa ilalim ng Republic Act 7581 o Price Act. Kasama sa mga parusa ang pagkakakulong ng 1 hanggang 10 taon, multa na Php5,000 hanggang Php1 milyon, o pagsasara ng tindahan at pagbawi ng lisensya.

Image

Republic of the Philippines

All content is in the public domain unless otherwise stated.

About GOVPH

Learn more about the Philippine government, its structure, how government works and the people behind it.