News and Events

Proyektong babuyan ng SAAD sa San Jose, Romblon kumita ng mahigit Php 306K
Proyektong babuyan ng SAAD sa San Jose, Romblon kumita ng mahigit Php 306K

Proyektong babuyan ng SAAD sa San Jose, Romblon kumita ng mahigit Php 306K

Sa pamamagitan ng tiyaga at pagsusumikap, kumita ng kabuuang Php 306,270 ang San Jose Swine Raisers Association (SJSRA) sa bayan ng San Jose, Romblon mula sa pagbebenta ng baboy mula Enero hanggang Disyembre noong nakaraang taon.

Bilang kauna-unahang benepisyaryo ng Swine Production Project sa ilalim ng Department of Agriculture – Special Area for Agricultural Development (DA-SAAD) Program Phase 2 sa MIMAROPA, pinatunayan ng asosasyon na hindi nasayang ang mga interbensiyong ipinagkaloob sa kanila.

May kabuuang 82 na baboy ang naibenta, kung saan 22 ang pinalaki sa ilalim ng indibidwal na produksyon at ang natitira ay pinamahalaan sa communal area. Gumamit ang asosasyon ng dalawahang sistema ng pamamahala: ang communal production, kung saan ang mga miyembro ay nagtatrabaho nang pares sa pagpapakain, paglilinis, at pangkalahatang pag-aalaga; at ang indibidwal na produksyon na may 60–40 na hatian sa kita.

Ibinahagi ni Pres. Settieh Mahideza “Deza” Sacapaño, pangulo ng samahan, na patuloy na pinapalakas ng grupo ang kanilang kaalaman at kasanayan sa pag-aalaga ng baboy sa pamamagitan ng kooperasyon at pagtutulungan.

“Sa ngayon po ay medyo hindi pa po kami ganap na bihasa sa pag-aalaga ng baboy, pero unti-unti pong natututunan namin ’yon sa pamamagitan ng pagkakaisa po namin at pagtutulungan sa mga task na ginagawa po namin dito sa samahan,” ani Sacapaño.

Bilang isang asosasyong may malaking porsyento ng kababaihan at binubuo karamihan ng mga maybahay, ang mga interbensiyong kanilang natanggap ay hindi lamang nagsilbing kabuhayan kundi naging pagkakataon din upang matuto, umunlad, at mapabuti ang kanilang kalidad ng buhay.

“Maraming maraming salamat po at nabigyan n’yo po kami ng ganitong oportunidad. Marami po kayong natutulungan, hindi lang po ako at hindi lang po ang ka-miyembro ko, kundi natutulungan din po ’yong ibang taong nasa palibot namin dahil po sa asosasyong ito,” dagdag ni Pres. Deza bilang pasasalamat sa SAAD Program.

Bilang bunga ng kanilang pinaghirapan, kabuuang Php 86,684 na kumakatawan sa 60 porsiyento ng kabuuang benta mula Hunyo hanggang Disyembre ang ipamamahagi sa 27 aktibong miyembro ng asosasyon. Samantala, ang natitirang 40 porsiyento na nagkakahalaga ng Php 58,780.06 ay ide-deposito sa bank account ng asosasyon. Sa kasalukuyan, may kabuuang bank balance na Php 119,287.80 ang SJSRA.

Sa ngayon, nag-aalaga ang SJSRA ng 17 na baboy na binubuo ng isang barako, dalawang inahin, at tatlong nakalaan para sa restocking, at inaasahang tataas pa ang produksyon at kita ng asosasyon ngayong taon.

Image

Republic of the Philippines

All content is in the public domain unless otherwise stated.

About GOVPH

Learn more about the Philippine government, its structure, how government works and the people behind it.