Pinuri ng Philippine Council for Agriculture and Fisheries (PCAF) ang maayos at epektibong implementasyon ng mga proyekto sa ilalim ng Special Area for Agricultural Development (SAAD) Phase 2 sa lalawigan ng Romblon sa isinagawang 2026 Participatory Monitoring and Tracking (PMT) Exit Conference noong Mayo 5 sa Quezon City.
Sa isinagawang PMT ng mga proyektong pinondohan ng ahensya sa nasabing lalawigan noong Abril 27 hanggang 30, nakita ang episyenteng pagpapatupad ng SAAD Program sa tulong ng Pamahalaang Lalawigan ng Romblon at mga munisipalidad na saklaw ng programa. Ayon sa grupo, isa sa mga naging susi sa organisadong pamamahagi at wastong paggamit ng mga interbensyon ay ang matibay na ugnayan ng mga lokal na pamahalaan at mga tagapagpatupad ng programa.
Kabilang sa mga binisitang samahan ang apat (4) na asosasyon sa Alcantara na kinabibilangan ng Suong Farmers Association, Camili Corn Growers Association, Camili Vegetabe Growers Association, at Alcantara Livestock & Poultry Producers and Marketing Association; Pagsahangan Farmers Association sa bayan ng Calatrava; at ang Tubigon Planters Association at Tubigon Vegetable Growers Association, kapwa nasa munisipalidad ng Ferrol.
Sinuri ng grupo, na pinangungunahan ni Troadio U. Montemayor, technical staff ng PCAF – Planning, Monitoring and Knowledge Management Division - Monitoring and Evaluation Section (PMKMD-MES), kung paano ginagamit at napakikinabangan ng mga samahan ang mga natanggap na interbensyon tulad ng agricultural tools and supplies, mga binhi, pataba, at mga manok mula sa SAAD Program.
Ibinahagi rin ng PMT team na maliban sa pagpapalakas ng kakayahan ng mga magsasaka sa produksyon at pamamahala ng kanilang kabuhayan, nakatulong din ang proyekto sa pagpapatibay ng samahan at pananagutan ng mga kasapi. Nakita rin ang dedikasyon ng bawat grupo sa pagpapanatili at maayos na pangangasiwa ng kanilang mga proyekto.
Binanggit rin ni G. Montemayor ang magandang inisyatibo ng programa na pagtatalaga ng Community Development Officer (CDO) sa bawat bayan, na nakatutok sa paggabay, pagbibigay ng teknikal na suporta, at pagsusulong ng magandang ugnayan sa pagitan ng mga benepisyaryo at mga kawani ng SAAD. Aniya, labis ang pasasalamat ng mga benepisyaryo sa mga natanggap na interbensyon mula sa SAAD.
Nagpaabot ng pagbati at pasasalamat si DA MIMAROPA Regional Executive Director at SAAD MIMAROPA Regional Focal Person Atty. Christopher R. Bañas sa naging maayos na daloy ng PMT sa mga proyekto ng Kagawaran sa rehiyon at sa patuloy na pakikiisa ng mga lokal na pamahalaan at benepisyaryo sa implementasyon ng programa.
"Ang positibong resulta ng isinagawang monitoring ay patunay ng sama-samang pagtutulungan ng DA, mga lokal na pamahalaan, at mga benepisyaryo upang matiyak na ang mga proyekto ng SAAD ay tunay na nakatutulong sa pagpapabuti ng kabuhayan ng ating mga magsasaka. Patuloy namin isusulong ang episyente at maayos na implementasyon ng mga programa ng DA tungo sa kasaganaan at kaunlaran ng sektor ng agrikultura sa rehiyon," aniya.
Sa huli, inirekomenda ng grupo na ipagpatuloy ang pagpapatibay ng samahan at pananagutan sa bawat asosasyon para sa sustenableng kabuhayan.
