News and Events

Pakbet ng Pag-asa: Kwento ng mga Magsasaka ng Linao

Pakbet ng Pag-asa: Kwento ng mga Magsasaka ng Linao

Tulad ng isang putahe, ang buhay ay may kanya-kanyang natatanging lasa. Ngunit hindi lahat ay may pribilehiyo na malasap ang mga mamahaling pagkain; ang ilan, kumakain lamang upang may mailaman sa sikmura.

Sa kulturang Pinoy, ang pagkain ay higit pa sa pang-araw-araw na pangangailangan—ito ay sandigan ng saya, lakas, at pagkakaisa. Hindi itinuturing na kumpleto ang bawat kainan kapag walang gulay, na pinaniniwalaang nagbibigay ng sustansya at sigla sa ating katawan. Para naman sa Linao Vegetable and Crop Growers Association, ang gulay ay hindi lang kalusugan at kabuhayan, kundi ito rin ang kanilang pangunahing pinagkukunan ng ikinabubuhay.

Katulad ng pinakbet—isang kilalang pagkaing Pilipino na binubuo ng sari-saring gulay na nangangailangan ng tiyaga at maingat na paghahanda—ang samahan ay dumaan sa maraming pagsubok bago tuluyang napitas ang bunga ng kanilang pagtitiyaga. Malayo sa pagiging madali ang kanilang naging paglalakbay, puno ito ng hamon na sumubok sa kanilang dedikasyon at pagkakaisa.

Gaya ng isang masarap na putahe na nagsisimula sa maayos na paghahanda ng mga sangkap at kasangkapan, nagsimula rin ang kanilang tagumpay sa pagtatag ng matibay na pundasyon—ang maayos na organisasyon ng mga kasapi, pagsasagawa ng Beneficiary Needs Assessment (BNA), pagkuha ng mga kakailanganing kagamitan, at pagkatuto ng mga kasanayang kailangan para maisakatuparan ang proyekto. Bawat hakbang, gaano man kahirap, ay nagsilbing mahalagang sangkap tungo sa hinaharap kung saan sabay na uusbong ang pagkain at kabuhayan.

Noong 2023, napabilang ang asosasyon bilang isa sa mga unang benepisyaryo ng Special Area for Agricultural Development (SAAD) MIMAROPA Phase 2 sa bayan ng Calatrava. Sa ilalim ng SAAD, tinanggap nila ang Vegetable Production Project na nagbigay ng iba’t ibang interbensyon para masimulan ang kanilang inisyatiba.

Hindi kailanman magiging kumpleto ang pinakbet kung kulang sa pangunahing sangkap. Bawat gulay ay may sariling papel—kalabasa para may konting tamis, ampalaya para sa saktong pait, talong para sa texture, at okra upang pag-isahin ang lahat. Sa maraming paraan, ang paglalakbay ng Linao Vegetable Association ay tila kahawig ng naturang putahe: pinaghalong pait at tamis, pagsubok at tagumpay, ngunit sa huli ay nagbibigay-buhay at kasiyahan.

Tulad ng kalabasa na pinaniniwalaang nagpapalinaw ng paningin, malinaw rin ang bisyon ng samahan sa nais nilang makamit. Payak ngunit makapangyarihan ang kanilang layunin—magkaroon ng dagdag na kita at alternatibong kabuhayan para sa kanilang pamilya. Ang bisyong ito ang nagsisilbing gabay sa gitna ng mga hindi tiyak na hamon ng pagsasaka, at paalala kung bakit nila kinakaya ang matagal na pagbibilad sa araw at samu’t saring pagsubok sa bukid.

Ngunit hindi palaging matamis ang kanilang karanasan. Katulad ng ampalaya, may mga panahong puno ito ng pait. Dahil ang kanilang taniman ay napapalibutan ng bundok, madalas itong magsilbing imbakan ng tubig-ulan. Baha ang laging sumisira sa kanilang pananim, sinusubok ang kanilang pagtitiyaga at katatagan. Para sa mga kasapi, bawat guhit ng gulay na natatangay ng tubig ay tila pait ng ampalaya—ayaw man nila, bahagi pa rin ito ng proseso.

“Noong panahon na mahina ang aming kita sa gulayan, patuloy pa rin ang aming pagsusumikap sa pagtatanim. Hindi kami sumusuko kahit kami ay tatlo o lima lang. Sipag at tiyaga ang kailangan natin,” pahayag ni Pangulo Lucile Falcutila.

Gayunman, may gantimpala rin ang pagsasaka. Katulad ng talong na mahirap patubuin ngunit sulit kapag namunga, ganoon din ang paglalakbay ng asosasyon. Naranasan nila ang problema sa peste, pabago-bagong panahon, at kakulangan sa kagamitan. Ngunit sa pamamagitan ng pagtitiyaga at pagkakaisa, patuloy nilang inaalagaan ang kanilang tanim at natututo sa bawat anihan. Sa halos isang taon na mababa ang produksyon ng gulay, nakalikom sila ng kabuuang Php 16,319 gross sales mula Abril hanggang Hunyo ng taong ito.

Subalit, hindi sapat ang sipag at pagtutulungan lamang. Sa harap ng ganitong kalagayan, kailangan din ng samahan ang katatagan at kakayahang magbago—tulad ng sitaw. Bagaman hindi naging maganda ang simula ng taon, nakabawi ang grupo sa ikalawang kwarter matapos makapag-ani at makapagbenta ng gulay.

Noong Abril, nakapagtala sila ng Php 2,135 mula sa pagbebenta ng 4.5 kg ng sitaw, 24.5 kg ng pipino, 4.7 kg ng ampalaya, 1 kg ng talong, at 22 kg ng okra. Pagsapit ng Mayo, nakabenta sila ng 17.55 kg ng sitaw, 24.5 kg ng pipino, 1 kg ng ampalaya, 17.5 kg ng talong, at 30 kg ng okra na nagbigay sa kanila ng Php 5,855. Malaking hakbang ito para sa asosasyon, dahil nakita nilang maaari talaga silang kumita mula sa sarili nilang ani.

Noong Hunyo, ang huling buwan ng unang kalahati ng 2025, halos dumoble ang kanilang kita. Nakabenta sila ng 37.8 kg ng sitaw, 55 kg ng pipino, 37.5 kg ng talong, at 27.5 kg ng okra na nagbigay sa kanila ng kabuuang gross income na Php 8,329.

Sa huli, ang nagbunga ang kanilang pagtitiyaga. Tulad ng okra na masagana kapag inalagaan, unti-unti nang nagiging bunga ang kanilang determinasyon. Ang bawat matagumpay na ani ay hindi lamang pagkain sa hapag-kainan, kundi isa ring hakbang patungo sa mas matatag at masustansyang kinabukasan para sa kanilang pamilya.

“Patuloy lang ang pagtatanim para pagdating ng araw na namumunga ay marami kaming aanihin at ibebenta.”

Para sa Linao Vegetable Association, ang gulay ay higit pa sa sangkap ng pagkain. Ito ay simbolo ng pag-asa, katatagan, at kabuhayan. At tulad ng pinakbet na pinag-iisa ang natatanging lasa ng bawat gulay, ang kanilang kuwento ay pagsasanib ng mga pagsubok at tagumpay—isang hinaharap na parehong nakabubusog at nagtatagal. 

Image

Republic of the Philippines

All content is in the public domain unless otherwise stated.

About GOVPH

Learn more about the Philippine government, its structure, how government works and the people behind it.