News and Events

P3.8-M Chicken Layer Project, Ipinagkaloob sa Kooperatiba sa Naujan

P3.8-M Chicken Layer Project, Ipinagkaloob sa Kooperatiba sa Naujan

NAUJAN, ORIENTAL MINDORO — Pormal nang iginawad ng Department of Agriculture (DA) MIMAROPA ang isang chicken layer project na nagkakahalaga ng Php3.8 milyon sa Naujan Hog Raisers Agricultural Cooperative (NahogCo) na matatagpuan sa Brgy. Paniquian, Naujan, Oriental Mindoro.

Ang naturang proyekto ay ipinagkaloob sa ilalim ng Livestock Economic Enterprise Development (LEED) Program ng DA Livestock Program upang magsilbing pangkabuhayan at mapalakas ang produksyon ng itlog.

Kasama sa tinanggap ng kooperatiba ang 1,000 piraso ng ready-to-lay chicken, chicken layer shed na may battery cages, paunang suplay ng animal feeds, at iba pang kagamitang agrikutural. Bukod dito, upang matiyak ang kalidad ng kanilang produkto, binigyan din sila ng egg sorter at upright chiller bilang bahagi ng kabuuang pondo ng proyekto.

Bagaman nagsisimula pa lamang ang operasyon, nasa 56% pa lang ng mga manok ang kasalukuyang nangingitlog. Gayunpaman, inaasahang tataas pa ang bilang na ito dahil araw-araw ay nadaragdagan ang dami ng mga manok na nagsisimulang mag-produce ng itlog.

Sa kasalukuyan, matagumpay nang nakakaharvest ang NahogCo ng nasa 18 tray ng itlog kada araw na ibinebenta sa kanilang mga miyembro at sa mga lokal na sari-sari store.

Lubos naman ang pasasalamat ng mga miyembro ng NahogCo sa pangunguna ng kanilang Chairman na si Alexander Sales para sa malaking tulong na ito mula sa pamahalaan.

“Lubos ang aming pasasalamat sa proyektong ito na ipinagkaloob sa amin ng DA MIMAROPA dahil malaking tulong ito para sa kabuhayan ng aming mga miyembro,” aniya.

Samantala, upang masiguro ang paglago ng kanilang negosyo, kasalukuyan nang nakikipag-ugnayan ang kooperatiba sa Naujan Municipal Office upang mas mapalawak pa ang market at maabot ang mas maraming mamimili sa hinaharap.

Pinangunahan nina Livestock Program Staff Agriculturist II Arman Melendrez at 1st District Congressman Arnan Panaligan ang pagkakaloob ng certificate of turnover at ang ribbon cutting ceremony para sa nasabing pasilidad.

Image

Republic of the Philippines

All content is in the public domain unless otherwise stated.

About GOVPH

Learn more about the Philippine government, its structure, how government works and the people behind it.