News and Events

P20 na bigas sa KADIWA Store sa Calapan City, dinagsa; Libreng bigas, ipinamahagi rin
Pinilahan ng mga residente ang pagbebenta ng P20 na bigas sa KADIWA ng Pangulo Store sa Brgy. Camilmil, Calapan City.

P20 na bigas sa KADIWA Store sa Calapan City, dinagsa; Libreng bigas, ipinamahagi rin

CALAPAN CITY, Oriental Mindoro - Dinagsa ng mga mamimili ang opisyal na pagbubukas ng pagbebenta ng P20 kada kilong bigas sa KADIWA ng Pangulo Store sa Barangay Camilmil, Calapan City, Oriental Mindoro.

Ang naturang outlet ay pinamamahalaan ng Papandungin Vegetable Growers Association. Pinangunahan ni Agribusiness and Marketing Assistance Division (AMAD) Chief Randy Pernia ang paglulunsad ng programa, na layuning maghatid ng abot-kayang pagkain para sa mga Calapeño sa gitna ng hamon ng mataas na presyo ng mga bilihin. 

Ang naturang bigas ay partikular para sa mga miyembro ng mga tinatawag na marginalized sectors gaya ng persons with disabilities (PWDs), senior citizens, miyembro ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps), at mga solo parents.

Nagpaabot naman ng kanyang suporta at mensahe si DA MIMAROPA Regional Executive Director (RED) Atty. Christopher R. Bañas hinggil sa tagumpay ng aktibidad.

“Ang pagbubukas ng KADIWA store na ito ay patunay ng ating dedikasyon na ilapit ang serbisyo ng gobyerno sa mga tao, lalo na sa mga sektor na higit na nangangailangan. Sa pamamagitan ng P20 kada kilong bigas, hindi lamang natin tinutugunan ang gutom, kundi binibigyan din natin ng kapanatagan ang mga mamamayan na may gobyernong handang umalalay sa kanila,” ani Atty. Bañas.

Dagdag pa ni RED Bañas, patuloy na makikipagtulungan ang DA sa mga lokal na asosasyon at kooperatiba upang mas mapalawak pa ang maaabot ng programang ito sa buong rehiyon ng MIMAROPA.

Samantala, hindi lamang murang bigas ang sumalubong sa mga mamimili, kundi isang sorpresang handog din mula sa DA MIMAROPA Employees Credit Cooperative (DAMEC). Sa ilalim ng pamumuno ni Chairman Shirley Tomas, nasa may kabuuang 125 na Calapeño ang mapalad na nakatanggap ng libreng tig-sampung kilong bigas.

Ayon kay Chairman Tomas, ang inisyatibong ito ay bahagi ng layunin ng kooperatiba na makatulong sa mga pamilyang nangangailangan at ipakita ang diwa ng pagkakaisa sa pagitan ng mga kawani ng gobyerno at ng komunidad.

“Ang aming kooperatiba na naka-base sa Quezon City ay nagtungo rito upang ipamahagi ang bente-pesos na bigas bilang suporta namin sa Department of Agriculture (DA) at sa programang KADIWA,” pahayag ni Chairman Tomas.

Lubos naman ng pasasalamat ang mga residente ng Barangay Camilmil at mga karatig-lugar dahil sa malaking tipid na hatid ng programa.

“Ako po ay nagpapasalamat sa ating mahal na Pangulo, Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr., sa pagkakaloob ng P20 na bigas para sa amin. Sa DA naman po, sa bigas na ibinigay ninyo, malaking tulong na po ito sa aming pamilya,” ani Edgardo Campomanes, isang senior citizen.

Gayundin ang naging pahayag ni Melody Lumat, isang PWD, na binigyang-diin ang epekto nito sa kanilang budget. “Napakalaking kabawasan po nito sa aming gastusin. Maraming salamat sa libre at abot-kayang presyo ng bigas sa KADIWA.”

Sa kasalukuyan, patuloy ang DA MIMAROPA sa pagpapalakas ng mga KADIWA stores sa rehiyon upang masiguro na ang bawat pamilyang Pilipino ay may access sa sapat at murang pagkain.

Image

Republic of the Philippines

All content is in the public domain unless otherwise stated.

About GOVPH

Learn more about the Philippine government, its structure, how government works and the people behind it.