News and Events

P19.8 Halaga ng Makinarya, Ipinamahagi sa Corn Clusters ng Occidental Mindoro

P19.8 Halaga ng Makinarya, Ipinamahagi sa Corn Clusters ng Occidental Mindoro

Bilang pagtugon sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. na isulong ang modernisasyon sa agrikutura, namahagi ang Kagawaran ng Pagsasaka MIMAROPA Corn Program ng Php 19.8 milyong halaga ng mga makinaryang pansaka sa walong corn clusters ng Occidental Mindoro, ika-19 ng Agosto.

Kabilang sa mga pinamahagi ay  tatlong (3) combine harvester, apat (4) na 90hp four wheel drive tractor  at isang (1) 75hp four wheel drive tractor. Layunin ng programa na patuloy na matulungan ang mga magsasaka ng mais na mapataas ang kita at mapababa ang gastos sa produksyon. Gayundin, ang patuloy na mapalakas ang mga corn clusters sa rehiyon.

Malugod itong tinanggap ng mga pinuno ng bawat clusters mula sa San Jose, Sablayan, Sta. Cruz, at Abra de Ilog sa ginanap na seremonya sa Mamburao Provincial Complex. 

Para kay G. Ronald F. Jimenez, Chairman ng Samahan ng Katutubong Magsasaka ng Monte Claro sa San Jose, katuparan ng pangarap ng kanilang samahan ang natanggap na traktora.

“Matagal na naming hinahangad ang makinarya na makakatulong sa aming sakahan. Ngayon, mas mapapadali na ang aming paghahanda at pagtatanim,” aniya.

Ibinahagi rin ni G. Ronald Advincula, Chairman ng Pandan Dike Farmers Agriculture Cooperative mula Sablayan, ang malaking ginhawang dulot ng combine harvester.

“Marami talagang magsasaka ang walang sariling kagamitan. Noon, ang ginagamit naming harvester ay galing pa sa Oriental Mindoro. Ngayon, mas sigurado at mabilis na ang aming pag-aani dahil may sarili na kaming magagamit,” paliwanag niya.

Sa kanyang mesahe, ipinahayag ni Regional Technical Director for Operations Vener L. Dilig ang hangarin ng ahensya na magdulot ng pangmatagalang benepisyo ang mga makinaryang ipinagkaloob.

“Ang hiling po namin, sana sa loob ng dalawa hanggang tatlong taon ay patuloy kayong makinabang at nawa’y ‘manganak’ ang mga makinarya para sa higit pang pag-unlad ng inyong kabuhayan,” ani RTD Dilig.

Samantala, sa pahayag naman ni Regional Executive Director Atty. Christopher Bañas, binigyan diin nito ang malaking kontribusyon ng lalawigan sa industriya ng mais sa buong rehiyon. 

“Ang Occidental Mindoro ang nag-iisang lalawigan sa MIMAROPA na nakaabot sa self-sufficiency level ng yellow corn sa MIMAROPA na mahigit 200% noong 2024, sila ang ating driving force sa produksyon. Nakikita ng ahensya ang kanilang pagsusumikap, kaya naman ipanagkaloob natin sa kanila ang mga makinarya na makakatulong upang mas mapalakas ang kanilang ani. Makakatulong ito sa food security ng rehiyon at ng bansa. Bawat pisong matitipid ng magsasaka ay dagdag puhunan sa pamilya, at sa bawat ektaryang maani ay dagdag seguridad para sa ekonomiya,” aniya. 

Dumalo sa nasabing aktibidad sina Governor Eduardo Gadiano, Agricultural Program Coordinating Officer Eddie Buen, Corn and Cassava Regional Focal Person Engr.  Franz Gerwen Cardano, Provincial Agriculture and Fishery Council Vice Chairman Fernando Tuscano, Provincial Agriculturist Engr. Alrizza Zubiri, at Ms. Saira Lara na kinatawan ni Congressman Leody "Odie" Tarriela.

Image

Republic of the Philippines

All content is in the public domain unless otherwise stated.

About GOVPH

Learn more about the Philippine government, its structure, how government works and the people behind it.