Sunod-sunod na sumailalim sa mga teknikal na pagsasanay ang mga samahang benepisyaryo ng Special Area for Agricultural Development (SAAD) Program Phase 2 sa bayan ng Balabac, Palawan. Layunin nito na palawakin ang kanilang kaalaman sa produksyon ng baka, kambing, baboy, at mga gulay.
Dalawampu’t apat na miyembro ng Rural Improvement Club Caguisan (RIC Caguisan) sa Brgy. Salang ang lumahok sa Specialized Training on Farm Biosecurity and Vaccination and Deworming para sa kanilang goat production project noong Abril 28.
Naging tagapagsanay si Prof. Edda Chryselle I. Ami, Research Coordinator ng Palawan State University (PSU) – Balabac Campus. Tinalakay niya ang kahalagahan ng farm biosecurity tulad ng pagkontrol sa pagpasok sa kulungan, paggamit ng foot bath, at pagpapanatili ng kalinisan upang maiwasan ang pagkalat ng mga sakit sa mga alagang hayop.
Tinuruan rin niya ang mga partisipante sa tamang pagbabakuna, deworming, at tamang Body Condition Scoring (BCS), isang praktikal na pamamaraan upang masukat kung kulang, sapat, o sobra ang timbang ng hayop upang mabigyan ito ng angkop na pangangalaga.
Samantala, sumailalim naman sa Specialized Training on Integrated Crop Management and Postharvest Practices in Lowland Vegetables ang mga miyembro ng Samahan ng Maralitang Magsasaka ng Sitio Caguisan, Brgy. Salang (SAMAMACA) noong Abril 29 para sa kanilang vegetable production project.
Binigyang-diin ni Prof. Ami ang wastong pagpili at paghahanda ng lupang taniman, pagsasagawa ng soil testing, at paggamit ng organikong pataba. Tinalakay rin niya ang pagpili ng de-kalidad na binhi, tamang pamamahala sa patubig at sustansya ng lupa, at Integrated Pest Management (IPM) upang mapabuti ang produksyon ng gulay.
Ipinaliwanag din niya ang kahalagahan ng wastong pag-aani, paglilinis, pag-iimbak, at packaging ng mga gulay upang mabawasan ang pagkasira ng produkto matapos anihin.
Bilang paghahanda naman sa swine production project, sumailalim sa Specialized Training on Swine Production, Raising, and Health Management ang mga miyembro ng CARDAMA Rural Improvement Club (CARDAMA RIC) noong Mayo 5.
Pinangunahan ni Dr. June Clyde B. Descallar, Veterinarian I ng Palawan Provincial Veterinary Office, ang pagsasanay. Itinuro niya ang tamang pagpili ng biik, wastong pagpapakain, pagbibigay ng bitamina at gamot, at pagpapanatili ng malinis na kulungan upang maiwasan ang pagkalat ng sakit.
Tinalakay rin niya ang wastong pag-aalaga sa mga buntis na inahin at pag-aasikaso sa mga biik upang maiwasan ang pagkamatay ng mga alagang baboy. Ipinaalala rin niya ang kahalagahan ng mahigpit na pagpapatupad ng biosecurity measures, regular na pagbabakuna, at deworming upang mapanatili ang maayos na produksyon.
Ika-6 ng Mayo naman nang sinanay rin ni Dr. Descallar ang mga miyembro ng Carwang Danglis Maubas Farmers Association (CARDAMA FA) sa cattle production. Binigyang-diin niya ang wastong pag-aalaga, pagpapakain, at pag-iwas sa sakit upang mapanatiling malusog ang mga baka.
Ipinaliwanag din ni Dr. Descallar ang kahalagahan ng paghihiwalay o pagka-quarantine sa mga may sakit na hayop upang maiwasan ang pagkalat ng impeksyon sa iba pang alaga.
Nagpaabot ng pasasalamat ang mga benepisyaryo sa pagtatapos ng bawat pagsasanay. Anila, bagama’t napakalayo ng Isla ng Balabac ay hindi nakakaligtaan ng SAAD Program na patuloy silang sanayin at i-angat ang kanilang kaalaman sa produksyon tungo sa pagpapalago ng kani-kanilang proyekto.
Sa kabuuan, nasa 66 na mga magsasaka ang nakinabang sa mga isinagawang pagsasanay sa ilalim ng Food Production and Livelihood Component ng SAAD Phase 2.
