Sa lugar kung saan nagtatagpo ang kultura, kasaysayan, kalikasan, at turismo, ang isla ng Banton ay lugar higit pa sa kung anong nakikita ng ating mga mata. Kilala ng ilan bilang “The Rock,” ang Banton ay tahanan ng mga Bantoanon – isang katutubong pangkat sa Pilipinas na pangunahing naninirahan sa pangkat ng mga isla ng Banton sa lalawigan ng Romblon.
Matatagpuan sa Banton ang Masikap Farmers Association, isa sa mga samahang benepisyaryo sa ilalim ng Department of Agriculture – Special Area for Agricultural Development (DA-SAAD) Program Phase 2.
Ang simula ng pangarap
Noong 2018, sa maliit na barangay ng Tan-Ag, na matatagpuan sa gitna ng isla ng Banton, nabuo ang isang samahan na pangunahing nakatuon sa produksyon ng “luway” na ginagamit nila sa paggawa ng walis tambo. Sa loob ng maraming taon, ang mga kasapi ay umaasa lamang sa isa’t isa at sa biyaya ng kalikasan. Sa kabila ng mahinang signal, kawalan ng mga luho, mall, o kahit pampublikong palengke—maliban sa mga maliit na talipapa sa gilid ng kalsada—ang Tan-Ag ay nananatiling isang payak ngunit matatag na komunidad.
Ito ay lugar na kadalasang nararating lamang sa pamamagitan ng habal-habal; maaari rin namang marating ng apat na gulong ngunit sa makitid na daan na tila isang totoong “Temple Run”. Sa kabila ng mga hamon, nananatiling matibay ang samahan ng mga residente at patuloy nilang pinangangalagaan ang mayamang kultura at tradisyon ng isla.
Sa Banton, ang pagsasaka ay nananatiling hamon para sa marami dahil sa likas na matarik at mabatong lupain.
Nagsimula ang kwento ng Masikap FA sa SAAD MIMAROPA noong 2024, nang sumailalim ang mga magsasaka sa Participatory Rural Appraisal (PRA), kung saan sila ay napagkalooban ng tulong sa Root Crops Production Support.
Sa 44 na aktibong kasapi na pawang mga katutubong Bantoanon, isinasabuhay ng Masikap Farmers Association hindi lamang ang kasipagan at dedikasyon ng mga magsasaka kundi pati ang makulay na kulturang sumasalamin sa kanilang pagkakakilanlan.
Ang pag-iisa ng kultura at kasaysayan
Bagaman nagsisimula pa lamang ang kanilang kwento sa aklat ng SAAD, patuloy pa rin nilang isinasagawa ang kabuhayang nag-ugat sa kanila—ang produksyon ng luway. Karamihan sa mga kasapi ay matatanda na, mga buhay na saksi sa kasaysayan ng Banton at tagapag-ingat ng mga kwentong katutubo. Sa kabila ng edad, hindi sila natinag sa pagsasaka upang matustusan ang pang-araw-araw na pangangailangan.
Habang lumalago ang bilang ng kasapi, ang samahan ay higit pa sa grupo—ito ay naging isang pamilya na pinagbubuklod ng pananampalataya at iisang mithiin: ang maging ganap na Community-Based Enterprise.
Para kay Normelinda Fabiala, pangulo ng asosasyon at isang Bantoanon, ang SAAD ay higit pa sa isang programa—ito ay pagkakataon at pintuan tungo sa mas maayos na buhay.
“Marako kag naibulig it SAAD sa amo, laloey sa pangkabuhian dahil ing taw-an kami it livelihood,”
[Malaki ang naitulong ng SAAD sa amin, lalo na sa aming kabuhayan, dahil binigyan kami nito ng hanapbuhay.]
Para sa mga naninirahan sa liblib na komunidad, ang ganitong mga interbensyon ay hindi lamang dagdag kabuhayan—ito ay pagkain sa kanilang mga hapag at pag-asang sumisiklab sa bawat araw.
“Ngasing ay inggay kami't mababay-an it mga tangkon nak puydeng pang-ilis sa bugas nak amo pa inabakay ag pangrugang sa amo pagkakakitaan.”
[Ngayon ay mayroon na kaming pinagkukunan ng mga root crops na puwedeng ipalit sa bigas na dati pa naming binibili, at pandagdag pa sa aming pinagkakakitaan.]
Pag-asang itinanim sa lupa
Noong Mayo, nagtanim ang asosasyon ng 314 na gabi (taro) at noong Hunyo ay nagsimula silang magtanim ng iba pang pananim tulad ng 2,447 tangkay ng kamoteng kahoy (cassava), 440 kamote, 8 kilo ng luya, 331 Singapore (lokal na uri ng root crop), 18 kilo ng apali, at 30 gramo ng munggo. Nitong Setyembre, nagtanim pa sila ng karagdagang 90 kamote. Inaasahan ang anihan sa unang kwarter ng 2026.
Para sa kanila, ang mga ito ay hindi lamang simpleng proyekto—ito ay pag-asang itinanim, na sana ay magbunga mula sa kanilang sama-samang pagsisikap.
“Kabay pa nak kami (samahan) ay permi yang nak magbinuligan, ingga't tiwala sa usat-usa agur magrugay kag amo samahan ag maparako kaling amo pangkabuhayan sa pangunguma.”
[Nawa’y lagi kaming magtulungan sa aming samahan, may tiwala sa isa’t isa, upang ito ay magtagal at lalo pang lumago ang aming kabuhayan sa pagsasaka.]
Sa patuloy na paggabay ng SAAD, habang patuloy silang nagtutulungan, ang mga binhing ito ng pag-asa ay hindi malalanta kundi patuloy na mamumunga sa paglipas ng panahon.
Bagaman sila ay mga maliliit na magsasaka lamang, ang kanilang kwento ay nagpapaalala sa atin na sa likod ng bawat pagsubok ay may mga taong may dalang aral na higit pa sa inaakala. Ang kanilang pawis, hirap, at bawat bakas ng putik sa kamay ay patunay ng katatagan, dedikasyon, at di-matitinag na pagnanais na magtagumpay, anuman ang sitwasyon.
Ang pangalan ng kanilang samahan “Masikap”, ay hindi lamang katawagan, kundi repleksyon ng kanilang pagkatao at diwa—isang paalala na walang imposible sa taong tunay na “MASIKAP.”
