Nagpahayag ng interes ang walong (8) institutional buyers sa sibuyas ng Mindoro sa isinagawang virtual market matching ng Department of Agriculture – Agribusiness and Marketing Assistance Service (DA-AMAS) at DA-MIMAROPA Agribusiness and Marketing Assistance Division (DA-AMAD) noong Marso 31, 2026.
Ayon sa mga mamimili, umaabot sa 5 hanggang 16 metriko tonelada kada buwan ang kinakailangang suplay ng pulang sibuyas—isang malaking oportunidad para sa mga magsasaka ng Mindoro na direktang makapasok sa institutional market.
Isa sa mga pangunahing napagkasunduan ay ang pagbibigay kapangyarihan sa mga kooperatiba at samahan ng magsasaka na magtakda ng farmgate (pickup) at delivery price, upang matiyak ang patas na presyo at mas mataas na kita. Target ang deliveries sa mga pangunahing merkado tulad ng Cavite at NCR, gamit ang Kadiwa trucks upang mapababa ang gastos sa transportasyon.
Lalong pinalakas ang market access ng mga magsasaka nang mangako ang New Las Piñas Market ng priority selling space, na magbibigay-daan sa direktang pagbebenta.
Bukod sa sibuyas, naging daan din ang pagpupulong para sa multi-commodity partnerships, kung saan nagpahayag ng interes ang ilang buyers sa iba pang produkto tulad ng bawang, bell pepper, luya, at calamansi.
Kabilang sa mga lumahok mula Mindoro ang Municipal Agriculture Offices ng Magsaysay, Sablayan, Paluan, at Bulalacao; Mindoro Progressive Multi-Purpose Cooperative; Occidental Mindoro Onion Industry Council; Caguray Irrigators and Farmers Agriculture Cooperative; New Maduron Country Farm Cooperative; SAGUTT Multi-Purpose Cooperative; Tamaraw Development Cooperative; Lourdes Multi-Purpose Cooperative; United As One Agriculture Cooperative; Maujao San Francisco Farmers Association; at Amnay Cabagan Irrigators and Farmers Cooperative.
Samantala, kabilang sa mga institutional buyers ang Walter Mart Supermarket, Robinsons Supermarket, Nutri-Asia, Vikings Group, Blue McKay Food Manufacturing, Agro-Digital PH, Bernabe Market, at New Las Piñas Market, bukod sa iba pa.
Ayon kay Rustom N. Gonzaga, Market Specialist III ng DA-AMAD MIMAROPA, “Layunin ng inisyatibang ito na direktang maiugnay ang ating mga magsasaka sa merkado—hindi lamang upang matugunan ang kasalukuyang suplay, kundi upang makabuo ng pangmatagalang at kumikitang ugnayan.”
Samantala, tiniyak ni DA-MIMAROPA Regional Executive Director Atty. Christopher R. Bañas ang patuloy at pinalakas na suporta ng ahensya sa mga magsasaka ng rehiyon.
“Hindi nagtatapos sa pag-uugnay ang ating tungkulin. Tinitiyak ng aming ahensya na magtutuluy-tuloy ang paggabay sa mga samahan at kooperatiba upang maisakatuparan ang mga napagkasunduan at maging matagumpay ang bawat transaksyon para sa tunay na pakinabang ng ating mga magsasaka,” aniya.
Nilinaw ng DA-AMAS at DA-AMAD na ang mga nabanggit na demand ay indikasyon pa lamang ng interes ng mga mamimili at sasailalim pa sa pinal na kasunduan sa pagitan ng mga magsasaka at institutional buyers. Patuloy pang inaayos ang mga detalye sa volume, presyo, at iskedyul ng deliveries.
