News and Events

Mahigit Php 500K na interbensyon, ipinagkaloob ng SAAD Program sa 4 na samahan sa Isla ng Sibale

Mahigit Php 500K na interbensyon, ipinagkaloob ng SAAD Program sa 4 na samahan sa Isla ng Sibale

Iba’t ibang interbensyon na nagkakahalaga ng Php 587,555.00 ang ipinagkaloob ng Special Area for Agricultural Development (SAAD) Program Phase 2 sa apat (4) na samahan sa Concepcion, Romblon noong Setyembre 12.

Kabilang sa mga benepisyaryong asosasyon ang Samahang Manggagawa ng Sampong (SAMASA), Kaagapay Organization, LETS Farmers Association, at Tabok Farmers Organization. Kinapapalooban ang mga natanggap nilang interbensyon ng mga farm tools, plastic drums, gamit sa pagmamanukan, mga pananim, at iba pa.

Pinangunahan ang pormal na pamamahagi ni DA-SAAD MIMAROPA Community Development Officer II Relan S. Sabac, at dinaluhan nina Vice Mayor Limwel F. Cipriano, kinatawan ni Mayor Nicon F. Fameronag, at Agricultural Technologist Chino Earl Mercado, na dumalo para kay OIC-Municipal Agriculture Officer Joseph Eric F. Fano.

Sa kanyang mensahe, ipinaalala ni Vice Mayor Cipriano sa mga benepisyaryo na pahalagahan at pagyamanin ang mga proyektong ipinagkaloob ng Department of Agriculture upang matamo ang layunin ng programa at makamit ng kanilang bayan ang kasapatan sa pagkain.

“Wag natin sayangin itong special effort nila para sa ating lugar. Patunayan nating mga taga-Sibale na kaya nating maabot ang layunin, ang inaasahan ng Department of Agriculture para sa ating bayan, at unti-unting makamit ang food sufficiency,” aniya.

Nagpahayag naman ng pasasalamat si Gng. Quiarra M. Fabroa, pangulo ng Kaagapay Organization, sa ngalan ng mga magsasaka:

“Malugod po naming tinatanggap ang mga gamit at proyektong pangkabuhayan na inyong ipinagkatiwala sa amin. Ipinapangako po naming aalagaan, palalaguin, iingatan, at sisikaping mapaunlad ang mga programang ito. Maraming salamat po.”

Sa kasalukuyan, nagpapatakbo ang mga samahan ng iba’t ibang proyekto gaya ng goat production, RTL chicken (egg) production, root crops, at fruit trees production. Dalawang asosasyon pa ang nakatakdang makatanggap ng broiler at free-range chicken production projects ngsyong 2025.

Image

Republic of the Philippines

All content is in the public domain unless otherwise stated.

About GOVPH

Learn more about the Philippine government, its structure, how government works and the people behind it.