News and Events

Mahigit P3.4M na halaga ng interbensyon, ipinagkaloob ng SAAD Program sa 11 samahan ng magsasaka sa Romblon

Mahigit P3.4M na halaga ng interbensyon, ipinagkaloob ng SAAD Program sa 11 samahan ng magsasaka sa Romblon

Labing-isang samahan ng mga magsasaka sa Romblon ang nakatanggap ng iba’t ibang suportang pangkabuhayan na nagkakahalaga ng Php 3,445,851.40 mula sa Special Area for Agricultural Development (SAAD) Program Phase 2.

Ipinamahagi ang mga interbensyon sa pamamagitan ng serye ng turnover ceremonies na ginanap kamakailan sa pangunguna ng DA-SAAD MIMAROPA.

Kasama sa ipinagkaloob ang mga binhi ng gulay, grass cutter, knapsack sprayer, hose, at iba pang gamit na kailangan sa pagtatanim ng mga gulay, mais, at mani. Kabilang sa mga naturang samahan ang apat na bagong asosasyon sa ilalim ng 2025 expansion ng SAAD sa MIMAROPA: ang Pagsangahan Farmers Association sa Calatrava, Samahan ng mga Magsasaka ng Sitio Cahayagan sa Alcantara, San Isidro Farmers Association sa Sta. Maria at PAWIKAN “Pangalagaan, Wastohin, Paggamit ng Kalikasan” sa Banton.

Nakatanggap rin ng suporta ang mga vegetable growers na kasapi ng Tubigon Vegetable Growers Association sa Ferrol, Matis-Anon Farmers Association at Doña Trinidad Farmers Association sa San Andres, at Jolyns Vegetables and Fruits Association sa San Jose.

Maliban sa mga nabanggit, pinagkalooban rin ng karagdagang interbensyon ang San Isidro Livestock and Poultry Producers Association sa Alcantara para sa kanilang free-range chicken at gulayan, Linao Vegetable and Crop Growers Association sa Calatrava para sa gulayan at egg production project, at ang Suong Farmers Association mula rin sa Alcantara bilang suporta naman sa produksyon ng mais at mani.

Nagpaabot ng pasasalamat ang mga magsasaka sa suportang patuloy na ibinibigay ng SAAD Program sa kanila. “Nagpapasalamat po kami sa mga interventions na natanggap namin. Dati po kasi ay medyo hirap kami na bumili ng mga ganitong kagamitan pero ngayon talaga ay nasa amin na. Asahan po ninyo na palalaguin po namin itong aming proyekto kahit matapos ‘yong 2028,” ani Peldrin Visca, presidente ng Tubigon Vegetable Growers Association.

Ipinaalala naman ni Engr. Maiden Marie M. Segui, Food Production and Livelihood Unit Lead ng DA-SAAD MIMAROPA, ang tunay na layunin ng programa na tulungan at palakasin ang kabuhayan ng mga benepisyaryo nito. “Ang goal ng SAAD ay matulungan kayo na palakasin, pataasin natin ‘yong produksyon ng pagkain na gagamitin ninyo sa pang-araw-araw na pagkonsumo. Nandito lang kami, katuwang, kasama, at kaagapay ninyo para makamit natin ang maunlad na buhay,” aniya.

Sinaksihan ang turnover ng mga kagamitan at input ng mga opisyales ng lokal na pamahalaan, Municipal Agriculture Office, at mga kinatawan ng Pamahalaang Panlalawigan sa pangunguna ng mga kinatawan ni Gov. Trina F. Fabic na sina Dr. Arnulfo De Luna at G. Jun Fiedacan, kasama si OIC–Provincial Agriculturist Relly F. Diokno.

Image

Republic of the Philippines

All content is in the public domain unless otherwise stated.

About GOVPH

Learn more about the Philippine government, its structure, how government works and the people behind it.