News and Events

Higit ₱15.4-M Bayad-Pinsala, ipinamahagi ng DA MIMAROPA sa mga hog raisers na naapektuhan ng ASF sa Occidental Mindoro, Oriental Mindoro, at Marinduque
Bakas ang ngiti sa mukha ng isa sa mga benepisyaryo mula sa lalawigan ng Marinduque habang tinatanggap at binibilang ang kanyang ASF Indemnification cash assistance.

Higit ₱15.4-M Bayad-Pinsala, ipinamahagi ng DA MIMAROPA sa mga hog raisers na naapektuhan ng ASF sa Occidental Mindoro, Oriental Mindoro, at Marinduque

Bilang bahagi ng patuloy na suporta sa sektor ng agrikultura, matagumpay na naipamahagi ang kabuuang halaga na na Php15,472,000.00 bilang African Swine Fever (ASF) Indemnification para sa mga hog raisers sa mga lalawigan ng Occidental Mindoro, Oriental Mindoro, at Marinduque ngayong Enero 2026.

Ang naturang pondo sa ilalim ng Quick Response Fund (QRF) ay ang direktang tulong pinansyal para sa mga magbababoy na nawalan ng kabuhayan dahil sa kinailangang pag-depopulate o pagpatay sa mga alaga nilang baboy na tinamaan ng sakit.

Sa lalawigan ng Occidental Mindoro, may kabuuang 87 na magbababoy ang tumanggap ng Php4,580,000.00 na nagmula sa mga bayan ng Abra de Ilog, Paluan, Calintaan, Sablayan, San Jose, at Looc. Umabot naman sa Php6,472,000.00 na halaga ang naipamahagi sa 84 na hog raisers para taga-Bulalacao, Roxas, Bongabong, Gloria, Pinamalayan, at Victoria sa Oriental Mindoro habang 210 benepisyaryo naman sa Boac, Torrijos, at Sta. Cruz, Marinduque ang tumanggap ng kabuuang Php4,420,000.00.

Ayon kay Regional Executive Director Atty. Christopher R. Bañas, ang pamamahaging ito ay patunay ng pagtupad ng ahensya sa pangako nitong suportahan ang mga hog raisers na naapektuhan ng African Swine Fever (ASF).

“Ang pamamahagi ng indemnification fund na ito ay patunay na hindi pinababayaan ng ahensya ang ating mga hog raisers upang maibsan ang bigat ng kanilang dinaranas dahil sa ASF,” paliwanag niya.

Hinikayat din niya ang iba pang ahensya na makipagtulungan upang higit pang mapaigting ang proteksyon sa industriya ng pagbababoy.

“Hinihikayat namin ang lahat na maging katuwang ng pamahalaan sa pagbabantay at maagap na pag-uulat ng mga kaso upang tuluyan nating maprotektahan ang industriya ng pagbababoy sa MIMAROPA,” dagdag niya.

Samantala, nagpaabot naman ng pasasalamat ang mga benepisyaryo mula sa iba’t ibang lalawigan sa tulong na kanilang natanggap.

“Ako po ay nagpapasalamat sa DA MIMAROPA sa pagbibigay ng tulong pinansyal sa amin na namatayan ng baboy. Maraming salamat din po sa mabilis na serbisyo na ipinagkaloob nyo sa aming mga benepisyaryo,” pahayag ni Annabelle Peñaflor ng Torrijos, Marinduque.

Ayon naman kay Lorenz Soria ng Sablayan, Occidental Mindoro, “Masaya po ako sa ibinigay ng DA. Unang-una nagpapasalamat ako sa kanila sa perang ibinigay sa akin na gagamitin kong muli sa panimula ng aking itatayong negosyo.”

Sinegundahan naman ito ni Michael Larga mula sa Gloria, Oriental Mindoro. Aniya, “Ako po ay natutuwa sapagkat nabigyan kami ng assistance para doon sa mga nagkasakit naming baboy. Nagpapasalamat po kami sa DA dahil nabigyan kami ng pansin sa ganitong paraan.”

Layunin ng programa na bigyan ng pagkakataon ang mga magsasaka na makabangon mula sa pagkalugi at muling pasiglahin ang lokal na industriya ng pagbabababoy, hikayatin ang mga hog raisers na agad iulat ang anumang kaso ng sakit sa kanilang lugar at sumunod sa mga itinakdang disease control measures.

Sa pamamagitan ng mahigpit na koordinasyon sa mga Lokal na Pamahalaan (LGU) at mga kaukulang tanggapan, tiniyak ng DA MIMAROPA na ang bawat cash assistance ay naibigay sa mga kwalipikadong indibidwal.

Image

Republic of the Philippines

All content is in the public domain unless otherwise stated.

About GOVPH

Learn more about the Philippine government, its structure, how government works and the people behind it.