News and Events

Drone Technology at Regenerative Farming, Ipinatupad sa 250 Ektaryang Palayan sa Rizal, Occidental Mindoro

Drone Technology at Regenerative Farming, Ipinatupad sa 250 Ektaryang Palayan sa Rizal, Occidental Mindoro

Matagumpay na ipinatupad ng Department of Agriculture–MIMAROPA ang paggamit ng drone technology at regenerative farming system sa 250 ektaryang clustered o pinagsama-samang palayan sa Rizal, Occidental Mindoro.

Isinagawa ang Field Day ng Rice Program sa Barangay Adela bilang bahagi ng patuloy na modernisasyon ng sektor ng agrikultura, kung saan ipinakita ang episyenteng paraan ng pagtatanim gamit ang agricultural drones, bentahe ng clustering, at ang kahalagahan ng pagpapanatili ng kalusugan ng lupa sa pamamagitan ng regenerative farming.

Sa kasalukuyan, umabot na sa 100 ektarya ang nataniman ng hybrid rice seeds sa Barangay Rumbang sa ilalim ng Cluster Malabnig Irrigators Association, habang sumasaklaw naman sa 150 ektarya ang Adela Cluster. Sa kabuuang 250 ektarya na sakahan na sumailalim sa drone seeding, tinatayang nasa 40% na ang kasalukuyang naaani. 

Ang estratehiyang ito ng farm clustering ay naging susi upang mas maging organisado at mabilis ang pagpapatupad ng mga makabagong interbensyon. Sa pamamagitan ng pagsasama-sama ng mga lupain, mas madaling naihatid ang mga serbisyo at teknolohiya sa mga magsasaka nang bultuhan, na nagresulta sa mas mababang gastos sa operasyon at mas mataas na antas ng produksyon para sa buong komunidad.

Ayon kay Michael Maloles mula sa Brgy. Rumbang, Rizal, Occidental Mindoro malaki ang tinipid niya sa pamamagitan ng drone seeding. 

“Dati sa manual naming pagsasabog tanim, gumagamit kami ng 30 to 45 kls ng hybrid seeds at sa binigay na programa ng DA sa drone seeding, gumamit lang kami ng 18 kls ng hybrid seeds sa isang ektarya. Dito, napatunayan ko at namin na sapat na yun na umani kami ng maganda. Gayundin sa regenerative products na ibinigay sa amin, ay nakakatipid kaming mga magsasaka,” aniya. 

Gayundin ang naging pasasalamat ni Nikko Clemente mula sa barangay ng Adela, na nakatanggap ng interbensyon mula sa DA-MIMAROPA Rice Program. 

“Malaki po ang aming pasasalamat sa DA MIMAROPA dahil halos 45% ng aming actual na input ay ipinagkaloob ng gobyerno. Mula sa limang tonelada kada anihan, umakyat po sa siyam hanggang sampu tonelada kada ektarya ang aming naaani gamit ang hybrid seeds,” kanyan pagbabahagi. 

Sa pamamagitan ng makabagong drone technology at mga sustenableng paraan ng pagsasaka, layunin ng programa na itaas ang antas ng produksyon at mas mapalaki ang kita ng mga lokal na magsasaka sa lalawigan. 

Binigyang-diin ang kahalagahan ng kolaborasyon kasama ang mga katuwang na New Hope Corporation para sa drone technology at ang Agri-Victorious Trading Corp. na nagsisilbing supplier ng mga regenerative products.

Ang mahalagang aktibidad na ito ay dinaluhan nina Dr. Frisco Malabanan, National Rice Technical Consultant, DA MIMAROPA OIC-Regional Technical Director for Operations Emerson Yago, Occidental Mindoro Agricultural Program Coordinating Officer Eddie Buen, Regional Rice Focal Person Ronald Degala, at Provincial Agriculturist Alrizza Zubiri. Nakiisa rin sa programa si Ms. Mary Grace Dumlao, ang kinatawan mula sa tanggapan ni Senator Kiko Pangilinan, kasama ang mga opisyales mula sa LGU Rizal.

Image

Republic of the Philippines

All content is in the public domain unless otherwise stated.

About GOVPH

Learn more about the Philippine government, its structure, how government works and the people behind it.