Upang matiyak na nananatiling angkop ang mga interbensyon at makakalap ng datos para sa posibleng pagpapatupad ng karagdagang proyekto, nagsagawa ang Department of Agriculture – Special Area for Agricultural Development (DA-SAAD) MIMAROPA ng Strengths, Weaknesses, Opportunities, and Threats (SWOT) Analysis sa limang (5) samahan ng magsasaka sa Romblon mula Hulyo hanggang Agosto.
Nasa ilalim ng social preparation component ng programa at bahagi ng Participatory Rural Appraisal (PRA) tool, isinagawa ang SWOT Analysis sa dalawang (2) asosasyon sa San Andres, dalawang (2) asosasyon sa Banton, at isa (1) sa Ferrol. Layunin nitong muling suriin ang pangangailangan at prayoridad sa produksyon ng bawat samahan.
Pinangunahan ni Jea Anne G. Yase, Social Preparation and Program Management (SPPM) Unit Lead, kasama si Engr. Krystal Mae G. Lubos, Marketing Assistance and Enterprise Development (MAED) Unit Lead, at ng nakatalagang Community Development Officer sa bawat munisipalidad, ang mga talakayan. Nangalap ang grupo ng mga datos hinggil sa kasalukuyang kalagayan ng kanilang pinagkakakitaan, prayoridad na proyektong pangkabuhayan, estado ng merkado, at mga hamon sa produksyon.
Ayon kay Yase, “Isinasagawa po natin ito upang masiguro na ang mga proyekto at interventions na naibigay at ibibigay pa ng SAAD ay angkop pa rin sa inyong pangangailangan. Ang mga data na nakalap po namin ay magsisilbing batayan sakaling magkaroon po tayo ng pagkakataon para sa project integration.”
Batay sa inisyal na resulta, mataas ang interes ng mga magsasaka sa mga proyektong may kinalaman sa pagmamanukan at paghahayupan. Ipinaalala rin ni Yase na ang karagdagang proyekto ay may kaakibat na dagdag na responsibilidad, bagay na handang gampanan ng mga kasapi para sa tagumpay ng kanilang samahan.
Isusumite ang resulta ng SWOT Analysis sa Food Production and Livelihood (FPL) at Marketing Assistance and Enterprise Development (MAED) sub-units upang masusing pag-aralan ang potensyal ng mga iminungkahing proyekto para sa integrasyon at dagdag na mapagkakakitaan ng mga asosasyon.
