Idinaos ng Department of Agriculture – Special Area for Agricultural Development (DA-SAAD) MIMAROPA ang Regional Units Assessment noong Setyembre 30 hanggang Oktubre 3, 2025.
Layunin ng aktibidad na talakayin ang mga accomplishments, updates, at kinaharap na hamon ng bawat unit ng tanggapan, kabilang ang Information Technology and Database Development (IDD), Public Relations and Development Communication (PRDC), Social Preparation and Program Management (SPPM), Food Production and Livelihood (FPL), Marketing Assistance and Enterprise Development (MAED), at Administrative and Procurement Unit.
Tinalakay rin ang mga suliraning naranasan sa pagpapatupad ng mga aktibidad at proyekto at ang mga hakbang na isinagawa upang mapagtagumpayan ang mga ito.
Pinangunahan ni Regional Lead Marissa D. Vargas ang nasabing assessment na dinaluhan ng mga kawani ng DA - SAAD MIMAROPA, habang naging panauhing tagapagsalita si Regional Program Advisory Committee (RPAC) member at Institutional Development Section (IDU) Chief Marieta Alvis-Setias.
Sa ngalan ni Regional Director Christopher R. Bañas, ipinaabot ni IDU Chief Setias ang pagbati sa buong SAAD MIMAROPA at ipinaalala ang kahalagahan ng tuloy-tuloy na pakikipag-ugnayan at suporta sa mga benepisyaryo upang magkatuwang na makamit ang layuning iangat ang kanilang kabuhayan.
“Kapag medyo nakakatulog ‘yong ating coordination sa mga farmers, natutulog rin sila. Pero kapag kayo ay nandyan palagi [ay] mararamdaman nila ang presensya ninyo. Mahihila ninyo silang umangat, na umasenso at kapag umasenso sila, that’s the best accomplishment na makukuha ninyo sa ating ginagawa,” aniya.
Sa mensahe naman ni Regional Lead Vargas, pinasalamatan niya ang mga kawani ng programa sa mahusay na pagtupad sa kani-kanilang tungkulin. Hinikayat rin niya ang bawat isa na sikaping patuloy na paunlarin ang kakahayang gampanan ang kanilang mga gawain.“Sana pagtuunan natin kung paano natin mas mapapabuti ang ating trabaho sa mga susunod na buwan at taon. Sikapin nating matuto mula sa good practices ng ating mga kasama,” saad ni Vargas.
Bukod sa pagtalakay ng mga accomplishments, naging pagkakataon din ang pagpupulong upang pag-usapan ang mga hamong kinakaharap ng mga Community Development Officers (CDOs) sa pagpapatupad ng mga proyekto sa ilalim ng SAAD Program Phase 2.
Samantala, kabilang rin sa mga tinalakay ang mga isyu sa procurement at obligation tulad ng mga kailangang dokumento para sa agarang pagbabayad sa mga supplier, paggawa ng Monitoring and Evaluation (M&E) reports, members profiling at RSBSA verification; MAED concerns; at mga usaping may kinalaman sa organizational management ng mga asosasyon.
Sa pagtatapos ng pagpupulong, binigyang diin ni Regional Lead Vargas ang kahalagahan ng patuloy na pagtatrabaho nang may iisang layunin — ang makatulong sa pag-angat ng kabuhayan ng mga benepisyaryong magsasaka ng SAAD Program sa MIMAROPA.
