Mahigit na Php 1.7M halaga ng fuel assistance card ang ipinamahagi ng Department of Agriculture MIMAROPA Region sa ilalim ng Fuel Assistance to Farmers Project sa mga magsasaka sa Calintaan at Sta. Cruz, Occidental Mindoro noong Agosto 19 at 20, 2025.
Aabot sa 590 na mga magsasaka ang nakatanggap ng fuel assistance card na magagamit sa mga accredited fuel stations: 216 sa Calintaan at 374 na magsasaka naman sa Sta. Cruz. Ang fuel assistance card ay naglalaman ng Php 3,000 na maaari nilang gamitin sa pagbili ng krudo upang magamit sa kanilang pagsasaka.
Hinikayat ni Corn Regional Coordinator Franz Gerwen Cardano ang mga magsasaka na tiyakin ang tamang paggamit nito.
"Kahit kakaunti po ang halaga ng ayuda at least makabawas po ito sa inyong gastusin dahil medyo mataas po ang presyo ng krudo natin sa ngayon," sabi niya.
Lubos naman ang pasasalamat ni G. Samuel P. Castillo, Chairman ng Tribung Alangaan Ulanguan Farmers Association sa natanggap na ayuda. Ayon sa kanya, “malaking kabawasan ito sa aming gastos, at ang ipambibili namin ng krudo ay ilalaan na lamang namin para sa iba pang gustusin sa sakahan at sa aming mga anak.”
Ang pamimigay ng fuel assistance card ay naging matagumpay sa tulong na rin ng Municipal Agriculture Office ng dalawang bayan. Layunin ng programa na maibsan ang epekto ng patuloy na pagtaas ng presyo ng petrolyo na ginagamit sa makinarya at produksyon ng mga magsasaka sa rehiyon.
