News and Events

CDOs ng MIMAROPA, hinasa bilang epektibong evaluators sa isinagawang SocPrep rollout ng SAAD NPMO

CDOs ng MIMAROPA, hinasa bilang epektibong evaluators sa isinagawang SocPrep rollout ng SAAD NPMO

Idinaos ng Department of Agriculture – Special Area for Agricultural Development (DA-SAAD) Program Phase 2 ang tatlong araw na Social Preparation (SocPrep) Rollout para sa MIMAROPA Region, ika-7 hanggang ika-9 ng Oktubre, 2025, sa Odiongan, Romblon.

Dumalo sa aktibidad ang 25 kawani ng DA-SAAD MIMAROPA, kabilang ang 12 Community Development Officers (CDOs) mula sa 12 munisipalidad na sakop ng programa sa rehiyon.

Pinangunahan ang gawain ni Abigail Dela Cruz, Social Preparation and Program Management (SPPM) Sub-unit Lead mula sa SAAD National Program Management Office (NPMO), kasama sina Jacquelyn Rebusit, Meljun Florece, at Faith Paulmanal, mga Associate Project Officers mula rin sa SAAD NPMO.

Layunin ng rollout na mapalalim ang kaalaman ng mga CDOs sa mga alituntunin at estratehiya ng social preparation, upang matiyak ang maayos na pagpapatupad ng mga aktibidad sa mga komunidad.

 Tinalakay  sa unang araw ng naturang rollout activity ang Social Preparation Guidelines, Participatory Rural Appraisal (PRA), at Social Preparation Forms. Sinundan ito ng on-site visit sa Concepcion Norte Farmers and Fisherfolks Association sa Brgy. Concepcion Norte, Santa Maria, Romblon, kung saan nagsagawa ng Focus Group Discussion (FGD) at Key Informant Interview (KII) ang mga CDOs.

Sa mga panayam, natukoy nila ang kasalukuyang kalagayan at mga hamon ng asosasyon, gayundin ang mga posibleng solusyon para mapatatag ang kanilang samahan. Layunin din ng aktibidad na palakasin ang kasanayan ng mga CDOs sa pakikipanayam at pag-aanalisa ng sitwasyon ng mga benepisyaryo, partikular sa aspeto ng pamamahala ng samahan, produksyon, pagbebenta, at pagpapatatag ng community-based enterprises (CBEs).

Binigyang-diin ni Dela Cruz na mahalagang maging epektibong evaluators ang mga CDOs, bukod sa pagiging tagapagpatupad ng mga proyekto, upang matukoy ang ugat ng mga isyung kinakaharap ng mga asosasyon at ang mga naaangkop na solusyon.

“Kailangan ninyo ring malaman at maituro sa inyo kung papaano ninyo gagawin ‘yong evaluation.  Hindi lang kayo AC [area coordinator], evaluator rin kayo,” ani Dela Cruz.

Dagdag pa niya, “Kailangang magkaroon tayo ng mas malalim na pag-unawa sa social preparation activities na ating ginagawa at sa proseso ng SPPM Sub-cluster Social Preparation Assessment.”

Nagtapos ang aktibidad sa pagproseso at pagtatasa ng mga datos mula sa ginawang on-site evaluation. Ibinahagi ng mga CDOs ang kanilang mga obserbasyon sa asosasyon, na ginamit bilang batayan sa pagsusuri ng kanilang kasalukuyang estado bilang mga benepisyaryo ng SAAD Program.

Sa kanyang pagtatapos na mensahe, ipinaalala ni SPPM Sub-unit Lead Dela Cruz ang kahalagahan ng tapat at regular na pag-uulat ng mga sitwasyon ng asosasyon at ang pagbabahagi ng mga isyu sa iba tulad ng kapwa CDOs, RPMSO, APCO, at kahit sa NPMO upang makahanap ng epektibong solusyon.

“Ugaliing mag-report ng real situation ng associations ninyo. Huwag niyong solohin ang sitwasyon, makipag-ugnayan sa inyong mga kasamahan dahil kailangan natin ang opinyon ng iba,” paalala niya.

Samantala, ayon sa mga CDOs, naging malaking tulong sa pagpapaunlad ng kanilang kakayahan bilang SAAD implementers ang isinagawang rollout. Higit anilang naunawaan ang mga mahahalagang aspeto sa paggampan ng kanilang trabaho pagdating sa komunidad.

“Bilang isang Community Development Officer, na-realize ko na kailangan naming taglayin ang katangian ng pagiging mahusay na evaluators. Dito namin makikita at malalaman ang totoong sitwasyon ng mga samahan, kasama ang kanilang mga problema na kailangan nating tugunan,” saad ni Von Carlo Viceno, CDO ng bayan ng Santa. Maria. 

Dumalo rin sa aktibidad sina DA-SAAD MIMAROPA Regional Lead Marissa D. Vargas, DA MIMAROPA Institutional Development Unit Chief Marieta Alvis-Setias, at Romblon Agricultural Program Coordinating Officer Engr. Analiza A. Escarilla.

Ang MIMAROPA ang ika-13 rehiyon na sumailalim sa Social Preparation Rollout ng SAAD Program Phase 2.

Image

Republic of the Philippines

All content is in the public domain unless otherwise stated.

About GOVPH

Learn more about the Philippine government, its structure, how government works and the people behind it.