News and Events

Cattle Production Project, pormal na itinurn-over sa SAMMAGRICO
Pormal na iginawad ng DA-MIMAROPA ang mga baka at sertipiko sa mga miyembro ng Samahan ng Manggagawang Mindoreño Agriculture Cooperative (SAMMAGRICO) sa San Jose, Occidental Mindoro, bilang bahagi ng LEED Program.

Cattle Production Project, pormal na itinurn-over sa SAMMAGRICO

SAN JOSE, Occidental Mindoro – Upang palakasin ang sektor ng pagbabaka at itaas ang antas ng pamumuhay ng mga lokal na magsasaka, pormal na ipinagkaloob ng Department of Agriculture (DA) – MIMAROPA ang 21 baka sa Samahan ng Manggagawang Mindoreño Agriculture Cooperative (SAMMAGRICO).


Ang naturang interbensyon ay bahagi ng Livestock Economic Enterprise Development (LEED) Program, na isinagawa sa pamamagitan ng fund transfer sa ilalim ng Livestock Program ng kagawaran.


Layunin ng programang ito na gawing maunlad na negosyo ang paghahayupan sa sektor ng agrikultura sa pamamagitan ng pagtatatag ng mga community-based enterprises. Sa halip na tradisyunal na pag-aalaga lamang, tinutulungan nito ang mga kooperatiba na magkaroon ng sapat na kakayahan sa produksyon at marketing upang maging pangmatagalan at matatag na mapagkukunan ng kabuhayan ang sektor ng livestock.


Pinangunahan nina Occidental Mindoro Agricultural Program Coordinating Officer Eddie Buen at Livestock Coordinator Arman Melendrez ang turnover ceremony, kasama ang mga kinatawan mula sa Municipal Agriculture Office.


Masayang tinanggap ni SAMMAGRICO Chairman Gerrywin Oquindo ang mga hayop para sa kanilang cattle production. Ayon sa kanya, malaking tulong ito para sa kanilang mga miyembro upang magkaroon ng karagdagang pagkakakitaan.


“Lubos po kaming nagpapasalamat sa programang ibinababa sa amin ng Department of Agriculture para sa cattle production. Ito po ay malaking tulong sa aming mga miyembro sa pagpaparami ng baka at dagdag-kita sa katulad naming magsasaka,” pahayag ni Chairman Oquindo.


Nagpahayag din ng pasasalamat si April Anne Nandin, Treasurer ng SAMMAGRICO. Binigyang-diin niya ang mithiin ng kooperatiba na matiyak na ang lahat ng miyembro ay makikinabang sa proyekto sa oras na dumami na ang mga hayop.


“Maraming-maraming salamat po sa proyektong ibinigay ng DA sa amin. Asahan po ninyo na ito ay aming mapapalago, at target namin na bawat miyembro ng kooperatiba ay mabigyan at makabahagi sa biyayang ito,” aniya.

Image

Republic of the Philippines

All content is in the public domain unless otherwise stated.

About GOVPH

Learn more about the Philippine government, its structure, how government works and the people behind it.