Sa layuning higit pang palakasin ang produksyon ng broiler na manok sa lalawigan ng Romblon, iba’t ibang suporta na nagkakahalaga ng mahigit Php 570,000 ang ipinagkaloob ng Special Area for Agricultural Development (SAAD) Program Phase 2 sa tatlong (3) samahan ng magsasaka sa Alcantara at Sta. Maria kamakailan.
Kabilang sa mga benepisyaryong samahan ang Paroyhog Farmers and Fisherfolks Association sa Brgy. Paroyhog, Sta. Maria at ang Kadalag-An Farmers Association sa Brgy. Madalag, Alcantara. Nakapaloob sa mga natanggap nila ang mga sisiw, patuka, at mga kagamitan sa kulungan ng manok tulad ng poultry nets, disinfectants, cyclone wires at iba pa. Tumanggap rin sila ng mga plastic crates, plucker machine at mga kitchen utensils para naman sa processing.
Maliban sa kanila, binigyan din ng karagdagang suporta ang Alcantara Livestock and Poultry Producers Marketing Association (ALPPAMA) sa Brgy. Tugdan, Alcantara, unang samahan sa MIMAROPA na nakatanggap ng Broiler Production Project sa ilalim ng SAAD Phase 2.
Pinasalamatan ng mga benepisyaryo ang SAAD Program sa mga natanggap nilang tulong. “Wala talaga kaming pondo, pero sabi ko sa mga kasapi, huwag nating sayangin ang ibinibigay ng gobyerno. Nakasalalay dito ang ating pamilya at kinabukasan, kaya dapat pagyamanin natin ito,” mensahe ni Evan Teodoso, presidente ng Kadalag-An Farmers Association.
Pinangunahan ang turnover ng mga interbensyon ng mga kawani ng DA-SAAD MIMAROPA na sina Engr. Maiden Marie M. Segui, Food Production and Livelihood (FPL) Unit Lead, Jhonzell Panganiban, Associate Project Officer I, at mga Community Development Officers na sina Ian Yadao, Engr. Ian Gabo, at Von Carlo Viceno.
Dumalo rin sa aktibidad ang ilang lokal na opisyales gaya ni Mayor Lorilie M. Fabon ng Sta. Maria, mga konsehales na nangunguna sa komite ng agrikultura ng Sangguniang Bayan, Municipal Agriculturists at mga kinatawan ng Pamahalaang Panlalawigan ng Romblon.
