Bilang suporta sa pagpapaunlad ng kabuhayan ng mga magsasaka sa pamamagitan ng alternatibong hanapbuhay, nagkaloob ang lokal na pamahalaan ng bayan ng Alcantara, Romblon ng Php 50,000 halaga ng ayuda sa walong (8) samahan ng magsasaka na nasa ilalim ng Department of Agriculture–Special Area for Agricultural Development (DA-SAAD) Program sa naturang bayan. Idinaos ang turnover at ceremonial awarding noong Setyembre 8 sa Solidum Hall, Alcantara.
Pitong samahan ang nakatanggap ng fuel subsidy na may kabuuang halaga na Php 47,000. Kinabibilangan ito ng Suong Farmers Association, Calagonsao Corn Growers Association, Bonlao Corn Growers Association, Camili Vegetable Growers Association, San Isidro Poultry and Livestock Producers Association, Camili Corn Growers Association, at Samahan ng mga Magsasaka ng Sitio Cahayagan..
Samantala, tumanggap ang Poblacion Poultry and Livestock Association ng poultry feeders at waterers para sa kanilang manukan.
Layunin ng lokal na pamahalaan ng Alcantara na makatulong at magbigay ng suporta sa mga nasabing asosasyon, na nasa ilalim ng SAAD Program, para sa higit pang ikauunlad ng sektor ng agrikultura sa kanilang bayan.
“Ito na po yung paraan namin bilang nasa LGU, lalo na sa amin [SB Members], kay Mayora. Ito po’y tulong ng LGU na ibinigay sa inyo at syempre tulong para sa ikauunlad at ikabubuti ng ating mga kabuhayan,” saad ni Konsehal Cristina Imperial.
Nagpahayag din ng pasasalamat ang mga magsasaka sa ibinigay na tulong, na anila ay malaking ginhawa sa kanilang gastusin para maipagpatuloy ang kanilang proyekto.
“Ito po ay malaking tulong para sa amin kasi hindi pa sapat ang aming budget upang tustusan ang aming mga pangangailangan sa aming asosasyon. Kaya po nagpapasalamat kami sa tulong na fuel subsidy ngayon at ito ay magagamit namin para kami ay makapag-umpisa sa aming hangarin na makapagtanim na. At ang lahat ng ito ay malaking bagay at tulong para sa aming samahan,” saad ni Lemuel Galindez, pangulo ng San Isidro Poultry and Livestock Producers Association.
Dumalo sa aktibidad ang mga kinatawan mula sa LGU Alcantara na pinangunahan ni Municipal Agriculturist Alex John Galicia, kasama sina Sangguniang Bayan Members Konsehal Cristina Imperial, Chairperson ng Committee on Agriculture, at Konsehal Mark Jude Ignacio, Co-Chairperson ng Committee on Agriculture. Nakiisa rin sa programa ang mga Community Development Officers ng SAAD MIMAROPA na sina Engr. Ian Gabo at Ria Amor Falcutila.
