Pormal nang binuksan ang Kadiwa Center sa bayan ng San Jose, Occidental Mindoro matapos itong matagumpay na ilunsad ng Department of Agriculture MIMAROPA, sa pamumuno ni Regional Executive Director Atty. Christopher R. Bañas, noong ika-14 ng Abril, 2026.
Ipinagkaloob ang nasabing pasilidad sa Kaagapay Kilusang Bayang Tagapagpaunlad Multipurpose Cooperative (KAAKIBAT MPC) na may kabuuang halaga na ₱6.25 milyon. Sa halagang ito, ₱5 milyon ay mula sa DA at ₱1.25 milyon naman ang counterpart ng kooperatiba. Ito ang kauna-unahang Kadiwa Center sa probinsya na pinondohan ng kagawaran.
Naitayo ang nasabing pasilidad sa tulong ng Kadiwa ng Pangulo Program ng Agribusiness and Marketing Assistance Division (AMAD) na naglalayong mapalapit ang ugnayan ng mga magsasaka at mamimili.
Mabibili sa Kadiwa Center ang sari-saring gulay na direktang itinanim ng mga miyembro ng kooperatiba, gayundin ang iba pang pangunahing bilihin tulad ng asukal, karne, mantika, at mga de-latang produkto – lahat ay ibinebenta sa mas murang halaga.
“Sa tulong proyektong ito, patuloy nating mailalapit sa mga konsyumer ang mas mura, mas masustansya, at mas sariwang pagkain, lalo na sa panahon ngayon na nakakaranas tayo ng krisis,” saad ni AMAD Chief Randy Pernia.
Kasabay ng pagbubukas ng Kadiwa Center ang paglulunsad ng ₱20 Rice Program ng pamahalaan, kung saan maaaring makabili ang mga kwalipikadong benepisyaryo ng bigas sa halagang ₱20 kada kilo. Magmumula sa National Food Authority (NFA) ang suplay ng bigas.
Binigyang diin naman ni Municipal Agriculturist Romel B. Calingasan ang kahalagahan ng pagpapalawak ng kaalaman. “Hindi lagi natatapos sa pagpo-produce ang pagtatanim. Sa pamamagitan ng Kadiwa ng Pangulo ay unti unti nating hubugin ang mga magsasaka at mangingisda upang maging ganap na agri-preneurs.”
Dumalo rin sa nasabing aktibidad si Provincial Agriculturist Alrizza Zubiri at nagpahayag ng patuloy na suporta sa mga programa ng kagawaran para sa pagpapalakas ng sektor ng agrikultura.
Nagpahayag naman ng pasasalamat si Chairman Ramon M. Silverio sa pamunuan. “Lubos po kaming nagpapasalamat sa pamahalaan, lalo na kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at sa Department of Agriculture, sa pagkakaloob ng Kadiwa Center na malaking tulong sa aming kooperatiba at sa buong komunidad. Mapalad kami dahil sa ipinagkaloob nilang interbensyon.”
Bukas ang Kadiwa Center sa publiko, kung saan inaasahang makikinabang hindi lamang ang mahigit 80 miyembro ng kooperatiba kundi pati ang buong komunidad ng San Jose.
