News and Events

₱2.5-M Grant ng DA-MIMAROPA, Naghatid ng KADIWA Store sa Bansud; ₱20 Bigas para sa Katutubo, Maasahan

₱2.5-M Grant ng DA-MIMAROPA, Naghatid ng KADIWA Store sa Bansud; ₱20 Bigas para sa Katutubo, Maasahan

Sa tulong ng ₱2.5 milyong grant mula sa Department of Agriculture–MIMAROPA, pormal nang pinasinayaan ang KADIWA Store ng Catmon Farmers Multi-Purpose Cooperative noong ika-16 ng Abril 2026 sa Brgy. Sumagui, Bansud, Oriental Mindoro—isang hakbang na inaasahang magpapalakas sa direktang bentahan ng produkto at maghahatid ng mas abot-kayang bilihin sa komunidad.

Bahagi ng nasabing pondo ang pagbili ng hauling truck na magsisilbing pangunahing sasakyan sa mas mabilis at episyenteng transportasyon ng mga produkto ng kooperatiba, gayundin bilang suporta sa kanilang trading operations upang matiyak ang tuloy-tuloy na suplay sa KADIWA Store.

P20 bigas para sa mga katutubo

Kaugnay nito, puspusan na ring inaayos ng kooperatiba, katuwang ang Food Terminal Inc. (FTI), ang mga kinakailangang dokumento upang maisama ang ₱20 kada kilong bigas sa kanilang mga paninda—na inaasahang higit na makikinabang ang mga mamamayan ng Bansud, lalo na ang mga katutubong Mangyan.

Bukod sa pisikal na tindahan, magkakaroon din ng KADIWA Rolling Store na magdadala ng murang bilihin sa iba’t ibang barangay sa bayan. Sa pamamagitan ng hauling vehicle, direktang maaabot ng kooperatiba ang mga komunidad, kabilang ang mga katutubo, at magsisilbi ring sentro ng “barter” o palitan ng mga lokal na produkto.

Binigyang-diin sa aktibidad ang mahalagang papel ng KADIWA sa pag-uugnay ng mga magsasaka at mamimili, na nagreresulta sa mas mataas na kita para sa mga producer at mas mababang presyo para sa mga konsyumer.

Ang proyektong ito ay bahagi ng patuloy na layunin ng DA-MIMAROPA na mailapit sa publiko ang sariwa, de-kalidad, at abot-kayang mga produkto mula sa mga lokal na magsasaka, habang tinitiyak ang inklusibong serbisyo para sa lahat, lalo na sa mga katutubong komunidad.

Image

Republic of the Philippines

All content is in the public domain unless otherwise stated.

About GOVPH

Learn more about the Philippine government, its structure, how government works and the people behind it.