Alinsunod sa direktiba ni Kalihim Francisco “Kiko” Tiu Laurel, Jr., na palawakin ang produksiyon ng sili sa bansa, namahagi ang Department of Agriculture–MIMAROPA (DA-MIMAROPA), sa pamamagitan ng High Value Crops Development Program (HVCDP), ng iba't ibang agricultural inputs para sa produksyon ng siling pula na nagkakahalaga ng ₱1,013,896.00 sa 16 na samahan at kooperatiba ng mga magsasaka sa lalawigan ng Occidental Mindoro, ika-4 ng Agosto.
Isinagawa ang pamamahagi sa DA-Murtha Demo Farm sa bayan ng San Jose, Occidental Mindoro. Sa aktibidad, karamihan sa mga samahan ay tumanggap ng humigit-kumulang ₱60,000 halaga ng agricultural interventions, habang ang halaga ng ipinagkaloob na interbensyon ay nag-iba batay sa pangangailangan at inaprubahang alokasyon ng bawat benepisyaryo. Kabilang sa mga tumanggap ng suporta ang Upper Saligsig Farmers Association, United as One Agriculture Cooperative, San Carlos Multi-Purpose Cooperative (SACAMUCO), Kaingin Tagumpay Farmers and Irrigators Association (KATFIA), Burgos Coconut Farmers Agriculture Cooperative, Bayanihan Farmers and Fisherman Association, Magilas Farmers Association, Marikit Farmers Association, Tunnel Vegetable Grower Association, Sta. Cecilia Agriculture Cooperative, Mabini Annex Farmers Association, Mabunga Vegetable Vendors Association, Samahang Magpapalay, Magmamani at Magmamais ng Kintangan, Sto. Niño Farmers Better Living Agriculture Cooperative (SANFABELCO), Lumintao Farmers Agriculture Cooperative, at Farmers Association–Fatima Proper. Ang mga samahang ito ay nagmula sa mga bayan ng San Jose, Rizal, Calintaan, Sablayan, Sta. Cruz, Mamburao, Abra de Ilog, at Paluan.
Kabilang sa mga ipinamahaging interbensyon ang de-kalidad na binhi ng siling pula, fortified organic fertilizer, at plastic mulch, na inaasahang makatutulong sa pagpapalawak ng taniman ng sili, pagpapataas ng produksyon, at pagpapabuti ng kalidad ng ani.
“Ang mga ito ay magsisilbing mahalagang suporta upang mapababa ang gastos sa produksyon at mapataas ang kita ng mga magsasakang benepisyaryo. Bukod sa pagbibigay ng direktang suporta sa mga magsasaka, ang naturang interbensyon ay bahagi ng patuloy na hakbang ng ahensya upang mapatatag ang suplay at presyo ng sili sa merkado, lalo na sa mga panahong tumataas ang demand. Malaki rin ang potensyal ng siling pula bilang high-value crop, partikular sa mga susunod na buwan kung kailan inaasahang tataas ang pangangailangan sa merkado,” pagpapaliwanag ni Regional Executive Director Atty. Christopher R. Bañas hinggil sa layunin ng proyekto.