Si Jestoni Atienza, 28 taong gulang mula sa Barangay Nag-iba II, Naujan, Oriental Mindoro, ay hindi lamang isang magsasaka kundi isang huwarang kabataan at lider na nagpapatunay na may ginto sa agrikultura.
Sa kabila ng pagtatapos sa kursong Bachelor of Science in Office Administration, mas pinili niyang harapin ang lupa at hayop. Upang mas mapalawak ang kanyang kaalaman, nag-aral pa siya ng Organic Agriculture Production sa Technical Education and Skills Development Authority (TESDA), kung saan nakuha niya ang NC II certification.
Ang kanyang kasanayan at teknolohiya sa pagsasaka ay natutunan niya mula sa kanyang mga magulang na kapwa magsasaka, sa Naujan Municipal Agriculture Office (MAO), Department of Agriculture - Agribusiness and Marketing Assistance Division (AMAD), at sa pagsasanay sa Young Farmers Challenge (YFC).
Nagsimula ang kanyang negosyo, ang KMJC Integrated Farm, sa pag-upa niya sa dalawang ektaryang lupa para sa pagtatanim ng gulay, at sinuportahan siya ng kanyang pamilya sa kanyang mga operasyon. Ang KMJC Integrated Farm ay nakatuon sa paggawa ng iba't ibang de-kalidad na produkto sa agrikultura at sustainable farming.
Ang Young Farmers Challenge
Ang tunay na tagumpay ni Jestoni ay dumating nang sumali siya sa YFC. Sa tulong ng MAO, nakadalo siya sa orientation ng YFC. Dito, natutunan niya ang mga mahalagang kasanayan tulad ng paggawa ng business model canvas at financial statement.
Ang kanyang makabagong ideya sa negosyo ay ang paggawa ng sariling feeds para sa hayop. Naisip niya ito noong kasagsagan ng African Swine Fever outbreak sa Oriental Mindoro, kung saan mataas ang presyo ng mga commercial feeds. Ang solusyon niyang ito, na naglalayong bawasan ang lumalaking gastusin, ay humantong sa sunod-sunod na pagkilala bilang Provincial Awardee ng YFC Start-up Category 2023, Regional Awardee ng YFC Start-up Category 2023, at Regional-Upscale Awardee noong 2024.
Ang kanyang kabuuang gantimpala mula sa YFC ay umabot sa ₱530,000 na ginamit niyang pondo para bumili ng pelletizer machine at iba pang makinarya, para sa buy-and-sell ng mga kambing, at sa maintenance at pagpapalawak ng kaniyang farm, kabilang ang konstruksyon ng mga kulungan at pagbili ng mga upgraded goats.
Ang Paglago ng KMJC Farm
Sa simula, tatlong kambing lamang ang inalagaan niya. Ngayon, ang KMJC Farm ay nag-aalaga na ng higit isang daang kambing. Ang kanyang mga alagang upgraded goats tulad ng Native, Boer, at Anglo-Nubian ay in-demand ng mga buyer mula sa Oriental at Occidental Mindoro.
Gumagawa rin si Jestoni ng silage mula sa mais at Napier grass tuwing tag-ulan upang mapanatili ang nutrisyon ng kanyang mga alaga. Gumagamit din siya ng organikong input sa pagsasaka tulad ng dumi ng manok, baka, at kambing.
Isang Lider sa Komunidad at Huwaran ng Kabataan
Higit sa pagiging magsasaka, si Jestoni ay isang aktibong lider sa komunidad, na may paninindigan sa sustainable leadership at community development. Siya ay nagsisilbi bilang Barangay Councilor ng Nag-iba II, President ng Nag-iba II Vegetable & Fruit Growers Association, Member ng 4H Club Naujan, at Secretary ng Young Agripreneurs Marketing Association.
Bilang kabataan at Kagawad ng Barangay, ang kanyang layunin ay hindi lamang kumita, kundi tulungan ang mga magsasaka, residente, at out-of-school youth na paunlarin ang kanilang kabuhayan at ang agrikultura sa kanilang lugar. Nakapagbigay siya ng hanapbuhay at aktibong naglalaan ng kambing sa mga miyembro ng 4H Club bilang bahagi ng isang pass-on scheme.
Kinikilala ang Dedikasyon
Ang dedikasyon ni Jestoni sa agrikultura at pagpapaunlad ng komunidad ay kinikilala. Siya ay nominado sa Gawad Saka Search for Outstanding Young Farmers. Ang nominasyon ay patunay na ang kanyang passion, pamumuno, at pangako sa pag-angat ng mga komunidad ay karapat-dapat sa pinakamataas na pagkilala.
Ang Mas Malaking Pangarap: Isang Learning Site
Sa kabila ng mga hamon tulad ng pagbabago-bago ng klima at sakit ng hayop, patuloy si Jestoni sa pagtupad ng kanyang mas malaking pangarap na gawing Learning Site ang KMJC Farm. Nais niyang maging sentro ito ng edukasyon, pagsasanay, at pagpapakalat ng makabagong kaalaman sa pagsasaka.
Bilang isang matagumpay na Young Farmer Challenge awardee at nominado sa Gawad Saka, ang kanyang mensahe sa kabataan ay malinaw.
“Panahon na para ipakita ang iyong pangarap. Huwag sayangin ang ganitong oportunidad. No more ‘sana all’ na may puhunan dahil sa YFC, yayaman ka. Yayaman ka sa kaalaman at kasanayan.”
Ang kuwento ni Jestoni ay isang patunay na ang agrikultura ay maaaring maging isang matatag at marangal na propesyon, at na ang mga kabataan ay may malaking papel sa paghubog ng kinabukasan ng pagkain at ng komunidad.